Walkout

July 15, 2010

Kagyat na freeze sa matrikula ng mga paaralan sa buong bansa. Pag-rolbak at pag-refund sa mga nagtaas na matrikula iba pang bayarin ngayong taon. Pagdagdag sa badyet ng edukasyon batay sa rekomendasyon ng United Nations. Pagrespeto sa kalayaan ng mga konseho ng mag-aaral at student publications. Ilan lamang ito sa tinatawag na education agenda na balak ilatag sa bagong administrasyon ng mga grupo ng kabataan tulad ng Anakbayan, National Union of Students in the Philippines, at Kabataan Party-list.

Dismayado ang mga grupo, at papalaking bilang ng mga indibidwal na kabataan, sa mga (hindi) pinagsasabi ng bagong pangulo at gobyerno hinggil sa edukasyon. Halimbawa, hinintay ko nung Linggo ng gabi ang isang palabas sa NBN-4 kung saan tatalakayin daw ang education agenda ni Noynoy. Laking gulat ko nung nakita ko na ang nagpapaliwanag nung agenda ay hindi ang pinuno ng DepEd o ng CHED, kundi opisyal ng isang NGO (non-government organization) na kadikit ng mga Aquino.

Pero hindi pa nagtatapos ‘yun dun. Buti sana kung may nilalaman yung sinabi niya hinggil sa mga hinihingi ng mga estudyante. Pero ika nga ng bandang Kamikazee: wala, wala, wala, wala.

Tama lang na ang porma ng paghahamon kay Noynoy ay isang pambansang serye ng mga walkout mula sa klase. Sa pinaka-mabait na pananaw sa kasalukuyan, masasabi natin na complacent siya. Dahil sa antas ng pagkapanalo niya, maaaring iniisip niya na lahat ay masaya sa kanya. Walang kumukwestyon, tumutunggali, o sumasalungat.

Sa pinaka-sinikal na pananaw, masasabi na si Noynoy ay yumabang: lumaki ang ulo at aroganteng iniisip na hindi siya maaaring magkamali.

Kaya sakto lang na kalampagin siya. Magpakita ng imahen na ang kabataan ay hindi palalampasin ang kahit anong kamalian o sablay ni Aquino, gaano man kaaga sa kanyang termino. Kahit sa pananaw ng ideyal na pulitika, kinakailangan ang public pressure para pakilusin ang isang gobyerno o opisyal na natutulog sa pansitan.

Siyempre, may mga KJ. Mga mahilig sa kulay asul at dilaw, lalo na sa mga kampus. Huwag na daw sumali sa mga ganyan. Wala namang mapapala. Hindi naman daw binabigyan ng mga magulang natin ng pambayad sa matrikula at baon para lang lumiban sa klase o mag-rally. Sayang lang daw yung dapat natutunan ko sa klase nung araw nay un, o kaya yung bonus sa grado pag perfect ang attendance sa klase.

Pero hindi ba nung Marso pa lang, natigil ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines ang dapat na 2,000% pagtaas ng matrikula sa kanilang paaralan? Hindi ba sumunod naman ang mga estudyante ng University of the Philippines sa pag-barikada sa isang pulong ng mga opisyal ng kanilang pamantasan at epektibong napigil ang pagtaas ng iba’t ibang bayarin?

Hindi ba mas malaki ang matitipid ng mga magulang natin kung maipagtatagumpay natin ang pagpigil sa pagtaas, pagrolbak, at pag-refund ng mga matrikula at iba pang bayarin? Para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan, hindi ba mayorya naman ng halaga ng pag-aaral natin ay sinusubsidyuhan ng mga buwis ng mga mamamayan? Hindi ba utang ng loob natin sa ating mga magulang at sa masa na nagbabayad sa edukasyon natin na tumulong sa pagkamit ng mas mabuting panlipunang kaayusan?

At hindi ba malaki ang pagkakaiba ng learning (pagkatuto) sa academics (pag-aaral)?