Husgahan Natin

Mag-ingat sa paglagda ng waiver at quitclaim

Sa kasalukuyang panahon ay marami sa mga manggagawa ang  boluntaryong   pinagbibitiw  sa kanilang mga trabaho ng kanilang  mga kompanya,  kapalit ng pagbayad sa kanila ng separation pay.  Bunga raw kasi ito ng nagaganap na krisis pang-ekonomiya. Pagtanggap ng manggagawa ng bayad mula sa kompanya, palalagdain siya nito ng Waiver and Quitlaim kung saan nakasaad na […]

Sa kasalukuyang panahon ay marami sa mga manggagawa ang  boluntaryong   pinagbibitiw  sa kanilang mga trabaho ng kanilang  mga kompanya,  kapalit ng pagbayad sa kanila ng separation pay.  Bunga raw kasi ito ng nagaganap na krisis pang-ekonomiya. Pagtanggap ng manggagawa ng bayad mula sa kompanya, palalagdain siya nito ng Waiver and Quitlaim kung saan nakasaad na wala na siyang habol sa kompanya at hindi na maaring magdemanda pa.

Dito kailangang maingat ang  manggagawa. Kung hindi katanggap-tanggap  sa kanya  ang separation pay na inaalok ng kompanya, hindi niya ito dapat tanggapin at huwag siyang pumirma ng Waiver and Quitclaim. Kapag nakapirma na siya, mahirap na itong bawiin at hindi na niya mahahabol pa ang kompanya.

Ganito ang nangyari sa kasong “Goodrich Manufacturing Corporation vs. Emerlina Ativo et. al.”, (G.R.  No. 188002,  February 1, 2010).

Dahilan di umano sa suliraning pampinansiya, napilitang mag-alok ng voluntary resignation package ang kompanya sa kanyang mga manggagawa. Ilan sa mga ito ang tumanggap sa alok ng kompanya. Kapalit ng kanilang pagbibitiw sa kompanya, binayaran sila nito ng kanilang separation pay. Pumirma din sila ng Waiver and Quitclaim na pinalagdaan  sa kanila  ng kompanya.

Isang araw matapos nilang lagdaan ang nasabing Waiver and Quitclaim, nagdemanda sa tanggapan ng Labor Arbiter itong sina Emerlina at kanyang mga kasama laban sa kompanya. Ilegal daw kasi ang kanilang pagkaalis  dito at kailangan silang ibalik sa kanilang trabaho.

Sa naging Desisyon ng Labor Arbiter, abswelto ang kompanya sa kasong illegal dismissal. Ganun pa man, inutos nito ang pagbayad ng kompanya ng 13th month pay, cost of living allowance, at service incentive leave.

Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC)  ang kompanya at  dito nabaliktad ang desisyon. Ayon sa NLRC, maliwanag  sa  Waiver and Quitclaim na pinirmahan nina Emerlina na wala na silang habol sa kompanya kaya’t hindi na sila dapat nagdemanda laban dito.  Inutos din ng NLRC na wala nang dapat bayaran pa ang kompanya kina Emerlina.

Sina Emerlina naman ang nag-apela sa Court of Appeals. Ganun pa rin ang hatol ng Court of Appeals , tungkol sa voluntary resignation nina Emerlina. Pinirmahan na raw  nila ang Waiver and Quitclaim kung kaya’t wala na silang habol sa kompanya. Ganun pa man, sa isyu ng 13th month pay, service incentive leave at cost of living allowance, sinabi ng Court of Appeals na dapat lamang  itong bayaran ng kompanya dahil ang mga benepisyong ito ay inutos ng batas.

Inakyat ng kompanya  sa Korte Suprema ang kaso.

Kinatuwiran ng kompanya na sa paglagda ng mga manggagawa sa nasabing Waiver  and  Quitclaim ay tinanggap nila na lahat ng dapat nilang makuha mula sa kompanya ay nakuha na nila at wala na silang makukuha pa rito. Sinagot naman ito ng mga mangggagawa na walang bisa ang nasabing Waiver and Quitclaim hindi sila dapat sumunod  sa nakasaad dito.

Naging pabor sa kompanya ang  desisyon ng Korte Suprema.

Sinabi ng Korte Suprema na hindi lahat ng  Waiver and Quitclaim  ay walang bisa sa mata ng batas. May mga Waiver and Quitclaim na binibigyan ng bisa  ng  batas.  Kailangang patunayan lamang ng  kompanya na:  (a)  ang nasabing Waiver and Quitclaim ay   kusang-loob na nilagdaan ng mga mangagawa at hindi sila pinilit para lumagda  dito ,   (b)   walang panlilinlang na ginawa sa mga manggagawa ang kompanya para lagdaan nila ang nasabing Waiver and Quiclaim; (c)  may sapat na halagang tinanggap ang mga manggagawa sa kanilang  paglagda sa nasabing  dokumento  at (d)    ang nilalaman ng nasabing Waiver and Quitclaim ay hindi lumalabag sa batas.

Malinaw sa mga pangyayari na lubos na nauunawaan nina  Emerlina and nilagdaan nilang Waiver and Quitclaim. Simple lamang ang nilalaman nito at madaling maintindihan.  Wala ring ebidensya na nagpapakitang niloko sina Emerlina ng kompanya.  Bagamat sinasabi nilang hindi totoong nalulugi ang kompanya dahil may binuksan pang negosyo ang may-ari nito, wala silang ebidensya tungkol dito.  Ito ay isang haka-haka lamang.  Higit sa lahat, may sapat silang kabayaran na tinanggap mula sa kompanya. Ayon sa NLRC, hindi lamang ang separation pay nina Emerlina ang binayaran ng kompanya. Pati na ang 13th month pay nila para sa dalawang taon na nagdaan ay muling binayaran sa kanila ng kompanya kapalit ng kanilang pagbitiw dito.

Sa pagkakataong ito, dapat lamang bigyan ng  bisa ang Waiver and  Quitclaim na pinirmahan  nina  Emerlina. Dahil dito, binaliktad ng Korte Suprema ang hatol ng Court of Appeals at sinabing wala ng makukuha mula sa kompanya ng mga manggagawa.

Kaya mga manggagawa, kapag pinalalagda kayo ng Waiver and Quitclaim sa susunod, tanungin ninyo ang inyong sarili ng sampung beses  kung gusto ba talaga ninyo  ito.  Kung hindi, ay huwag pumirma. Baka matulad kayo kina Emerlina.