Husgahan Natin

Dahil sa hindi pagkibo ng unyon

Maaaring naging matagumpay ang isang unyon na makamit ang isang  benepisyo sa pamagitan ng sama-samang tawaran (collective bargaining). Ngunit   kahit ang isang benepisyo ay nakalagay na sa collective bargaining agreement (CBA),  kailangan pa rin ang masusing pagbabantay ng unyon para matiyak ang  lubusang  pagtupad  ng  manedsment sa benepisyong ito. Ang anumang kapabayaan sa panig ng […]

Maaaring naging matagumpay ang isang unyon na makamit ang isang  benepisyo sa pamagitan ng sama-samang tawaran (collective bargaining). Ngunit   kahit ang isang benepisyo ay nakalagay na sa collective bargaining agreement (CBA),  kailangan pa rin ang masusing pagbabantay ng unyon para matiyak ang  lubusang  pagtupad  ng  manedsment sa benepisyong ito. Ang anumang kapabayaan sa panig ng mga manggagawa ay maaring magbunga ng hindi kanais-nais na resulta. Ito ang nangyari sa  kasong “Malayan Employees Association –FFW et. al. vs. Malayan Insurance Company, Inc.” (GR No. 181357;  February 2, 2010).

Sa nasabing kaso, matagumpay na natamo ng mga manggagawa sa kanilang CBA ang benepisyo na kung tawagin ay union leave. Ayon sa kanilang CBA,  ang mga pinuno ng unyon ay bibigyan ng kompanya ng  bakasyon na may bayad  para makadalo sa mga pagpupulong ng labor management committee, grievance committee, labor education seminar at iba pang gawain ng unyon.

Para sa pagpatupad ng  nasabing benepisyo, naglabas ng kautusan ang kompanya  na lahat ng pinuno ng unyon na gustong mabigyan  ng union leave ay kailangan munang magbigay ng abiso sa kanyang department head. Kapag sang-ayon ang department manager, mabibigay ang union leave sa opisyal ng unyon na humingi nito. Kapag hindi sang-ayon ang department head ay hindi mabibigay ang nasabing union leave.  Hindi nagpahayag ng pagtutol ang unyon sa nilabas na kautusan ng manedsment.

Pagkalipas nang halos  dalawang taon,  isang union leave na hinihingi ni Rodolfo,  isang opisyal  ng unyon,  ang tinanggihan ng kanyang department head sa  kompanya. Kulang kasi raw sa tao ang departamento ni Rodolfo sa mga panahong iyon, paliwanag ng department head. Kaya’t hindi ito makapagbigay ng union leave kay  Rodolfo.

Bagamat hindi inaprubahan ng manedsment ang kanyang union leave, tinuloy ito ni Rodolfo. Nagalit naman ang manedsment at nagpataw ng suspension dito kay  Rodolfo. Dahil dito, nagdemanda ang unyon dahil sa paglabag ng manedsment sa umiiral na CBA.

Nakarating ang kaso sa Korte Suprema. 

Pinanigan ng Korte  Suprema ang manedsment sa naging hatol nito.

Pinaliwanag ng Korte Suprema na makatuwiran  lamang ang nasabing patakaran ng manedsment at kitang-kita sa naging reaksiyon ng unyon na tanggap nito ang nasabing patakaran. Matapos itong ipatupad ng kompanya kulang-kulang dalawang taon na ang nakaraan, hindi man lang naringgan nang anumang pagtutol ang unyon tungkol sa patakarang ito. Walang sulat o  anumang ebidensiya  na nagpoprotesta o tumututol ang unyon dito.

Bagkus ay sumunod pa  ang unyon sa patakarang ito ng kompanya. Sa panahong nagdaan ay nagsasabi at kumukuha ng pahintulot mula sa manedsment ang mga opisyal at kasapi ng  unyon  upang makagamit ng union leave. Kahit si Rodolfo mismo  ay sumusunod sa patakarang ito at ngayon na lamang nagsabi na mali ang ganitong patakaran nang hindi payagan ng kompanya  ang hinihingi niyang union leave.

Dahil dito, pinawalang bisa ng Korte Suprema ang demanda ng unyon at dineklarang tama ang patakarang nilabas ng kompanya tungkol sa union leave at hindi ito bumabangga sa CBA.

Kaya mga kasama, hindi kesyo nailagay na sa CBA ang benepisyong ating hinihiling ay kampante na tayo. Kailangang lagi tayong nakabantay para tiyakin ang lubos na pagsunod ng manedsment sa mga benepisyong ito.