Konteksto

Kuwento sa likod ng blog na Hay! Men!


Ang aking hiling lang sa mga mulat na indibidwal na naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng kasarian: Iparating sa Hay! Men! ang kolektibong pagtuligsa.

Akala ko noo’y wakas na ang “wasak.”

Bagama’t napakahina ng boses ng pagtuligsa, inisip kong handang makinig sa katwiran ang mga kinauukulan (lalo na ang isa sa kanilang sumulat pa sa akin para humingi ng dispensa). Mali pala ako.

Ano ba ang nangyari noon? Dahil mahina ang bagyo ng kritisismo, ang ulan ng pagbatikos sa blog na Hay! Men! Ang blog ng mga tunay na lalake! ay mistulang ambon lang. Pero kahit ambon ay nakakaya pa ring magdulot ng kalawang sa pinakamatigas na bakal. Kahit sa virtual na paraan, nagkaroon ng matitinding sagutan ang maraming mulat at hindi-mulat na online users sa ilang posts ng Hay! Men! noong Mayo 2009 tungkol sa kontrobersiyal na katangian nito.

Tiningnan kong pulitikal na tagumpay ang pagsasara ng Hay! Men! noong Oktubre 17, 2009. May kinalamam man o wala ang mga naging puna, hindi na ito mahalaga sa akin. Ang mas importante’y tapos na ang promosyon ng seksismo at pang-aapi sa kababaihan at komunidad ng LGBT.

Pero naging pansamantala lang pala ang tagumpay dahil napansin ko kamakailan lang ang pagbabalik nito. Nadagdagan pa nga ang aking pagkadismaya. Napansin kong naging mas malala pa ang nilalaman ng nasabing blog, batay sa aking pagbabasa ng pinakahuling posts nito.

Para sa mga hindi lubusang nasusundan ang konteksto ng ating pinag-uusapan, nagsimulang mag-post ang Hay! Men! noong Abril 22, 2009 ng mga nakakatawang kategorisasyon ng mga tunay at hindi tunay na lalaki (TNL at DTNL). May “manipesto” itong nagsilbing pamantayan sa pagtutukoy ng mga tao, bagay o pangyayaring TNL, DTNL o under consideration.

Para sa mga awtor ng blog, katuwaan lang naman ang lahat kaya subhetibo ang naging pagtatakda. Nais nilang magpatawa at magbigay ng panandaliang aliw sa publiko, at sa aking palagay ay nakamit nila ito. Sa pangkalahatan, maikli at direkta ang pagkakasulat ng mga post kaya madaling maintindihan ng nakararaming Pilipino. Maraming karakter at elemento ng kulturang popular ang ginawang katatawanan ng nasabing blog.

Sa maikling panahon, tumaas ang traffic ng Hay! Men! at naging usap-usapan ang nilalaman nito sa napakaraming website, discussion forum at e-group. Maraming naging tagahanga’t tagapagtanggol ang blog noong 2009, pero may iilan ding nagbigay ng puna sa nilalaman nito. Isa po ako sa mga bumatikos.

Mahaba ang aking naging paliwanag, pero ang buod ay makikita sa sumusunod na argumento: “Sa titulo pa lang, kitang-kita na ang kapilyuhan dahil sa malinaw na patungkol sa pagkabirhen ng babae (hymen). Maaari ding patutsada ito sa mga bakla dahil sa salitang `Hay!’ Sa layunin nitong pag-ibahin ang katangian ng babae’t lalaki, yumakap (intensiyonal man o hindi) ang mga awtor ng blog sa patriyarkal na pananaw. Mapapansin ito sa kabastusang hatid ng mga katagang `espesyal na relasyon sa mikropono’ ng mga hindi tunay na lalaki at pagkakaroon ng sandatang maaaring `itutok’ sa isang babae para naman sa mga tunay na lalaki. Sa kaso ng post na nagsasabing ang trabaho ng tunay na lalaki ay isang panadero, halatang halata ang seksismo sa argumento: `Dahil ang Tunay na Lalake, laging nagmamasa para laging may kakainin na monay ang mga kapwa Tunay na Lalake.`”

Wala akong intensiyong ulitin ang aking mahabang diskurso. Ang kailangan lang malaman sa puntong ito ay ang isang malungkot na katotohanan:  Ang mga pangunahing personaheng nasa likod ng blog na ito ay mga dating aktibista!

Opo, sila ay mga indibidwal na inaasahan nating may mataas na antas ng kamulatan, may malalim na pagsasaalang-alang sa kapakanan ng kababaihan at kabaklaan. Ang kanilang kahusayan sa pagsusulat ay nasasayang lang sa walang-katuturang pagbibigay-aliw na nagreresulta lang sa pagpapababa ng dignidad ng mga babae’t bakla. Pero kahit na sabihing wala silang malalim na pag-unawa sa ugnayan ng kasarian at lipunan, hindi ito lisensiya para magsulat ng mga post na iniinsulto ang katayuan ng mga grupong patuloy na biktima ng patriyarkal na kaayusan.

Ang mga dating aktibistang responsable sa Hay! Men! ay mga kinikilalang manunulat at dokumentarista. Ipagpaumanhin po sana ninyong lahat kung hindi ko na sila babansagang “artista ng bayan” dahil malaking kahihiyan ang kanilang ginagawa sa progresibong kilusan. (At pinag-uusapan na rin lang ang aktibismo, malaki rin ang aking puna sa mga progresibong patuloy na tumatangkilik sa nasabing blog at patuloy na natatawa’t naaaliw sa mga birong nagpapababa ng pagtingin sa kababaiha’t kabaklaan.)

Sa aking mahabang karanasan sa pagsusuri ng iba’t ibang teksto sa midya, maniwala po kayong hindi masasabing satiriko ang paraan ng pagpapatawa sa Hay! Men! Tahasan kasi ang pagpapababa sa katayuan ng mga babae’t bakla. Lalong hindi katanggap-tanggap ang pag-apruba ng mga komento ng anonymous online visitors na nagtataguyod ng iba’t ibang krimen sa mga babae’t bakla tulad ng panggagahasa, pambubugbog, pagtortyur at pagpatay.

Kahit na alam ko na ang mga tunay na pangalan ng mga nasa likod ng Hay! Men! wala akong layuning isapubliko ang mga ito. Hindi tulad nilang walang pakialam sa sensibilidad ng kababaihan at kabaklaan, may pagpapahalaga ako sa kanilang kagustuhang manatiling tago ang identidad.

Sa aking opinyon, ang kailangan lang malaman ng publiko ay ang maikling liham na ibinigay ng isa sa kanila sa akin matapos mabasa ang aking sanaysay laban sa Hay! Men!: “Sumulat ako hindi para sa diskurso, kundi kilalanin at tanggapin ang inyong komentaryo sa blog. Masasabi kong hindi naabot ng blog ang intensyon nito. Alam ko yun dahil isa ako sa original na nagbuo ng konsepto at nananatili ako, kahit napapansin ko na out of control na ito, para sikaping makapagbigay pa rin ng direksyon. Maraming dapat sabihin pero ang duluhan ay ano ang kagyat na kailangang gawin. I’m resigning as blog author at admin ng Hay! Men! at sana sumunod na rin ang iba pang admin at authors. Maraming salamat sa inyong paalala. Kung may kailangang panagutan, pananagutan ko.”

Natuwa ako noon sa kanyang bukas na pagtanggap sa kahinaan ng Hay! Men! Dahil dating aktibista at inako naman niya ang responsibilidad, akala ko’y tutuparin niya ang kanyang pangako. Pero nalaman ko sa ilang mapagkakatiwalaang kakilala niya ang kanyang muling pagbabalik sa nasabing blog para muling magkalat ng seksismo. Ang anumang pagtanggap sa mga kahinaan niya noon ay tuluyan na niyang kinalimutan.

Nakapanghihinayang ang pagbibigay ko sa kanya ng payo kung paanong magkaroon ng satirikong diskurso (isang bagay na hindi nagagawa ng Hay! Men!). Gusto mo bang malaman ang naging tugon ko sa kanyang mensahe? “Kung gusto mong pumasok sa satirikong diskurso, magbibigay lang ako ng isang `unsolicited advice’ kung hindi mo mamasamain: Pag-aralan mong mabuti kung ano’ng estilo ang ginamit ni Jun Cruz Reyes nang isulat niya ang Utos ng Hari. Nagalit sa kanya ang simbahan, pero tanggap na tanggap ng mga eskuwelahan ang kanyang akda kahit na ang mga titser ang tinitira niya.”

At dahil gusto ko siyang tulungan, nagbigay pa ako ng isang alternatibong proyektong maaari niyang pagkaabalahan: “Isang blog project na gusto kong ipamana sa iyo ang pagkakaroon ng blog na kung saan magbibigay ka ng alternatibong trabaho sa mga kilalang personahe. Mainam na pagmulan ito ng satirikong diskurso. Halimbawa, puwede mong gawing Magician si (Hen. Jovito) Palparan dahil kaya niyang mapaglaho ang halos 1,000 aktibista. Si (House Speaker Prospero) Nograles naman, puwede mong gawing Dance Instructor dahil magaling siya sa cha-cha at tango (tango nang tango sa pangulo). Wala pa akong naiisip na titulo para sa proyektong ito pero binibigyan kita ng layang gawin ito. Hindi mo ako kailangang bigyan ng acknowledgment dahil hindi ko naman maisagawa ito bunga ng maraming gawain.”

Sa pagsusulat ng sanaysay na ito, alam kong binibigyan ko ng hindi-nararapat na publisidad ang kontrobersiyal na blog. Pero nararapat lang na isapubliko ang kontradiksiyon hinggil sa mga taong nasa likod nito: Akala nila’y nakakatulong sila sa progresibong kilusan pero ang kanilang pinapalakas ay ang patriyarkal na kaayusan.

Alam na nila ito noon pa, pero patuloy pa rin sila sa kanilang maling ginagawa. Ang aking hiling lang sa mga mulat na indibidwal na naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng kasarian: Iparating sa Hay! Men! ang kolektibong pagtuligsa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.