Dagdag kompensasyon sa BEIs hiniling


Hiniling ngayon ng Act Teachers Party-list sa Comelec (Commission on Elections (COMELEC) na bigyan ng dagdag na kompensasyon ang mga titser na nagsilbi sa BEI (Boards of Election Inspectors) sa katatapos lamang na halalan. Ayon kay Antonio Tinio, pambansang presidente at unang nominado ng Act Teachers, karapat-dapat lamang na purihin ang ginawa ng mga titser […]

Hiniling ngayon ng Act Teachers Party-list sa Comelec (Commission on Elections (COMELEC) na bigyan ng dagdag na kompensasyon ang mga titser na nagsilbi sa BEI (Boards of Election Inspectors) sa katatapos lamang na halalan.

Ayon kay Antonio Tinio, pambansang presidente at unang nominado ng Act Teachers, karapat-dapat lamang na purihin ang ginawa ng mga titser sa pampublikong eskwelahan na nagsilbi sa BEI noong Mayo 10.

“Pinupuri namin ang kanilang propesyonalismo, tiyaga at pagtupad sa makabayang gawain. Kaugnay nito, nananawagan kami sa Comelec na bigyan ang mga titser nang dagdag na P2,000 bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para matiyak ang tagumpay ng kauna-unahang automated elections sa bansa,” sabi pa ni Tinio.

Makatwiran lamang, ani Tinio, ang dagdag na bayad dahil nagdagdag din ng ekstrang araw ang mga titser dahil sa malawakang recall sa mga maling Compact Flash card at muling pagtesting ng PCOS machine bago maganap ang eleksiyon.

“Hindi pa kasama rito ang isang dagdag na oras sa pagboto at ang hirap na kanilang dinanas dahil sa pag-cluster ng mga presinto, na may tatlong BEI na nagbabantay sa halos 1,000 botante,” paliwanag ni Tinio.

Tinatayang 220,000 ang BEI sa buong bansa, at aabot sa P440 milyon ang gagastusin ng gobyerno kung ibibigay sa kanila ang dagdag na P2,000. Para kay Tinio, malaking halaga ito pero maliit lamang kung ikukumpara sa P7 bilyon na ginastos ng Comelec sa mga makina.

Samantala, nakatanggap umano ang Act Teachers ng ulat na hindi pa nababayaran ang mga titser na nagsilbi sa eleksiyon sa Maynila, Malabon, Navotas, gayundin sa Baguio, Mindoro, Bacolod, Cebu, Bohol, at Siquijor.

“Sa kanilang sakripisyong ginawa, ang pinakamagandang magagawa ng gobyerno ay tiyakin ang maayos na bayad sa kanila. Sa kasamaang palad, mukhang hindi ganito ang kaso sa maraming lugar sa buong bansa,” sabi ni Tinio.