Konteksto

Saysay ng pagtatapos (Huli sa dalawang bahagi)


Walang lugar para sa personal na interes dahil mas kinakailangang pagtuunan ng pansin ang kabutihan ng nakararami. Totoo mang maraming oportunidad na ibibigay sa mga taong nakapagtapos ng pormal na edukasyon, hindi pa rin dapat kalimutan ng kabataan ang kahalagahan ng pagsisilbi sa bayan.

Magkahalong kasiyahan at pag-aalala. Hindi alam kung maiiyak o matutuwa. May matinding kabang hindi mawari kung paano nagsimula. Normal sa isang estudyanteng magtatapos ang magkaroon ng iba’t ibang pakiramdam. 

Tandang-tanda ko pa ang pagtatapos ko ng elementarya’t hayskul noong 1982 at 1986. Pakiramdam ko’y nakamit ko na ang rurok ng tagumpay at wala na akong kailangang patunayan pa. Kahit na pangatlo lang ako sa may pinakamataas na grado noong elementarya, nakabawi naman ako noong hayskul nang magtapos akong balediktoryan. Abot-tainga ang aking ngiti dahil sa personal na tagumpay na natamo. 

Opo, sadyang makasarili ako noon. Makalipas ang mahigit dalawang dekada, mainam sigurong punahin ko na ang aking sobrang kayabangan. Dahil nasilaw ako sa kinang ng mga medalyang isinabit sa aking leeg, akala ko’y napakatalino ko’t madali na ang pagharap sa mga hamon ng buhay. Simple lang ang aking ambisyon noong nagtapos na ako ng hayskul – makakuha ng diploma sa kolehiyo, magkaroon ng magandang trabaho at magkamal ng maraming pera. Sa konteksto ng pagpapayaman, mababaw at likas na makamundo ang aking mga plano -mangolekta ng kotse’t motorsiklo, magpatayo ng maraming bahay, bumili ng eroplano’t yate at kumain sa mamahaling restoran. 

Para sa akin, ang diploma ay simpleng tuntungan lang para sa magandang buhay at ang tanging mahalaga lang sa pag-aaral ay makakuha ng matataas na grado. Kailangang maagang makilala ng mga guro, sundin lahat ng mga utos at parating maging magiliw sa kanila. Hindi na baleng walang masyadong matutuhan basta’t parating matataas ang marka. 

Dahil nag-aral ako sa isang pribado’t Katolikong paaralan sa Caloocan City noong elementarya’t hayskul (bagama’t mas mababa ang binayarang matrikula dahil sa aking matataas na marka), hindi ko ramdam ang hirap na pinagdaraanan ng marami pang estudyanteng pumapasok noon sa mga pampublikong paaralan. Kung tutuusin, may negatibong konotasyon pa nga ang salitang public school para sa akin. Kapag gusto kasi kaming sawayin ng ilang guro namin, ito ang madalas nilang sabihin, “Tumigil na nga kayo. Para kayong taga-public school!” Naikintal sa aking murang kaisipang masama ang ugali ng isang nag-aaral sa pampublikong paaralan. 

Palibhasa’y mahirap kaya hindi sibilisado. Iba sila, iba ako. 

Kahit na medyo namulat ako sa realidad ng ating lipunan nang patayin si dating Senador Benigno Aquino noong Agosto 21, 1983 (o noong Second Year High School ako), hindi pa rin naging malalim ang aking pagsusuri sa pambansang sitwasyon. Sa pangkalahatan, makasarili pa rin ang aking ambisyon, at ang tanging interes na itinataguyod ko noon ay akin lamang. Naging tagapangulo man ako ng konseho ng mga estudyante (student council) noong hayskul, ang paggampan ng aking tungkulin ay nasa konteksto lang ng pagpapatupad ng mga taunang aktibidad tulad ng student fair at sportsfest

Unti-unting nagbago ang aking perspektiba nang maganap ang EDSA 1 noong Pebrero 1986, o ilang buwan bago ang aking pagtatapos sa hayskul. Kahit na hindi pa naaalis ang makasariling ambisyon, ginamit ko ang aking posisyon bilang lider-estudyante para manawagan sa lahat ng kaklase’t kaibigan na suportahan ang kilusan laban sa pananatili ng mga Marcos. Kasama akong nagbunyi nang mailuklok ang bagong administrasyon sa ilalim ni Corazon Cojuangco-Aquino na nabiyuda noong 1983. 

Masasabing naging madamdamin at medyo pulitikal ang naging valedictory speech ko noong aming pagtatapos sa hayskul, isang okasyong nagwakas sa sama-samang pagkanta ng “Bayan Ko.” Hindi ko na matandaan kung may naglakas-loob na magtaas-kamao noong panahong iyon, pero alam na alam kong hindi ko ginawa iyon. Medyo nagbago man ang aking perspektiba, nananatili pa ring mababaw ang pananaw ko sa buhay noon. 

Sa kabila ng makasaysayang EDSA 1, tiningnan ko pa ring personal na tagumpay ang aking pagtatapos at wala akong konsepto ng patuloy na pagkilos para sa mas makabuluhang pagbabago.