Istorya ng Linggo

Ipinagkait na katarungan para sa Morong 43


Mahigit nang dalawang buwan mula nang dakpin at ipiit ang Morong 43 sa kampo ng militar. Nagpapatuloy ang harasment laban sa kanila, at maging ang kanilang mga kaanak ay damay sa pagmamalupit at pagkakait ng katarungan.

Mga kaanak ng Morong 43 sa labas ng Kampo Capinpin sa Tanay, Rizal: pag-aalala, sikolohikal na tortyur. (Hiyasmin Bisoy)
Mga kaanak ng Morong 43 sa labas ng Kampo Capinpin sa Tanay, Rizal: pag-aalala, sikolohikal na tortyur. (Hiyasmin Bisoy)

“Patuloy kaming niloloko ng militar at alam naming gagawin nila ang lahat para hindi ilabas ang Morong 43.”

Ito ang pahayag ni Beverly Millena, ina ng 22-anyos na si  Ace Millena, isa sa 43 health workers na dinakip ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP)  sa isang raid sa Morong, Rizal noong Pebrero 6.

Dismayado si Beverly dahil hindi inilabas ng AFP ang detenidong mga health worker para sa pagdinig sa Commission on Human Rights (CHR) noong April 12.

“Isa itong malinaw na pagsuway sa hurisdiksiyon at mandato ng CHR,” paliwanag ni Atty. Romeo Capulong, isa sa mga abogado ng Morong 43. Nagsisilbi din umano itong mensahe ng militar na walang magagawa ang mga detenido kaugnay kanilang pagkakakulong.

Matatandaang unang tumanggi ang AFP na ilabas ang mga detenido para sa isang pagdinig sa Court of Appeals noong Pebrero.

Sa kasalukuyan, mahigit dalawang buwan nang nakapiit sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal ang Morong 43. Lima sa mga ito ang “bumaligtad” at tatayong state witness laban sa kanilang mga kasamahan, ayon sa AFP.

Patuloy namang umaasa ang mga kaanak na lalaya ang lahat ng detenidong health workers sa kabila ng “panlilinlang at pagpapahirap” sa kanila ng militar.

Paglipat sa Crame

“Nakasalubong na lang ng aming dyip ang army truck lulan ang aking anak at mga kasamahan niya,” ani Beverly habang inaaala ang isa pang “panloloko” sa kanila ng AFP noong Abril 9.

Nakatakda sanang ilipat noong araw na iyon ang 38 mula sa 43 health worker mula Camp Capinpin tungo sa Camp Crame.

Sa bisa ng court order na ilinabas ng branch 78 ng Morong Regional Trial Court (RTC) na isinumite sa Camp Capinpin noong Abril 8, inaatasan ang 2nd Infantry Division ng Philippine Army na kagyat na ilipat sa nasabing pasilidad ng PNP ang 38 health worker.

Ito ay matapos magsampa ng mosyon ang mga abogado ng Morong 43 para ilipat sila ng kulungan sa dahilang nakararanas ang mga ito ng kabi-kabilang tortyur at iba pang pagpapahirap sa Camp Capinpin.

Ayon sa Karapatan, grupong nagsusulong ng karapatang pantao, nararapat lamang na ilipat ang detenidong mga health worker sa Camp Crame. Bilang “civilian suspect”, dapat lamang umanong sa “civilian jail” sila ikulong.

Sa pamamaraan ding ito, ayon sa grupo, hindi mahihirapan ang mga kaanak na dalawin ang mga detenido. Maaari din umanong makadalaw ang progresibong mga organisasyon at human rights group, na kasalukuyang pinagbabawalang pumasok sa Camp Capinpin para makapanayam ang mga health worker.

Sa harap ng mga kaanak na nakatipon sa bakuran ng Camp Capinpin noong Abril 8, inanunsiyo ng Karapatan na tiyak nang makakalipat ang mga detenido sa Camp Crame kinabukasan matapos ang matagumpay na negosasyon sa pagitan ng grupo, abogado ng mga health worker at mga opisyal sa Camp Capinpin.