Liham: Pahayag ng mga detinido sa Kampo Crame na nakikiisa sa Morong 43

April 17, 2010

Morong 43, sa pagdinig sa RTC noong Abril 16. (NUPL)

Morong 43, sa pagdinig sa RTC noong Abril 16. (NUPL)

(Pahayag na liham ng mga detinido sa Kampo Crame bilang suporta sa 43 manggagawang pangkalusugan na tinanggihan ng PNP na mailipat sa Kampo Crame noong Abril 9. Ilan sa mga lumagda ay mga ikinulong dahil sa pampulitikang paninindigan; ang ilan naman ay ordinaryong mga detinido sa PNP Custodial Center sa Crame. – Ed.)

Kaming mga nakalagda sa ibaba na mga detinido sa PNP Custodial Center ng Camp Crame ay nakikiisa sa kampanya para sa pagpapalaya sa Morong 43 na ilegal na inaresto, idinetine at tinortyur mula Pebrero 6, 2010.

Mahigpit din kaming sumusuporta sa pagpapagutom (fasting) ng mga tagapagtaguyod sa mga karapatang pantao na magsisimula sa Abril 17 (Sabado) upang palakasin pa ang panawagan ng taumbayan para sa pagpapalaya sa Morong 43 at sa iba pang biktima ng ilegal na pang-aaresto at detensiyon.

Lubhang nakakabahala ang mga pangyayari nitong nakaraang mga araw nang hindi sundin ng militar at pulisya ang kautusan ng sibilyan na korte na ilipat sa sibilyan na pasilidad na kulungan mula sa detensiyong militar ang tinaguriang mga manggagawang pangkalusugan sa komunidad (community health workers – Morong 43) gayong malinaw nang iniutos ito ng RTC sa Morong, Rizal.

Hindi malaking usapin ang pagdami ng mga detenido sa PNP Custodial Center ng Camp Crame para tanggihan ang paglilipat sana rito ng Morong 43 noong Abril 9, 2010. Matatandaan na higit na mas marami ang ikinulong dito noong Nobyembre 30, 2007 matapos ang kilos protesta ng Magdalo sa Manila Peninsula ng Makati noong Nobyembre 29, 2007.

Gayundin sa panahong itinatambak dito ang mga nahuling kubradores sa jueteng at iba pang bawal na sugal. Hindi nagiging malaking suliranin ang pagdami ng mga detenido (“overcrowding”) rito.

Lalong nakakabahala ang patuloy na tortyur sikolohikal na daraanan ng Morong 43 habang nasa kamay sila ng militar gayong sinampahan na sila ng mga kasong kriminal sa isang sibilyan na korte.

Kaugnay nito, mahigpit kaming nananawagan na:

1. Kaagad at walang kondisyon na palayain ang 43 manggagawang pangkalusugan sa komunidad na ilegal na inaresto sa Morong, Rizal at kasalukuyang ilegal na nakadetine sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Hinihiling din namin na alisin ang lahat ng mga maling kaso sa kanila.

2. Hinihiling din namin na papanagutin ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa ilegal na pang-aaresto, detensiyon at pag-tortyur sa 43 kabilang na ang may pananagutan sa pamumuno (“command responsibility“) sa mga puwersang militar at pulisya na direktang sangkot sa insidente.

Itigil ang ilegal na pang-aaresto, detensiyon at tortyur!

Palayain ang Morong 43 at iba pang biktima ng ilegal na pang-aaresto at detensiyon!

Ipagtanggol ang ating mga karapatang pantao!

Lubos na gumagalang,

(Lumagda)

Eduardo Rosin Serrano, Jovencio Balweg (mga detinidong pulitikal), at iba pang detinido ng Kampo Crame