Paninindigan sa gitna ng bangayan

February 3, 2010

Dibuho ni Neil Doloricon

Dibuho ni Neil Doloricon

Bago pa man matapos ang huling sesyon ng ika-14 na Kongreso, tila campaign season na sa loob ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Anumang layuning paglingkuran ang interes ng publiko sa pamamagitan ng imbestigasyon sa pagkakasangkot diumano ni Sen. Manny Villar sa kontrobersiyal na konstruksiyon ng C-5 ­extension project, tila naglaho na sa pulitikal na mga pagdinig sa Senado. Nagkakampu-kampuhan na sila, nagbabatuhan ng putik. Maaanghang – minsan pa nga’y bastusan na – ang pananalita. Ang isang kampo, na siyang Mayorya, sa pangunguna ni Senate President Juan Ponce Enrile, iginigiit na humarap si Villar sa sesyon. Pinangunahan niya ang paglagda ng rekomendasyon ng Senado na nagsasabing maysala si Villar. Nakahanay dito ang mga katunggali ni Villar sa susunod na halalan: Sen. Jamby Madrigal at Sen. Noynoy Aquino, na tumatakbo sa pagkapangulo, Sen. Mar Roxas na tumatakbo sa pangalawang tagapangulo sa ilalim ni Aquino, at iba pang kapartido o kaalyado ni Aquino at Enrile.

Sa kabilang kampo, nariyan ang mga tagadepensa ni Villar, mula kay Sen. Joker Arroyo at Sen. Miriam Santiago hanggang kay Sen. Aquilino Pimentel Jr. at Sen. Alan Peter Cayetano. Iginigiit nila ang kawalan ng sala ni Villar at pinararatangan ang Mayorya na namumulitika para siraan ang kandidatong pinakamalaking banta sa kandidatura ni Aquino sa halalang pampanguluhan.

Tulad ng sinasabi ni Bayan Muna Rep. at kandidato sa pagkasenador Satur Ocampo, ideyal pa ring humarap ang senador sa kanyang mga kasamahan sa Senado. Paninindigan ng Makabayan, koalisyon ng progresibong mga partido at indibidwal na nagpapatakbo kina Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza sa pagkasenador at nakikipag-alyado sa Nacionalista Party, na hindi nito dedepensahan si Villar. Kayang depensahan ni Villar ang sarili niya. Ngunit batid ng mga progresibo ang matinding pulitika na umiiral ngayon sa mga sesyon ng Senado. Sinabi rin diumano ni Villar kay Ocampo na pinangangambahan niya ang “pambabastos” ng mga kapwa senador niya – isang palatandaang grabe na ang tindi ng hidwaan, nagiging desperado na ang sitwasyon. Iginigiit umano ni Ocampo sa senador na pangibabawan ang pangamba niya, kung talagang may matibay na mga ebidensiya siyang hawak na nagpapatunay ng kawalan ng sala niya sa akusasyon.

Tama ang mga kritiko ni Villar na kailangang malaman ng madla ang katotohanan sa kontrobersiyal na C-5 Road Extension Project. Totoo bang ginamit ni Villar ang kanyang pagiging senador para makinabang ang kanyang kompanya sa proyektong ito ng gobyerno? Isyu ng malinis na paggogobyerno ito, at marapat lamang na ipagpaliwanag ang isang kandidato sa pagkapangulo dahil matagal nang mithiin ng mga mamamayan ang isang gobyernong malinis at hindi nagsasamantala sa kaban ng bayan para sa kapakinabangan ng iilang nasa poder.

Ayon sa kampo ni Villar, marami silang hawak na ebidensiya na nagpapawalang-sala kay Villar. Gayundin ang sinasabi nina Sen. Madrigal. Ang mahirap ngayon sa isang pulitisadong sesyon, isang prosesong tila nabahiran na ng laro sa pulitika, ay ang mahihirapan nang masala ng mga mamamayan kung alin sa ebidensiya ng dalawang panig ang mas matimbang.

Marahil, ito ang nais ng mga kalaban ni Villar sa Senado: na lalong bahiran ng dumi ang reputasyon sa publiko ni Villar para maparahan ang pag-angat ng kanyang kalagayan sa mga sarbey (Sa pagkakasulat ng artikulong ito, lumabas ang huling resulta ng sarbey ng Social Weather Station, kung saan 7 puntos na lamang ang lamang ni Aquino kontra kay Villar). Hindi talaga katotohanan kundi pagbagsak ni Villar ang maaaring layunin ng mga pagdinig na ito.

Samantala, noong nakaraang linggo, naganap ang Lakbayan, martsa ng mga magsasaka mula Mindanao at Hilagang Luzon patungong Mendiola para igiit ang panlipunang katarungan at tunay na repormang agraryo. Layunin ng Lakbayan na mapag-usapan sa midya at publiko ang dalawang isyung ito. Layunin din nilang gawing usaping elektoral ang naturang mga hiling ng mga magsasaka. Sa dalawang isyung ito, malaki ang pananagutan ng kalaban ni Villar na si Aquino. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nakakamit ang hustisya para sa mga 13 biktima ng masaker noong Nobyembre 2004 sa Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya Cojuangco ni Aquino. Patuloy ring hinaharang ng mga Cojuangco ang pagbawi ng mga magsasaka sa mga lupaing pinagtatamnan nila sa Luisita. Samantala, sa kalagitnaan ng kontrobersiyal na asyenda, biglaang pinatayo ng gobyerno ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTex). Bukod sa mistulang pag-agaw sa lupaing para sana sa mga magsasaka, pinaghihinalaang pinaboran nito ang pamilya Cojuangco, na maaaring kumita sa pagbenta ng lupa at pagkakaroon ng aksesibilidad sa mga proyektong gusto nitong gawin at pagkakitaan sa loob ng asyenda. Hindi natin tanggap ang palusot ng kampo Aquino na maliit lang daw ang pag-aari ng senador sa asyenda. Pamilya pa rin niya ang mayoryang may may-ari sa asyenda. Katunayan, noong kasagsagan ng masaker sa Luisita, si Aquino mismo ang nagsilbing tagapagsalita ng asyenda at ng pamilya Cojuangco para pabulaanan ang kanilang mga pananagutan sa masaker.

Nasaan ngayon ang mga na imbestigasyon sa Senado hinggil dito?

Ipinapakita lamang ng pagkakasangkot din ni Aquino sa mga kontrobersiya sa Luisita na wala siyang pinag-iba sa inaakusahan niyang si Villar. Gayundin naman ang progresibong pagsusuri sa halalang ngayon. Wala namang iisang kandidatong masasabing babasag sa bulok na pulitika ng bansa, sa pagsasamantala ng iilan sa nakararaming mga mamammayan, sa pangangayupapa ng bansa sa dayuhang mga interes. Kaalyado ni Villar ang progresibong koalisyong Makabayan nina Ocampo at Maza batay sa progresibong platapormang sinang-ayunan ng nauna. Mas mainam ang ginawa ni Villar na pagtanggap sa plataporma at dalawang kandidato ng Makabayan. Pero batid ng mga progresibo, lalung laluna nina Maza at Ocampo, na hindi dapat magtigil dito. Kailangang naging mapagmatyag sa pagpapatupad ng platapormang makabayan at maka-mamamayan, sinuman ang talagang magwagi sa halalan sa Mayo 2010.