Konteksto

Pag-alala sa PP 1017


Sa ating pag-alala sa nangyari apat na taon na ang nakaraan, tunay na hindi na dapat maulit ang imposisyon ng PP 1017. Hindi dapat payagang manumbalik ang batas militar sa Pilipinas. Hindi dapat hayaang manatili sa puwesto ang mga hindi karapat-dapat.

Mainam na alalahanin ang diwa ng EDSA 1 noong 1986. Pero hindi dapat mabaon sa limot ang malagim na nangyari noong Pebrero 24, 2006.

Pinatalsik ang diktador sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos mula Pebrero 22 hanggang 25, 1986. At sa pag-alala sa ika-20 anibersaryo ng nangyaring people power sa EDSA, ipinailalim naman ng administrasyong Macapagal-Arroyo ang buong bansa sa state of national emergency.

Ang dapat ay selebrasyon ng kapayapaan ay nauwi sa hindi-masukat na kaguluhan. Natatandaan mo pa ba ang nakaraan?

Malinaw ang nakasaad sa Presidential Proclamation No. 1017 (PP 1017) na mabilisang ipinatupad ng Malakanyang noong Pebrero 24, 2006: “(C)onspirators have repeatedly tried to bring down the President, (and) claims of these elements have been recklessly magnified by certain segments of the national media.”

May sabwatan diumano ang Kanan at Kaliwa, pati na rin ang ilang organisasyong pang-midya, para pabagsakin ang gobyerno. Hindi nakakagulat na sa mga sumunod na araw, inaresto ang ilang kilalang personalidad ng oposisyon tulad ng namayapang si Rep. Crispin Beltran (AnakPawis). Ang diyaryong The Daily Tribune ay ni-raid ng pulisya at ang iba pang organisasyong pang-midya ay nakaranas ng pagmamanman ng mga awtoridad.

Sa larangan ng alternatibong midya, ang blocktimer sa DZRJ (AM station) na Ngayon Na, Bayan! ay kinansela sa mismong araw ng imposisyon ng PP 1017. Kahit na sabihing pribadong pag-aari ang istasyon ng radyo, hindi maikakaila ang malapit na relasyon ng may-ari sa pamilyang Arroyo. Sa katunayan, may mga mapagkakatiwalaang impormanteng nagsabing tumawag ang Malakanyang sa may-ari ng DZRJ para kanselahin na ang programang ito.

Alam ko ang nangyari sa Ngayon Na, Bayan! dahil isa ako sa mga co-host nito. Ako po ang nakatakdang mag-board work sa mismong araw ng imposisyon ng PP 1017 na pumatak sa Biyernes. Mula sa aking opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), papunta na ako sa istasyon ng DZRJ sa Makati Avenue nang makakuha ng notipikasyon mula sa Kodao Productions (prodyuser ng nasabing programa) na kami ay hindi pinayagang mag-ere ng management ng DZRJ.

Maraming tumuligsa sa desisyon ng pamahalaang ipatupad ang PP 1017. Isa raw itong mapanlikhang paraan para magkaroon ng batas militar. Oo nga’t tumagal lang ito hanggang Marso 3, 2006 (o pitong araw), pero damang dama pa rin ang epekto ng PP 1017 sa mga sumunod na araw.

Labing-isang araw pagkatapos na ipawalang-bisa ng pamahalaan ang PP 1017, napilitang magpatawag ng isang press conference ang Kodao para ilantad ang kasinungalingang binanggit ng isang testigong iniharap ng Philippine National Police (PNP) na nagngangalang Jaime Fuentes (na hindi nagpakita ng kanyang mukha sa midya). Sinabi niya sa kanyang affidavit na nagtrabaho siya sa Kodao Productions noong 1987. Alam daw niyang ang Kodao ay isang propaganda unit ng Communist Party of the Philippines (CPP). Idinagdag pa niyang ang programang Ngayon Na, Bayan! ay bahagi ng kampanyang destabilisasyon ng CPP para pabagsakin ang gobyerno dahil sa pag-interbyu nito sa isang rebelde.

Sa isang pahayag, pinabulaanan ng Kodao na may naging kawani ito na nagngangalang Jaime Fuentes. Isa pa, binuo ang Kodao noong 2001, o 14 na taon bago ang sinabing pagtatrabaho diumano ni Fuentes sa Kodao. Bagama’t nainterbyu ng Ngayon Na, Bayan! si Gregorio “Ka Roger” Rosal na mataas na opisyal ng New Peoples Army (NPA), ito ay sa konteksto ng pagbabalita, tulad ng ginagawa ng iba pang organisasyong pang-midya.