Konteksto

Hindi lang numero ang 43


May mukha sa likod ng estadistika, may konteksto sa bawat numero.

Mainam na bigyang pangalan ang bawat biktima ng karahasan. Hindi natin dapat hayaan ang sarili nating maging manhid sa pansamantalang ginhawang hatid ng simpleng pagtingin sa mga numero.

May mukha sa likod ng estadistika, may konteksto sa bawat numero.

Mainam na bigyang pangalan ang bawat biktima ng karahasan. Hindi natin dapat hayaan ang sarili nating maging manhid sa pansamantalang ginhawang hatid ng simpleng pagtingin sa mga numero.

Totoong may mabigat na pakiramdam sa pagpapalalim ng kaalaman. Sa pagbibigay ng mukha sa estadistika, nakikita ang sinirang buhay ng mga walang pakundangan – taong nawalan ng asawa, anak na nawalan ng tatay, sanggol na nawalan ng nanay.

Kahit na malinaw ang mensaheng hatid ng numero (lalo na kung malaki ito), hindi hamak na mas malinaw ang kontekstong hatid nito. Kabilang sa biktima ang mga naiwang mahal sa buhay dahil sa pagpatay, pagdukot o pagpapakulong nang walang malinaw na dahilan.

Ilan ba ang inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero 6 dahil miyembro sila diumano ng New Peoples Army (NPA)? Apatnapu’t tatlo “lang” naman. Pero alam  nating higit pa sa numerong ito ang tumatangis at nagnanais na makamit ang hustisya sa gitna ng mga walang-batayang bintang.

Kung paniniwalaan ang militar, lumalabas na 35 sa mga inaresto ay mga rebeldeng kumikilos sa Timog Katagalugan, Bikol at Gitnang Luzon. Paano naman ang natitirang walo? Siguro’y hinahanapan pa ng malakas na kaso!

Ayon sa fact sheet ng Karapatan, ang search warrant na ipinakita ng militar sa pag-arestong ginawa sa grupong binansagan ngayong Morong 43 ay hindi para sa bawat isa sa kanila: Ito ay para sa isang nagngangalang Mario Condes na hindi nila kakilala.

Tulad ng maraming iba pa, malaking palaisipan sa akin kung paanong ang warrant para sa isa ay naging akma sa 43. Nakakaduda rin ang mga argumento ng militar hinggil sa kaso. Kung totoong ang pagsasanay ng mga inaresto ay walang kaugnayan sa kalusugan kundi paggawa ng bomba, bakit gagawin ito sa farmhouse ng isang kilalang doktor na madaling matunton ng awtoridad? Kung totoong mga miyembro ng NPA ang Morong 43, hindi ba’t pinakamainam na gagawin nila ang kanilang pagsasanay sa kabundukan na kung saan mas kontrolado nila ang lugar? Kung totoong may mga armas na nasamsam ang militar, bakit ang isang granada ay nakuha sa ilalim ng unan?

Kung paniniwalaan ang mga argumento ng militar, lumalabas na walang konsepto ng seguridad ang NPA. Saan ka nakakita ng mga rebeldeng grupong nag-oorganisa ng sensitibong pagsasanay sa farmhouse at naglalagay ng granada sa ilalim ng unan? Kung sadyang walang ingat ang NPA, paano ito nakatagal nang mahigit 40 taon? Bakit hanggang ngayo’y hindi tuluyang magapi ng militar ang mga rebelde?

Kung sabagay, ang mga importanteng parirala sa puntong ito ay “kung totoo” at “kung paniniwalaan.” Sadyang mahirap bilhin ang argumento ng militar na mga miyembro ng NPA ang Morong 43 na pawang manggagawang pangkalusugan. Ano ba kasi ang ebidensiya laban sa kanila?

Sabi ni Noel Detoyato, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, ang pag-aabogado ni Atty. Romeo Capulong para sa Morong 43 ay indikasyong mga komunista ang huli, dahil may mga kliyente si Capulong na kumpirmadong komunista.