Konteksto

Eleksiyon, telebisyon at pakiusap sa nangungunang mga istasyon


Sa pagbaha ng walang-katuturang patalastas sa pagsisimula ng kampanya sa Pebrero 9, mainam na magkaroon ng sariling pagkukusa ang ABS-CBN at GMA na maghatid ng makabuluhang political ads. Pero may malaking magagawa rin ang mga tagasubaybay para pakiusapan silang bigyan tayong lahat ng political ads na direktang naglalahad ng paninindigan ng mga kandidato sa mga importanteng isyu.

Sipag at tiyaga, galing at talino, diyos at bayan – para sa kalikasan, kontra sa kahirapan, tungo sa kaunlaran.

Sa Pebrero 9 pa ang simula ng kampanya ng mga tumatakbo para Presidente, Bise Presidente at Senador. Pero mula pa noong nakaraang taon, may ideya na tayo sa mga nagnanais na kumandidato. May mga umamin, may mga nagpahaging, may mga nagpakipot. Matipid man ang sagot sa kanilang pinaplano noon, kitang-kita naman ang kanilang pagnanasang tumakbo.

Salamat sa telebisyon (at sa kaakibat na teknolohiyang nagbigay ng kulay sa ating natutunghayan), halatang-halata natin ngayon kung sino ang berde, dilaw at kahel. Sadyang makulay ang pulitika sa ating bayan at ang iba’t ibang matitingkad na kulay ay unti-unti nang naiuugnay sa pangalang isusulat sa balota kung sakali.

Tulad ng bahaghari, iba’t ibang kulay ang nakikita at napakaraming mapanlikhang paraan para magbigay ng iisang patagong mensahe: ”Ako ang inyong iboto! Ako ang karapat-dapat kumpara sa iba!”

Iisang hangarin, iba’t ibang pangako. Dahil sa biswal na katangian ng telebisyon, mas binibigyang-diin ng mga kandidato ang porma kaysa nilalaman ng mensahe. May isang kandidatong sinindak ang bayan sa dami ng artistang sumusuporta sa kanya; may isa pang ipinakita ang kanyang pagiging mahirap noon para mapalapit sa masa; at may isang nahuhuli sa mga survey na nagpakita ng isang kakayahang hindi kaya ng iba pa niyang katunggali, ang magpalipad ng eroplano!

Sa pamamagitan ng iba’t ibang debate at porum, pinipilit na tugunan ang kakulangan ng mga pulitikal na patalastas (political ads) para makuha ang paninindigan ng mga kandidato sa mga isyung kinakaharap ng lipunan. Makakaapekto kaya ang pinagsasabi ng mga kandidato sa mga nasabing pagtitipon sa kanilang katayuan sa mata ng publiko? Kung tatanungin ang mga nasa likod ng kampanya ng mga pulitiko, tila mas mahalaga ang patalastas kaysa debate.

Para sa kampo ni Noynoy Aquino, halimbawa, mahalagang magkaroon ng political ads na katulad ng mga inilalabas ni Manny Villar. “Why is Senator Villar going up and Senator Aquino going down? We can say it’s the frequency of Senator Villar’s ads. That’s one. Secondly, it’s time to also reassess the messaging of Senator Noy. Maybe it’s not resonating. We have to look also if there is a need to adjust our campaign strategy,” sabi ni Quezon Rep. Lorenzo Tañada III, tagapagsalita ng Liberal Party (LP), ang partido ni Aquino.

Dito natin makikita ang kapangyarihan ng telebisyon, lalo na ng political ads. Kahit noong 2004, lumalabas sa pag-aaral ng Pulse Asia na 67% ng populasyon ay nagsabing may kredibilidad ang kanilang napapanood sa telebisyon at ito ang kanilang pangunahing batayan ng pagboto.

Ito ang dahilan kung bakit si Villar ay gumastos diumano ng P543 milyon mula Oktubre hanggang Disyembre 2009 para sa mga patalastas. Sa pagsisimula ng kampanya sa Pebrero 9, makakaasa tayo ng mas madalas na pagpapakita ng political ads. Ayon kay Margot Torres, pangulo ng Philippine Association of National Advertisers (PANA), “[We will see] advertising spending increase this year because advertisers will continue to advertise and political candidates will as well.”