Natatanging Progresibo ng 2009

January 15, 2010

Ngayong 2010, uumpisahan ng Pinoy Weekly ang pagtatala ng sa palagay nitong natatanging mga progresibo ng nakaraang taon. Iyan man ay indibidwal, grupo, kilos-protesta, batas, o produktong pangkultura, mahalaga ang pagkilala sa mga lumahok at tumampok sa iba’t ibang larangan kung saan isinusulong ang pagbabago. Bagaman listahan ito ng ispesikong mga tao o inisyatiba, higit na dapat bigyang pansin ang mga kaisipan at praktikang pinaka-epektibo sa pagkakamit ng mga tagumpay, maliit man o malaki, sa landas patungo sa panlipunang pagbabago.
***

Natatanging progresibong kilos-protesta

Rali kontra sa Charter Change ni GMA, Hunyo 10, 2009. (KR Guda)

Rali kontra sa Charter Change ni GMA, Hunyo 10, 2009. (KR Guda)

Pinaka-makapangyarihang ehersisyo ng demokratikong karapatan ng mga mamamayang Pilipino ang paglulunsad ng mga kilos-protesta sa lansangan. Dito iginigiit ang kanilang kapakanan at mga karapatan, at ipinapakita ang pagtutol—sa layong harangin—ang mga hakbang ng gobyerno na taliwas sa interes ng mga mamamayan. Kung gayon, maituturing na malaking tagumpay ang kilos-protesta kontra sa Constituent Assembly sa Ayala Avenue sa Makati City noong Hunyo 10 at tinatayang dinaluhan ng 12,000 katao. Dahil dito—at sa sustenido pang mga kilos-protesta bago ang State of the Nation Address ni Arroyo noong Hulyo—hindi na naglakas-loob pa si House Speaker Prospero Nograles Jr. na itulak ang House Resolution 1109. Dahil sa pagkabigo ng Con-Ass, napuwersa si Arroyo na humanap ng iba pang pamamaraan para maisakatuparan ang hangad na makapanatili sa puwesto lampas sa 2010.

Disyembre 9, 2009 sa Mendiola Bridge. (Ilang-Ilang Quijano)

Disyembre 9, 2009 sa Mendiola Bridge. (Ilang-Ilang Quijano)

Tumampok din ang Global Day of Action Against Impunity noong Disyembre 9, na pinangunahan ng November 23 Movement, bagong tatag na alyansa ng mga mamamahayag bunsod ng karumal-dumal na masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagmartsa patungong Mendiola ang iba’t ibang personalidad at grupo ng midya at siningil ang gobyerno sa pananagutan nito sa masaker. Umpisa na kaya ito ng mas aktibong pagpanig ng midya sa mga mamamayan, sa mga isyung dapat panigan?

Lightning rally ng kabataan sa tarangakahan ng Malakanyang noong Disyembre 10, 2009. (Jeffrey Ocampo)

Lightning rally ng kabataan sa tarangakahan ng Malakanyang noong Disyembre 10, 2009. (Jeffrey Ocampo)

Dapat ding kilalanin ang halos 200 kabataang estudyante na pangahas na sumugod sa Gate 7 ng Malakanyang noong Agosto 20 para kondenahin ang maluhong hapunan ni Arroyo sa isang restawran sa New York City. Dalawampu ang arestado at 17 ang sugatan nang marahas idispers ang mga kabataan ng Presidential Security Group, pero nakarating ang kanilang mensahe. Iyon ang unang beses sa mahabang panahon na nalapitan ng mga raliyista ang mismong tarangkahan ng Malakanyang. Nasundan pa ito, noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, simbolikong patunay na kailangan lamang igiit—anupamang dahas mula sa Estado ang abutin—ang anumang nais makamit ng mga mamamayan.

Natatanging progresibong organisasyong masa

Gabriela, noong selebrasyon ng kanilang ika-25 taong anibersaryo, sa Amoranto Theater, Quezon City. (KR Guda)

Gabriela, noong selebrasyon ng kanilang ika-25 taong anibersaryo, sa Amoranto Theater, Quezon City. (KR Guda)

Noong nakaraang taon, ipinagdiwang ng Gabriela ang ika-25 na anibersaryo nito. Dapat lang na ipagdiwang ang pagkakaroon ng isang grupo gaya nito na nagtatanggol sa kababaihan. Naging takbuhan ang Gabriela ng mga babaing inaabuso, kabilang na “Hazel” na biktima ng panggahasa ng sundalong Kano sa Japan; si “Vanessa” na ginahasa ng sundalong Kano dito sa Pilipinas; binubugbog na live-in partner ni Gob. Luis “Chavit” Singson na si Che Tiongson; at aktres na si Katrina Halili na biktima ng sex video. Tinulungan ng Gabriela ang mga babaing ito, at sa gayon, itinaas ang dignidad ng kababaihan sa mata ng mapanghusgang publiko. Siyempre, kaiba sa iba pang mga grupong pangkababaihan, naging abala ang Gabriela hindi lamang sa kampanya laban sa karahasan sa kababaihan. Kalahok ito sa mga labang pang-ekonomiya at pampulitika (halimbawa, laban sa pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at sa US-RP Visiting Forces Agreement). Kaya’t makaraan ang 25 taon, ipinakita nitong tumpak ang binitbit na paniniwala—na magkakabit ang inhustisyang panlipunan at patriyarkiya, at na hindi mapupuksa ang uli hangga’t hindi napupuksa ang una.

Natatanging progresibong lider-masa

Garry Martinez ng Migrante International. (Soliman Santos)

Garry Martinez ng Migrante International. (Soliman Santos)

Dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at kabi-kabilang problemang idinaraing ng mga Overseas Filipino Worker noong 2009, naging tampok ang mga organisasyon gaya ng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Migrante International. Gayundin, naging pamilyar sa publiko ang tagapangulo ng Piston na si George San Mateo at ng Migrante na si Garry Martinez.

Dating biktima ng illegal recruitment sa Korea si Martinez. Ibinenta siya sa isang sweatshop sa halagang US$300. Sa mga panahong ito, naranasan niya ang pagmamaltrato at pananamantala. Kaya damang-dama rin niya ang sitwasyon ng mga OFW na araw-araw lumalapit sa Migrante para humingi ng tulong, nang maging lider siya ng grupo. Nanguna siya sa pangangalampag sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para aksiyunan ang mga kaso ng mga OFW. Pero sa likod ng matapang na anyong inirereserba niya para sa pakikipagtunggali sa pabayang mga opisyal ng gobyerno ay ang mapagmalasakit na pakikitungo sa mga migrante, saanman siya magpunta.

George San Mateo ng Piston (Arkibong Bayan)

George San Mateo ng Piston (Arkibong Bayan)

Samantala, umarangkada sa mga tigil-pasada ang Piston noong 2009. Sa tuwing magtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, madalas makapanayam sa telebisyon at radyo si San Mateo para ipaliwanag ang epekto nito, hindi lang sa sektor ng transportasyon kundi maging sa ordinaryong mga mamamayan. Kaiba sa iba pang nagpapakilalang lider-transportasyon, hindi taas-pasahe ang kanyang agad bukambibig, kundi ang pagiging ganid at tuso ng mga kompanya ng langis. Magiliw siyang humaharap sa publiko, na marahil lalong ikinagagalit ng Big Three na lalong nahihirapang ipaliwanag sa publiko ang mga pagtaas sa presyo ng langis.