10 mahahalagang istorya ng 2009 na pinalampas ng midya


Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga istorya noong 2009 na tinataguriang “underreported” o hindi nabigyan ng midya ng sapat na espasyo sa kanilang mga ulat bilang isyu at kaganapang dapat alam ng publiko.

Mahalaga, ngunit nagkulang sa pansin. Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga istorya noong 2009 na tinataguriang “underreported” o hindi nabigyan ng midya ng sapat na espasyo (sadya man o hindi) sa kanilang mga ulat bilang isyu o kaganapang dapat alam ng publiko. Nabigyan sana ang publiko ng kumpleto at mas tumpak na larawan ng ating pambansang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapatampok sa mga istorya at perspektibang ito mula sa mardyinalisadong mga sektor ng lipunan.

10. Kilusang kontra-Balikatan sa Bikol

Libu-libong mamamayan ng Bikol ang tumutol sa presensiya ng mga tropang Kano. (Contributed Photo)
Libu-libong mamamayan ng Bikol ang tumutol sa presensiya ng mga tropang Kano. (Contributed Photo)

Kasing init ng mga debate sa Kamaynilaan hinggil sa US-RP Visiting Forces Agreement ang aktuwal na pagkilos ng mga mamamayan ng Bikol para labanan ang presensiya ng mga tropang Kano. Binuo ang malawak na alyansang Ban Balikatan o Bicolano Alliance for Nationalism against Balikatan, na nagpakilos ng 13,000 mamamayan noong Pebrero, umpisa ng Balikatan Exercises sa sa probinsya. Ibinulgar nila ang mga paglabag sa karapatang pantao na dulot ng clearing operations ng militar para sa Balikatan na ikinamatay ng isang sanggol; ang fishing ban para bigyang-daan ang mga barkong Kano, na nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda; at ang pagtaas ng insidente ng prostistusyon sa mga eryang pinamamalagian ng mga tropang Kano.

9. Tanggalan at demolisyon bunsod ng pribatisasyon ng North Harbor

Protesta sa Manila North Harbor ng mga manggagawang nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa pribatisasyon. (Contributed Photo)
Protesta sa Manila North Harbor ng mga manggagawang nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa pribatisasyon. (Contributed Photo)

Nagpabalik-balik sa Mendiola para magprotesta noong nakaraang taon ang mga manggagawa at maralitang lungsod na apektado ng pribatisasyon ng Manila North Harbor. Simula Enero ngayong taon, ite-takeover na mula sa gobyerno ng Metro Pacific Investments Corp. (na pag-aari ni Manny Pangilinan) at Harbour Centre Port Terminal Inc. (na pag-aari ni Reghis Romero) ang pagpapatakbo ng piyer. Pinirmahan ang kontrata noong Nobyembre 19 sa pagitan ng Philippine Ports Authority at dalawang kumpanya. Pero wala pa ring kalinawan kung ano ang kahihinatnan ng 5,000 manggagawa at 2,000 manininda na mawawalan ng trabaho. Ni ayaw man lang harapin ng MPIC at HCPTI sa isang dayalogo ang Alliance of Port/Transport Workers and Porters – North Harbor- Kilusang Mayo Uno, ang unyon ng mga manggagawa sa piyer. Idedemolis din ang kabahayan ng mahigit 30,000 residente para maipatupad ang mga plano sa “modernisasyon” ng piyer.

8. Militarisasyon sa Hilagang Mindanao

Pagbabahay-bahay ng mgsa sundalo sa Lianga, Surigao del Sur, na nagdulot ng takot at malawakang paglikas ng mga sibilyan. (Kenneth Guda)
Pagbabahay-bahay ng mgsa sundalo sa Lianga, Surigao del Sur, na nagdulot ng takot at malawakang paglikas ng mga sibilyan. (Kenneth Guda)

Sa Mindanao, hindi lamang sa Maguindanao nanalasa sa mahabang panahon ang walang habas na pagpatay sa mga sibilyan. Isang International Peace and Human Rights Mission ang inilunsad sa Bukidnon at Agusan del Sur noong huling linggo ng Nobyembre—halos kasabay ng masaker sa Ampatuan—para imbestigahan ang militarisasyon sa mga komunidad ng Lumad. Kumitil ang militarisasyong ito sa buhay ng tatlong lider-katutubo at nagdulot ng sapilitang paglikas ng libu-libo pa. Ayon sa misyon, kabilang sa mga naitalang paglabag sa karapatang pantao ang aerial bombardment na sumira sa mga pananim; pekeng pagsuko ng mga rebelde; paniniktik at pananakot; at pagkakampo ng militar sa mga barangay hall at day care center. Tinutukoy na pangunahing salarin ang mga sundalo ng 26th at 30th Infantry Battalion (binuo ng huli ang Task Force Gantangan na gumagalaw nang halos katulad ng pribadong hukbo ng mga Ampatuan).

Samantala, noong Setyembre, halos 1,800 Manobo rin ang nagsilikas sa Lianga, Surigao del Sur dahil sa okupasyon ng militar sa kanilang bayan. Naghahanap daw ng mga rebelda ang mga sundalo; pero ayon sa mga katutubo, gusto lamang okupahan ng gobyerno ang kanilang mga lupaing ninuno para sa pagpapatayo ng mga “proyektong pangkaunlaran.”

7. Diskuwalipikasyon ng progresibong mga party-list

Sit-in ng mga OFW sa harap ng Commission on Elections para igiit ang pagtabo ng Migrante Party-list sa 2010. (Ilang-Ilang Quijano)
Sit-in ng mga OFW sa harap ng Commission on Elections para igiit ang pagtabo ng Migrante Party-list sa 2010. (Ilang-Ilang Quijano)

Magandang pagkakataon sana ang halalang 2010 para mabigyang representasyon sa Kongreso ang mas marami pang mardyinalisadong sektor ng lipunan. Pero nagdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) na tanggalin sa listahan ng mga party-list na maaaring tumakbo ang Migrante, na kumakatawan sa mahigit 10 milyong Overseas Filipino Workers. Diniskuwalipika rin ang bagong mga party-list na Alliance of Concerned Teachers, kumakatawan sa mga guro, at Courage, kumakatawan naman sa mga kawani ng gobyerno. Sa kaso ng Migrante, sinadya umano ng Comelec ang maling interpretasyon sa probisyon ng Party-list System Act hinggil sa pagkatalo sa nakaraang halalan. Kinuwestiyon naman ng Comelec ang pambansang kasapian ng ACT at Courage—isang bagay na kanila nang napatunayan, giit ng dalawang grupo. Tinitingan nila ang diskuwalipikasyon na hakbang ng gobyernong harangin ang pagpasok pa sa Kongreso ng mga nagdadala ng tinig ng mga mardyinalisado, at bumabangga sa namamayaning tinig ng tradisyunal na mga pulitiko.

6. Laban para sa tenure ni Prop. Sarah Raymundo

Prop. Sarah Raymundo ng UP: Mukha ng pampulitikang panunupil sa akademya. (Contributed Photo)
Prop. Sarah Raymundo ng UP: Mukha ng pampulitikang panunupil sa akademya. (Contributed Photo)

Sino si Prop. Sarah Raymundo at ano ngayon kung binawi ng Unibersidad ng Pilipinas ang kanyang tenure o karapatang magturo? Nagtuturo sa Department of Sociology sa College of Social Sciences and Philosophy si Prop. Raymundo simula 1999. Kinagigiliwan ng mga estudyante at respetado sa akademya para sa kanyang mga kritikal na sulating panlipunan at aktibismo, si Prop. Raymundo ay pangkalahatang kalihim ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy. Simula noong 2006, naging aktibo si Prop. Raymundo sa kampanya para ilitaw ang dalawang dinukot na estudyante ng UP na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Nagsimula siyang usigin ng kanyang departamento hinggil dito, at kinompronta hinggil sa umano’y pagrerekluta ng kanyang mga estudyante sa progresibong kilusan. Noong Oktubre 28, binaligtad ng departamento ang nauna nitong desisyon na bigyan ng tenure si Prop. Raymundo, nang hindi nagbibigay ng malinaw na mga batayan. Maraming mga akademiko sa loob at labas ng bansa ang sumuporta kay Prop. Raymundo at kumondena sa diumano’y nakaaalarmang pampulitikang panunupil at mistulang witchhunt sa loob ng kampus.

5. Patuloy na ekstrahudisyal na mga pamamaslang

Isa si Fr. Cecilio Lucero sa 77 aktibistang pinaslang noong 2009.
Isa si Fr. Cecilio Lucero sa 77 aktibistang pinaslang noong 2009.

Isang pari at tatlong lider-Lumad ang kabilang sa 77 aktibistang ekstrahudisyal na pinaslang noong nakaraang taon ng hinihinalang mga ahente ng Estado. Papunta sa kanyang parokya sa Catubig, Northern Samar si Fr. Cecilio Lucero nang barilin sa loob ng kanyang sasakyan noong Setyembre 6. Pinatay din noong buwang iyon sina Datu Mampaagi Belayong (Agusan del Sur) at Datu Mansubaybay Badbaran (Agusan del Norte), mga lider-katutubo na kontra sa mga operasyong pagmimina at pagtotroso sa kanilang lugar. Noong Nobyembre, pinatay naman sa Gingoog City, Misamis Oriental, ang isa pang lider-Lumad na si Datu Alvie Binungkasan.

Ayon sa grupong Karapatan, dumami ang bilang ng mga aktibistang pinaslang noong 2009 dahil hinahabol ng gobyernong Arroyo ang dedlayn nito sa 2010 na puksain ang mga rebelde, sa ilalim ng programang kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya. Pero muling napatunayan ng pagkamatay nina Lucero, Belayong, Badbaran, at Binungkasan na mga walang kalaban-labang sibilyan pa rin ang pinupuntirya.

4. Misyon ng International Labour Organization

Sa tulak ng Kilusang Mayo Uno, inimbestigahan ng ILO ang panunupil sa kilusang paggawa. (Angelica Carballo)
Sa tulak ng Kilusang Mayo Uno, inimbestigahan ng ILO ang panunupil sa kilusang paggawa. (Angelica Carballo)

Signipikante gaya ng pagbisita ni Prop. Philip Alston ng United Nations noong 2006 para imbestigahan ang mga esktrahudisyal na pamamaslang sa bansa ang High-Level Mission ng International Labour Organization (ILO) noong Setyembre 22-29. Ito’y para naman imbestigahan ang diumano’y sistematikong panunupil sa kilusang paggawa.

Nang isinumite ng Kilusang Mayo Uno sa ILO ang reklamo nito dalawang taon na ang nakakaraan, 92 lider-manggagawa na ang pinaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Nadagdagan pa ang bilang simula noon, at sa wakas, nagdesisyon ang ILO na imbestigahan ang mga kasong ito. Naging madamdamin ang mga tagpo sa pagitan ng mga biktima at representante ng ILO. Ikinuwento, halimbawa, ng asawa ni Armando Dolorosa, bise-presidente ng National Federation of Sugar Workers, na 20 tama ng bala ang kumitil sa buhay ng lider-manggawa sa Negros Occidental. Inimbestigahan din ng ILO ang panghaharas laban sa mga unyonista. Ibinulgar ng mga manggawa sa Economic Processing Zones sa Cavite, halimbawa, na binantayan ng mga armado ang kanilang mga production line at marahas na binuwag ang kanilang piketlayn.

Hindi pa inilalabas ng ILO ang ulat sa misyon, pero nagbabadya ang mala-Alston na pag-uusig sa gobyernong Arroyo sa isyung ito. Ayon kay Cleopatra Dumbia-Henry, tagapangulo ng ILO Mission, dapat iutos ng gobyerno ang “espesyal na mga hakbang” para masigurong hindi nalalabag ang batayang mga kalayaang sibil ng mga manggagawa.

3. Pagtutol sa Carper at laban para sa GARB

Martsa patungong Mendiola ng mga magsasakang tutol sa ekstensiyon ng CARP. (Darius Galang)
Martsa patungong Mendiola ng mga magsasakang tutol sa ekstensiyon ng CARP. (Darius Galang)

Limang taon pa ang itatagal ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil sa pagpirma ni Pangulong Arroyo noong Agosto ng Republic Act 9700 o CARP Extension with Reforms (Carper). Sinalubong ang Carper ng papuri mula sa iba’t ibang panig—maliban sa mga magsasaka na sinasabing makikinabang sa batas. Paano’y hindi nakinig ang gobyerno sa matagal na nilang hiling na ibasura ang umano’y huwad na CARP.

Naroroon pa rin sa Carper ang dati nang mga butas ng batas, gaya ng voluntary land transfer at non-land transfer schemes, na ginamit ng mga panginoong maylupa para takasan ang pamamahagi ng lupa. May karapatan din silang tukuyin kung sinu-sino lamang ang magsasakang “pamamahagian” nito ng lupa. Naghain ang mga magsasaka, sa pamamagitan ng Anakpawis Party-list, ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB), na nagpapanukala ng walang kondisyon at libreng pamamahagi ng lupa. Inilaban nila ang GARB at nilabanan ang Carper, sa iba’t ibang anyo ng protesta, mula sa pagkampo ng 40 araw sa House of Representatives hanggang sa pagmartsa sa Mendiola. Kaya’t nakapagtataka na nang maipasa ang Carper, hindi nagrehistro sa midya ang kanilang pagluluksa, hindi gaya ng pagdiriwang ng iba’t ibang panig na ayaw pa ring humarap sa katotohanang walang tunay na repormang agraryo sa ilalim ng CARP.

2. Ang hindi mabuti sa pamana ni Cory

Matagal na namayagpag ang dilaw sa mga lansangan at pahayagan matapos pumanaw ni dating pangulong Corazon Aquino. Pero ano nga ba ang sinisimbolo ng kulay na ito? (Candice Reyes)
Matagal na namayagpag ang dilaw sa mga lansangan at pahayagan matapos pumanaw ni dating pangulong Corazon Aquino. Pero ano nga ba ang sinisimbolo ng kulay na ito? (Candice Reyes)

Inihalintulad halos sa isang santa si dating pangulong Corazon Aquino nang mamatay siya sa sakit na kanser noong Agosto. Marapat lamang na ipagluksa ng taumbayan ang pagkawala ng tinataguriang “ina ng demokrasya”—hanggang sa kanyang pagkamatay, nilabanan ni Aquino ang tiraniya ng gobyernong Arroyo gaya ng kung paano niya nilabanan ang diktadurang Marcos noon. Maraming kahanga-hanga at dapat tularan sa isang lider gaya ni Aquino. Pero marami ring mga kahinaan ng administrasyong Aquino na sana’y pinaglimian din ng publiko nang sa gayo’y makatas ang pinakatumpak na mga aral ng kasaysayan. Kahinaan ni Aquino ang ‘di pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, simula pa lamang sa asyenda ng kanyang pamilya sa Tarlac. Lumundo ang kahinaang ito sa dalawang pinakamalaking masaker ng mga magsasaka, noong 1987 sa Mendiola at noong 2004 sa Hacienda Luisita. Gayundin, hindi nababanggit ang pagpapaupo ni Aquino ng kanyang mga kamag-anak sa gobyerno, ang patuloy na pagtali ng ekonomiya ng bansa sa dayuhang interes, at ‘di pag-ampat sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Hindi simpleng paninira sa alaala ni Aquino ang pag-ungkat sa mga katotohanang ito, kundi bahagi ng tungkulin ng midyang ibigay sa publiko ang buong larawan ng isang maimpluwensiyang tao. Dahil tao si Aquino, at hindi santa. Isang tao na mabuti man ang interes para sa bayan ay hindi nagawang baguhin ang sistema ng paggogobyerno, na patuloy na nabulok para pagsilbihan lamang ang kanyang mga kauri. Malinaw na resulta ng di-kritikal na pagtingin kay Aquino ang pagtakbo bilang pangulo (at pangunguna ngayon sa mga sarbey) ng kanyang anak na si Noynoy, na ayon sa mga kritiko’y walang ibang sinasandigan kundi ang alaala ng kanyang yumaong ina.

1. Mga relief mission ng progresibong mga organisasyon

Isa sa mga relief mission na inilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan, sa Pila, Laguna. Sinabi ng mga mga residente rito na hindi sila nabigyan ng ayuda ng gobyerno. (Angelica Carballo)
Isa sa mga relief mission na inilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan, sa Pila, Laguna. Sinabi ng mga mga residente rito na hindi sila nabigyan ng ayuda ng gobyerno. (Angelica Carballo)

Higit pa sa gobyerno, midya, at pribadong sektor, sila ang nandoon sa oras ng pangangailangan ng masa. Nang masalanta ng bagyong Ondoy ang mga komunidad sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, mabilis na rumesponde ang progresibong mga organisasyon, kahit pa lubhang apektado rin ang kasapian nito. Dahil sa pagiging likas na mga lider, sila ang nanguna sa pagsasagip ng buhay sa kanilang mga komunidad. Pagkatapos, agad silang nangalap ng ayuda at naglunsad ng relief missions, na makasaysayan sa lawak ng eryang sinaklaw (mula Timog Katagalugan hanggang Kordilyera na naapektuhan naman ng bagyong Pepeng), at sa dami ng mga natulungan. Pinangalanan ang ilang mga pagsisikap—ang Task Force Obrero (Kilusang Mayo Uno), Bayanihan Alay sa Sambayanan (Bagong Alyansang Makabayan), at Sagip Migrante (Migrante International), halimbawa—ang mas marami pa, ni hindi man lamang nalaman ng midya.

Pero hindi naman kasi atensiyon-sa-sarili ang hangad nila, kaiba sa ilang pulitikong nag-relief mission nga pero nakadikit naman ang litrato sa ipinamimigay na relief goods. Hindi rin sila nasasapatan sa pansamantalang ayuda; karamiha’y binalik-balikan ang mga komunidad para organisahin ang mga tao rito, nang sa gayo’y maging mas handang harapin ang mga sakuna (natural man o hindi) na dulot ng kapabayaan ng gobyerno.