Rebyu ng Makata’y Mandirigma, Mandirigma’y Makata

December 5, 2009

Ipinalabas noong Nob. 30 sa University of the Philippines Theater ang isang dula para sa komemorasyon ng ika-45 anibersaryo ng Kabataang Makabayan. Halaw ito sa buhay ni Prop. Jose Ma. Sison, tagapagtatag ng KM. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Ipinalabas noong Nob. 30 sa University of the Philippines Theater ang isang dula para sa komemorasyon ng ika-45 anibersaryo ng Kabataang Makabayan. Halaw ito sa buhay ni Prop. Jose Ma. Sison, tagapagtatag ng KM. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Ipinalabas ang musical play noong Nobyembre 30, 2009 bilang pagpupugay sa ika-45 taong anibersaryo ng Kabataang Makabayan. Nagbigay pugay din ang dula sa ika-50 taon nang patuloy na pagre-rebolusyon ni Prop. Joma Ma. Sison, ang aktibista at makatang isa sa mga pangunahing tagapagtatag ng KM.

Isinulat ng Palanca awardee na si Edward Perez ang libretto, at ang mga dalit ay isinulat naman ng National Artist for Literature na si Bienvenido Lumbera. Idinirehe ang dula ni Rommel “Pipoy” Linatoc.

Sa dula, isinalaysay ang buhay ng mga aktibista, sa bakdrap ng pagyabong ng KM, militanteng organisasyon ng mga kabataan na nag-ugat noong dekada sisenta. Nang ideklara ang Batas Militar, nag-underground at namundok ang karamihan sa kasapian nito. Simple ang plot ng dula, ipinakilala ang mga karakter kasabay ng malalaking hamon kinaharap ng kilusang rebolusyonaryo. Kabilang dito ang pagharap sa kahirapan at sakripisyo, pagkadakip, at pagdanas ng tortyur sa kamay ng mga ahente ng estado. Kasama rin ang pagbaka sa sariling kahinaan tulad ng pagharap sa suliraning lumilitaw kaugnay ng pamilya. Gayundin ang pagdanas at pagbaka ng buong kilusan sa mga maling linyang umiral sa loob ng partido. Ipinakita ito, halimbawa, nang humiwalay sa masa ang hukbong bayan at higit na nagtuon sa militar na aspeto ng pagiging hukbo. Sa bawat pag-usad ng istorya, makikita ang inspirasyon ng isang Prop. Sison na nagsilbing giya sa teorya at praktika ng kilusan.

Nakilala ng mga manunuod si Ador, isang manggagawang namulat, nag-unyon at nakibaka, at nakulong noong Batas Militar. Si Nelia naman ay lider-manggagawang napiit din habang nagbubuntis. Naging karelasyon niya si Nanding, na isa namang tipikal na college boy na namulat din at sumapi sa Kabataang Makabayan. Nakilala ni Nelia si Nanding sa isang integrasyon sa piketlayn. Naging martir si Nanding sa isang marahas na dispersal. Nakilala rin natin si Zardo, ang sundalong bantay ni Ador sa kulungan. Kapatid naman ni Zardo si Minerva, na ibang landas ang pinili at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Doon na ito ikinasal sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas. Si Laya, ang bagong salin na henerasyon ng aktibista, ay ipinanganak ni Nelia habang nakapiit.

Tagni-tagni ang buhay pakikibaka ng mga karakter. Dala-dala nito ang pormula ng rebolusyonaryong sining, ang pagkamulat, pag-unlad, pakikibaka ng mga karakter maging ang pagbaka sa sarili para sa adhikaing pang-masa.

Hindi rin naman puro taas-kamao ang ipinapakita ng dula. Sa halip, pinilit na bigyan ng human face ang mga aktibista, at oo, maging ang mga tinatawag na berdugo o mga mersenaryong  katulad ng bantay na sundalo ni Ador, si Zardo, na natutong tumula sa pamamagitan ni Ador. Simple lang ang naging pagtuturo ni Ador kay Zardo, pakinggan ang itinitibok (tub-tubs) ng kanyang puso at saka iyon isulat.

Sa dula, nakita ang mainam na hugpungan ng porma at nilalaman. Masasabing bahagi ang dula ng  tinatawag ni Kris Montañez na rebolusyonaryong sining at ang matrix nito ay ang rebolusyonaryong kilusang masa at armadong pakikibaka. Mula sa pag-arte, pag-awit, choreography, at pangkalahatang pagdirehe, masasabing naging kaaliw-aliw at makabuluhan ang panunuod ng dulang ito.

Ito’y sa kabila ng pagtalun-talon ng mga pangyayari na marahil ay dala ng di makinis na transisyon o ng naglulukong lapel ng mga artista, na nakapagpapadagdag sa hindi pagkaunawa sa ilang mga bahagi.

Nakakapanghindik naman ang tinig ng koro sa pag-awit ng “Ang Linyang Pangmasa” na isa lamang sa mga highlight ng palabas at maging ang mahusay na choreography ng mga rebeldeng NPA sa gitnang bahagi.

Sa huli, nailabas ng dula ang mga talento ng kanyang mga artista. Marahil, isa muling pamumukadkad ng rebolusyonaryong dula ang ating natunghayan. Katulad ng pagsulong ng rebolusyong isinusulong ng KM at ni Joma, sumusulong din ang rebolusyonaryong sining at kultura. Isang magandang pagpupugay ang dula sa Kabataang Makabayan at kay Joma.

Ilang eksena mula sa Makata’y Mandirigma