Istorya ng Linggo

Puwersa ng pagbabago sa halalang 2010


Isa sa natatanging positibong mga kaganapan ang paglahok ng mga progresibo, o ang tinaguriang Kaliwa, sa halalang 2010. Sa kabila ng karahasan, ng karambola sa pulitika ng mga trapo, at ng pagpupumilit ng kasalukuyang rehimen na manatili sa poder – tila may aasahang mabuti sa halalan ang bayan.

Liza Maza at Satur Ocampo, matapos ang pagsumite ng kanilang certificates of candidacy sa Comelec. Kasama nila ang mga kinatawan ng mga progresibong party-list. Mula kaliwa: Rep. Mong Palatino ng Kabataan, Rep. Teddy Casino ng Bayan Muna, Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis, sina Ocampo at Maza, Rep. Luz Ilagan ng Gabriela, Nelson Mallari ng Katribu, Connie Bragas-Regalado ng Migrante, (bahagyang natatakpan) Ferdinand Gaite ng Courage, at Frances Castro ng ACT Teachers. (KR Guda)
Liza Maza at Satur Ocampo, matapos ang pagsumite ng kanilang certificates of candidacy sa Comelec. Kasama nila ang mga kinatawan ng mga progresibong party-list. Mula kaliwa: Rep. Mong Palatino ng Kabataan, Rep. Teddy Casino ng Bayan Muna, Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis, sina Ocampo at Maza, Rep. Luz Ilagan ng Gabriela, Nelson Mallari ng Katribu, Connie Bragas-Regalado ng Migrante, (bahagyang natatakpan) Ferdinand Gaite ng Courage, at Frances Castro ng ACT Teachers. (KR Guda)

Ngayon pa lamang, inaasahang walang kasinggulo, walang kasing-kontrobersiyal ang halalan sa Mayo 2010.

Habang naghahanda ang Commission on Elections sa kauna-unahang automated elections sa ating kasaysayan, walang-tigil naman ang pihit ng mga puwersang pamulitika. Nagaganap ang mga ito nang nagulantang ang bansa ng karumaldumal na pamamaslang sa 57 katao sa Ampatuan, Maguindanao – tila nagsasabing heto na ang halalan. Heto na ang karahasan.

Samantala, naghahanda naman para sa 2010 ang puwersang pampulitika na matagal nang itinuturing na mga puwersa ng pagbabago sa lipunang Pilipino. Tagurian man silang Kaliwa, kilusang masa, o militante, isa sa natatanging magandang balita sa halalang 2010 ang aktibong paglahok nila sa halalan. Sa wakas, ayon sa ilang tagamasid, may malakas nang puwersa ng pagbabago na iinog sa darating na eleksiyon.

Kasado na ang pagtakbo sa pagkasenador ng dalawang matatayog na personahe sa militanteng oposisyon: sina Satur Ocampo at Liza Maza. Kasado na rin ang pagtakbo ng limang (walo sana, bago di-maipaliwanag na pinigilan ng Comelec) grupong party-list sa Kamara. Kasabay nito, nababalitaan din ang pakikipag-alyado ng progresibong mga puwersa sa isang kandidato sa pagkapangulo – sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Kaliwa.

Sen. Noynoy Aquino at Sen. Mar Roxas ng Liberal Party: Sinara ang pinto sa "Kaliwa." (Contributed Photo)
Sen. Noynoy Aquino at Sen. Mar Roxas ng Liberal Party: Sinara ang pinto sa "Kaliwa." (Contributed Photo)

Negosasyon sa oposisyon

“Nakipag-usap tayo sa lahat ng kandidato ng oposisyon,” paliwanag ni Rep. Ocampo ng Bayan Muna.

Halos sabay-sabay na kinausap sina dating pangulong Joseph Estrada, Sen. Manny Villar, Sen. Jamby Madrigal, Sen. Chiz Escudero, at noo’y si Sen. Mar Roxas. Pati si Sen. Noynoy Aquino, nang nagdesisyon siyang tumakbo, ay sinikap na kausapin. Ang layunin: Ihapag sa kanila ang plataporma ng mga militante, alamin kung may puwang para sa posibleng pagtutulungan at pakikipag-alyansa, at alamin kung maaaring kunin sina Ocampo at Maza bilang guest candidates sa kanilang mga senatorial slate.

Ipinaliwanag din ni Ocampo na simula’t sapul ay hindi na opisyon ang mga kandidato ng administrasyon, tulad ni Gilbert Teodoro o Bayani Fernando. Malinaw ang dahilan: Pinakamasahol na kaaway ng mga mamamayan si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa pangunguna ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan), kinausap ng mga militante si

Joseph Estrada. Pinaliwanag sa kanya na hindi maaari siyang suportahan ng mga militante dahil napatalsik na siya noong Enero 2001 sa Edsa Dos. Mga militante rin ang panguna sa kampanyang pagpapatalsik kay Estrada.

Samantala, itinuturing ng Makabayan na malapit na alyado sa Senado sina Madrigal at Escudero. Si Madrigal, matagal na nakasama ng progresibong mga grupo sa mga isyu, mula sa pagbatikos kay Pang. Arroyo hanggang sa pagtutol sa Visiting Forces Agreement at kahit sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Gayundin si Escudero, na nanguna sa taunang pagsampa sa impeachment complaint labay kay Arroyo noong kasamahan pa lamang siya nina Ocampo at Maza sa Kamara.

Ngunit itinuring nilang “hindi seryosong” kandidato ang dalawa. Si Madrigal, hindi aktibong nagpahayag ng kanyang intensiyon sa halalang 2010, samantalang si Escudero naman, matagal na ipinagliban ang deklarasyon kung tatakbo o hindi, matapos kumalas sa Nationalist People’s Coalition. Hanggang sa inanunsiyo niya noong nakaraang buwan hindi na nga siya tatakbo.

Naiwan na lamang sina Villar at Roxas. At nang umatras si Roxas sa kandidatura niya sa pagkapangulo para maging bise presidente ni Aquino, kinausap din ang huli. Pero sa matagal na panaho’y tumangging makipag-usap sa mga militante si Aquino, ayon kay Ocampo. Masama umano ang loob ni Aquino sa “pag-uungkat” ng mga militante sa isyu ng paghangad ng hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita.

Pero sagot naman ng mga militante, mahalagang isyu ang Luisita. “Ang isyu sa lupa, ang isyu ng distribusyon ng mga lupain ng Hacienda Luisita ay isyu ng panlipunang hustisya, isyu ng demokratikong karapatan ng mga magsasaka. Isa itong pambansang isyu,” sabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Hindi umano maaaring iatras ng mga militante ang hangad para sa hustisya at makatarungang distribusyon ng lupa sa Luisita para lamang mapahupa ang sama-ng-loob ni Aquino.

Gayunman, sa tulong ni Quezon Rep. Erin Tanada ng Liberal Party, nakapag-usap ang mga kinatawan ng Makabayan at si Aquino noong Nobyembre. Sa pagpupulong, inilinaw ng mga militante na kaisa nito si Aquino sa oposisyon, sa kabila ng paninindigan ng mga militante sa Luisita. Hindi pa rin pumayag si Aquino sa pagpasok ng mga militante sa kanyang senatorial lineup.