Pagtatrabaho, pagbabalik at paghihintay

December 13, 2009

DAEJEON, Timog Korea – Mabagal ang oras para sa naghihintay. Mabilis ang pagtakbo ng minuto para sa taong may sanlaksang trabaho. Paano na lang kung ikaw ay katulad kong inaantabayanan ang nakatakdang pag-alis habang nakatali sa napakaraming gawaing kailangang matapos?

Sadyang kay bilis ng panahon! Ang Marsong nagdaan ay tila ilang taon na sa aking pamantayan, lalo na’t kung iisipin ang paghihirap na dinaanan ko sa pagpunta sa Korea. Ano bang mararamdamam mo kung mapadpad ka sa isang lugar na hindi naiintindihan ang wikang kinagisnan (Filipino) at natutuhan (Ingles)? Alam mo rin ba ang epekto ng lamig ng panahong bago sa iyong katawan sa panahon ng pag-iisa’t pag-aalala?

Mula Marso na siyang simula ng aking pagtatrabaho rito bilang visiting professor, binilang ko ang mga araw na nagdaan at minarkahan ko sa aking kalendaryo ang mga nakatakdang pagbisita ni Joy sa Korea, pati na ang aking mga pansamantalang pagpunta sa Pilipinas. Aba, pati ang ilang araw na pagpunta sa Indonesia para magbigay ng pananalita ay nagsilbing oportunidad para makapiling ang mahal na asawa.

Talagang hindi mapakali sa pagbibilang ng mga sandali! Pero kung dumating naman ang unang araw ng pagkikita ay tila nakikipagkarera ang mga segundo para sa mabilis na pagsapit ng gabi. Bawat araw na nagdaan ay kabawasan sa kabuuan. Hindi man ito nasayang dahil sa kasiyahang naramdaman, indikasyon pa rin ito ng katapusang may hatid na kalungkutan.

Ang 17 araw na pagbisita ni Joy nito lang Nobyembre, halimbawa, ay tila 17 oras lang sa aming alaala. Marami man kaming napuntahan at magkasamang ginawa sa muling pagkikita, may panghihinayang pa rin sa bawat araw na nabawas dahil papalapit nang papalapit ang kanyang paglisan.

At ngayong nakatakda na akong umalis sa dayuhang bansang dalawang semestreng pinagsilbihan, kapansin-pansin ang mabagal na pagtakbo ng mga minuto’t segundo tuwing iniisip ang eksaktong oras ng paglipad ng eroplanong maghahatid sa akin sa Pilipinas. Ang dapat ay maliliit na bagay na may kaugnayan sa pag-iimpake ay nagiging malaking isyu para sa akin na nagdudulot ng walang-batayang pagkainis sa hindi-mawaring konteksto.

Ang simpleng pagpili ng tatak at kulay ng packing tape ay kinailangan ko pang pag-isipan nang malalim samantalang hindi naman nagkakalayo sa presyo ang mga ito, at alam nating lahat na hindi pangunahing usapin ang kulay. Ang simpleng pagbabago sa takdang araw ng pagkuha ng jumbo box na ipapadala ko sa Pilipinas, halimbawa, ay naging dahilan ng walang-batayang pagkainis at pagkasira ng araw ko noong Biyernes. Sa totoo lang, hindi naman ako dapat mag-alala dahil kukunin din naman ito!

Kung sabagay, normal lang naman ang aking hindi-mapakaling aktitud. Sa loob lamang ng ilang araw ay iiwanan ko na ang Korea. Ramdam na ramdam ko na ang ligayang hatid ng muli naming pagkikita ni Joy, ng muli kong pagpasok sa luma kong opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ng muli kong pakikipag-ugnayan sa mga kapwa guro’t peryodista.

Pero may komplikasyong hatid ang aking pagkabaon sa maraming gawain, na kung tatanungin ang sinumang nakakakilala sa akin ay tila bahagi na ng aking propesyunal na buhay. Dahil tapos na ang fall semester dito sa Linton Global College ng Hannam University (HNU-LGC), abala ako ngayon sa pagkokompyut ng mga grado. Kung sa UP ay komportable akong magbasa ng mahahabang papel sa wikang Ingles man o Filipino, mas mahabang panahon ang kailangang gugulin sa pagsusuri sa mga isinumiteng papel ng mga estudyante ng HNU na karamihan ay hindi pa matatas sa wikang Ingles, ang midyum ng pagtuturo sa LGC.