Istorya ng Linggo

Pag-asang dala ng di-mapuksang paglaban


Sa Mindanao — gayundin sa ibang bahagi ng bansa — tila lumalakas ang impluwensiya ng isa pang “gobyerno”. Sa kabila ng mga planong pagdurog dito, nagdeklara pa ang mga rebeldeng NPA na pinaplano na nilang matapatan ang lakas ng Estado sa loob ng limang taon.

Mga gerilya ng New People's Army sa Mindanao: Ibayong paglakas sa limang taon ang inaasahan.
Mga gerilya ng New People's Army sa Mindanao: Ibayong paglakas sa limang taon ang inaasahan.

Dalawang teritoryo, dalawang pamahalaan.

Di bababa sa tatlong tsekpoint ng pulis at militar ang nadaanan namin patungo sa isang malubak na kalsada sa kanayunan ng Northeastern Mindanao. Sa tabi ng kalsadang ito, nakabandera ang karatula ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at noo’y Sek. Hermogenes Ebdane, nagdedeklara na proyekto ng gobyerno ang pagsasaayos ng malubak na kalsadang ito.

Pero sa unahan lamang ng kalsada, sa bulubunduking bahagi sa tabi lamang nito, isang sandatahang yunit ang nakakubli sa matatayog na puno’t makakapal na talahib.

Sa unang tingin, nakauniporme silang tila mga miyembro ng SWAT ng pulisya. Pero sa malapitan, madaling nakitang kakaibang “pulisya” ito. Mula sa suot na bota na nabibili saanmang palengke sa Pilipinas, hanggang sa matataas na kalibreng sandata na bagama’t halatang alaga ay mistulang may edad na, hanggang sa mismong kilos at mainit na pagtanggap sa mga bisita’t ordinaryong tao – halatang ibang pulisya, ibang teritoryo, ibang gobyerno na nga ang nadatnan namin sa lugar na iyon.

Sila, siyempre, ang rebeldeng – o, ayon sa kanila, rebolusyonaryong – New People’s Army o NPA.

Di madurog

Sa imbitasyon ng mga rebelde noong Oktubre 2009, pumunta ang Pinoy Weekly sa naturang lugar sa Mindanao.
“Pahinga muna kayo,” sabi ng isang rebelde sa aming mamamahayag na lawit ang dila sa paglalakad. Saka mabilis siyang nagbukas ng buko, at inialok sa amin.

Sa mukha pa lamang, nakilala agad namin siya. Sadya man o hindi, kahawig ng isang tanyag na rebolusyonaryong lider sa Vietnam na si Ho Chi Minh ang nakakatandang rebelde. At dahil madalas nang lumalabas ang kanyang mukha sa mga pahayagan at telebisyon, hindi rin naman iyon ang unang pagkakataong naikumpara siya sa nasabing dakilang lider ng rebolusyong Biyetnames.

Siya si Oris – Ka Oris, o Jorge Madlos – na tagapagsalita ng National Democratic Front sa buong Mindanao. Sa maraming pagkakataon, siya ang nagsisilbing awtoridad sa mata ng publiko sa lahat ng may kaugnay sa rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao. Siya rin, siyempre, ang isa sa pinaka-mainit sa mata ng gobyerno.

Kinumusta namin ang gerilyang digmaan ng NPA, gayundin ang mga tagumpay nito sa pagkamit ng rebolusyong agraryo sa mga magsasaka. Ayon kay Oris, malaki na ang inihakbang ng rebolusyon sa Mindanao. Sinabi niya na nalampasan na nito ang lakas at tatag ng kilusan noong dekada ‘80, na sinasabing pinakamalakas na yugto ng NPA bago humina dahil sa mga pagkakamali.

Ayon kay Oris, dahil sa suportang nakakamit ng NPA sa mga mamamayan ng Mindanao, hindi magawang durugin ng AFP ang rebolusyonaryong kilusan.

“Naghahabol sila sa dedlayn ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na durugin ang NPA pagsapit ng taong 2010,” sabi ni Oris. Patapos na ang kasalukuyang taon, pero tila napakalayo na “masugpo” ang insurhensiya.

Katunayan, idineklara ng CPP na bigo ang Oplan Bantay Laya ng pamahalaang Arroyo at ng AFP. Magmula 2001, nang ipatupad ang unang yugto ng nasabing planong kontra-insurhensiya ng AFP, lumaki nang limang porsiyento ang bilang ng mga gerilya ng NPA. Tumanggi si Oris na sabihin kung ilan nag eksaktong bilang, pero tinatayang sa 6,000 ang regular na gerilyang NPA sa Mindanao pa lamang.

Gayunman, inamin niya na matindi ang pinsala ng mga operasyong militar ng AFP — sa mga sibilyan.

Noong nakaraang Agosto, bumuhos ang deployment ng Philippine Army sa iba’t ibang bayan ng Surigao del Sur. Kabilang sa tinalagaan ang mga barangay ng mga katutubong Manobo sa Lianga at karating na mga bayan. Mahigit isang libong katutubo ang lumikas sa kanilang mga komunidad.

“Pero lumaban ang mga Manobo, at sa tulong ng iba’t ibang sektor ng mga mamamayan, napalikas ang mga militar,” sabi ni Oris.