Konteksto

Kaligayahan sa Kapaskuhan


Masayang kasama ang pamilya. Kahit hindi magarbo ang handaan, walang katapat na presyo ang walang-katapusang kuwentuhan at walang-humpay na tawanan. Ang dating tahimik naming bahay sa Marikina Heights ay nagmistulang palengke sa ingay ng mga nagsidatingang kamag-anak noong Pasko. Para sa katulad kong kumportable sa nakabibinging katahimikan ng aking paligid, bago ang ganitong sitwasyon. Pero […]

Masayang kasama ang pamilya. Kahit hindi magarbo ang handaan, walang katapat na presyo ang walang-katapusang kuwentuhan at walang-humpay na tawanan.

Ang dating tahimik naming bahay sa Marikina Heights ay nagmistulang palengke sa ingay ng mga nagsidatingang kamag-anak noong Pasko. Para sa katulad kong kumportable sa nakabibinging katahimikan ng aking paligid, bago ang ganitong sitwasyon. Pero sa pagbisita ng mga mahal sa buhay, kahit kailan ay hindi ako nairita sa ingay nila.

Nakakahawa ang mga biruan at nakakatuwa ang pagkalinga sa mga batang pilit na pinapakain ng aming inihanda, gayundin ang mga dinala ng iba pa. Hinahabol-habol ng mga magulang ang mga anak na nagtatakbuhan sa loob at labas ng aming bahay, patuloy na pinagsasabihang mag-ingat at huwag sirain ang mga halama’t iba pa naming gamit sa bahay.

At habang naglalaro ang mga bata, patuloy ang huntahan ng matatanda. Nagsimula sa kumustahan, nagtapos sa konsultahan sa maraming bagay mula sa pagkumpuni ng sirang gripo hanggang sa pagpaplano sa buhay.

Direktang kong sinagot ang napakaraming tanong. Kailan ka babalik sa Korea? Dito na po ako. May plano ka bang mag-renew ng kontrata roon? Wala po. Bakit naman? Mas masaya po rito sa Pilipinas.

Para sa ilang kamag-anak na nakabisita sa aking tinuluyang bahay at pinagtrabahuang unibersidad sa Daejeon, Timog Korea, alam nilang mas komportableng buhay ang naghihintay sa aming mag-asawa roon kung magdesisyon kaming pahabain pa ang aking pagtuturo doon.

Pero ang kasiyahan ay hindi nasusukat sa yamang hatid ng perang kinikita. Sa gitna ng malamig na panahon sa Korea, siyempre’y hahanap-hanapin ng migranteng katulad ko ang init ng pagmamahal ng mga mahal sa buhay. Kahit na marami akong bagong kaibigan sa Korea, iba pa rin ang mga kamag-anak na naiwan sa sariling bansa.

Kapag nabasa siguro ito ng aking mga kamag-anak, alam ko na ang magiging biro nila: “Doon ka na! Pero dalhin mo kami sa Korea.” Pero siyempre’y hindi sila seryoso dahil imposibleng tuluyan nilang iwanan ang buhay at kabuhayang naipundar na nila sa Pilipinas. Kahit na hindi nila tuwirang aminin, naiintindihan nila ang desisyon naming mag-asawang manatili na lang ako sa Pilipinas.

Tulad ng iba pang espesyal na okasyon, ang Pasko’y nagpapaalala sa lahat ng pagmamahal sa kapwa. Kahit na walang regalo sa isa’t isa sa kung anumang dahilan (pangunahin ay kawalan ng pera), ang simpleng pagbati ng “Maligayang Pasko” ay sapat na: Ang importante kasi’y may nakakaalala sa iyo, lalo na’t siya’y espesyal sa iyong puso.

Nananatiling hamon sa ating lahat na ang pagmamahal sa mga mahal sa buhay ay isalin sa mas malawak na pagkilos para baguhin ang sitwasyong kinakaharap ng nakararaming mahihirap.

Dapat tingnang panandalia’t limitado lang ang kaligayahang hatid ng Kapaskuhan, dahil ang panlipunang kaayusan ay patuloy na pinagkakaitan ang nakararaming mamamayan.

Mainam ngang magkaroon ng kaunting pahinga ang pagod na katawan sa panahong ito, pero sana’y makakuha ng panibagong lakas sa pagharap sa mas matitinding hamon pa sa Bagong Taon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.