GMA, Ampatuan, sangkot sa pandarambong ng P1.7-B pondo ng CARP?


Pinag-iisipan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang paghahain ng kasong pandarambong laban kay Pangulong Arroyo at mga lokal na opisyal ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) sa pamumuno ni Gob. Zaldy Ampatuan, dahil sa umano’y maanomalyang pagbigay sa ARMM ng P1.7 Bilyong pondo mula sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Isiniwalat kamakailan ni Sen. […]

Pinag-iisipan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang paghahain ng kasong pandarambong laban kay Pangulong Arroyo at mga lokal na opisyal ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) sa pamumuno ni Gob. Zaldy Ampatuan, dahil sa umano’y maanomalyang pagbigay sa ARMM ng P1.7 Bilyong pondo mula sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Isiniwalat kamakailan ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. ang hinggil sa pagbigay ng pondo sa rehiyon sa kabila ng pagiging labas nito sa saklaw ng CARP.

Sa P1.7 Bilyon, P500 Milyon umano ang napunta sa Maguindanao, na pinamumunuan ni Alkalde Andal Ampatuan Jr. at pinangyarihan ng karumal-dumal na masaker ng 57 sibilyan noong Nob. 23.

Ayon umano sa Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) sa ilalim ng  CARP, lumalabas na inaprubahan ni Kal. Nasser Pangandaman ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagbigay ng pondo sa ARMM mula Pebrero hanggang Hulyo ngayong taon.

Ibinigay ng DAR sa limang probinsiya ng ARMM ang nasabing mga halaga: P350-M noong Peb. 15, P222.7-M noong Peb. 15, P322.5-M noong Hunyo 22, at P400-M noong Hunyo 2, at P373-M noong Hulyo l.

Nanawagan si Pimentel sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang nasabong mga release order.

This could be one of the probable sources of the fabulous but unexplained wealth of the Ampatuans. This could partly explain why they were able to acquire a lot of properties, several mansions in Maguindanao, Davao City, Metro Manila and other places,” sabi ng senador.

Matapos ang masaker, naisiwalat sa publiko ang magagarang mansiyon ng mga Ampatuan batay sa sunud-sunod na reyd na isinagawa ng mga awtoridad.

Samantala, ayon naman kay Mariano, pinatutunayan nito na “ginagawang gatasan ang CARP ng malalaking kapitalista at burukrata.”

Dagdag na insulto umano ang anomalya sa milyun-milyong mga magsasakang walang sariling lupa, at sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Bahagyang pinondohan ang CARP ng nakaw na yaman ni Marcos na narekober ng Presidential Commission on Good Government.

Sinabi ng kongresista na kung mapapatunayan ang pandarambong, dapat ding managot si Pangulong Arroyo, na nangangasiwa sa ehekutibo at malapit na alyado ng mga Ampatuan, pamilya na pangunahing suspek sa masaker sa Maguindanao.