Ang doktrina ng “strained relations”
Sa ilalim ng batas, ang isang manggagawa na napatunayang ilegal na tinanggal ng kompanya sa kanyang trabaho ay may karapatang bumalik dito. Ngunit may pagkakataon minsan na hindi na siya naibabalik sa kanyang trabaho kundi binabayaran na lamang ng kanyang separation pay. Halimbawa, kapag ang ang mangggawa ay umuukupa ng posisyong nangangailangan ng malaking pagtitiwala […]
Sa ilalim ng batas, ang isang manggagawa na napatunayang ilegal na tinanggal ng kompanya sa kanyang trabaho ay may karapatang bumalik dito. Ngunit may pagkakataon minsan na hindi na siya naibabalik sa kanyang trabaho kundi binabayaran na lamang ng kanyang separation pay.
Halimbawa, kapag ang ang mangggawa ay umuukupa ng posisyong nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng kompanya at may malaking lamat na ang kanilang relasyon, hindi obligado ang kompanya na tanggaping muli ang manggagawa. Babayaran na lamang siya ng kanyang separation pay.
Ang tawag sa doktrinang ito ay “doctrine of strained relations.” Dahil sa ganitong doktrina, marami nang kompanya ang nagtagumpay na hindi pabalikin sa kanilang trabaho ang kanilang mga empleyadong natanggal nang labag sa batas.
Ngunit sa kasong “Reynaldo Cabigting vs. San Miguel Foods, Inc.”, G.R. No. 167706 na hinatulan ng Korte Suprema noong Nobyembre 5, 2009, ay nabigo ang kompanya na gamitin ang doktrina ng strained relations upang hindi pabalikin sa kanyang pwesto ang isang manggagawang ilegal nitong tinanggal.
Sa nasabing kaso, nagtatrabaho itong si Reynaldo sa Feeds and Livestock Division ng San Miguel Corporation. Mula 1984 pa siya sa nasabing kompanya. Pagkatapos ang 16 na taong paninilbihan, nakatanggap siya ng sulat mula sa kompanya na siya ay tinatanggal dahil sa redundancy. Inalok siya ng kompanya na babayaran ng kanyang separation pay ngunit tinanggihan ito ni Reynaldo.
Sa tulong ng kanilang unyon, nagsampa ng kasong illegal dismissal si Reynaldo laban sa kompanya.
Sa desisyon ng Labor Arbiter, sinabi nito na labag sa batas ang pagkatanggal kay Reynaldo. Ganun pa man, imbes na iutos ang pagbalik kay Reynaldo sa kanyang pwesto, inutos nito na babayaran lamang siya ng kanyang separation pay at backwages.
Inapela ni Reynaldo sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang desisyon ng Labor Arbiter. Sa naging desisyon ng NLRC, sinabi nito na nagkamali ang Labor Arbiter at dapat lamang ibalik si Reynaldo sa kanyang trabaho.
Hindi nagpaubaya ang kompanya at dinala ang kaso sa Court of Appeals. Dito, muling nabago ang desisyon. Sinabi ng Court of Appeals na sira na ang relasyon sa pagitan ng kompanya at ni Reynaldo. Kaya dahil dito, hindi na dapat pabalikin sa kanyang dating pwesto si Reynaldo alinsunod sa doctrine of strained relations. Babayaran na lamang daw ito ng kanyang separation pay.
Napilitan si Reynaldong dalhin sa Korte Suprema ang kaso. Nilinaw ng Korte Suprema na inuutos ng Art. 279 ng Labor Code na ang isang manggagawa na tinanggal nang hindi sang-ayon sa batas ay dapat lamang ibalik sa kanyang dating posisyon, bukod pa sa pagbigay ng mga sahod na hindi niya natanggap dahil sa kanyang pagkakatanggal. Ganito rin ang inuutos ng Implementing Rules ng Labor Code.
Ganun pa man, sa ilalim ng doctrine of strained relations, kapag sira na ang relasyon ng empleyado at ng kompanya at ang posisyon ng empeyado ay nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng kompanya, hindi na praktikal para ibalik sa kanyang pwesto ang empleyado.
Ngunit diin ng Korte Suprema , kailangang may matibay na patunay na sira na ang relasyon ng empleyado at ng kompanya. Pangalawa, kailangan ding may malakas na katibayan na sensitibo ang posisyong ginagampanan ng empleyado at nangangailangan ito ng malaking pagtitiwala ng kompanya.
Kapag hindi napatunayan ang alinman sa dalawang ito, hindi maaring gamitin ang doktrina ng strained relations para sagkaan ang pagbalik ng empleyado. Dapat ibalik ang empleyado sa dating posisyon.
Sa kaso ni Reynaldo, walang sapat na katunayan na sira na nga ang relasyon ni Reynaldo at ng kompanya. Wala ring sapat na katibayan na ang pwestong inuukupahan ni Reynaldo ay nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng kompanya.
Inutos ng Korte Suprema sa kompanya ang dagliang pagbalik kay Reynaldo sa dati nitong pwesto.