Husgahan Natin

Election prohibition

Nitong unang araw ng Disyembre, ibinaba ng Korte Suprema ang desisyon nito sa kasong “Eleazar P. Quinto et. al. vs.Comelec  (G. R. No.  1899698). Ang desisyong ito ay may malaking epekto sa mga manggagawa ng gobyerno na may ambisyon at gustong lumahok sa politika. Sa kasalukuyang batas kasi hinggil sa eleksiyon, ang Republic Act No. […]

Nitong unang araw ng Disyembre, ibinaba ng Korte Suprema ang desisyon nito sa kasong “Eleazar P. Quinto et. al. vs.Comelec  (G. R. No.  1899698). Ang desisyong ito ay may malaking epekto sa mga manggagawa ng gobyerno na may ambisyon at gustong lumahok sa politika.

Sa kasalukuyang batas kasi hinggil sa eleksiyon, ang Republic Act No. 9369 ay nagsasaad  na  ang  sinumang appointive  employee ng gobyerno, kabilang na iyong  mga  nagtratrabaho sa armed forces at mga government-owned or controlled corporation na gustong tumakbo sa isang  halalan ay ituturing na nagbitiw  sa kanyang  trabaho sa oras na maghain siya  ng kanyang certificate of candidacy (COC) at kailangang umalis na sa kanyang trabaho. Bilang pagpapatupad sa ganitong batas ay naglabas ng alituntunin ang Comelec: ang Resolution No. 8678.

Dahil  plano nilang  tumakbo sa halalan sa 2010 at sila ay empleyado ng gobyerno, hinamon nina Eleazar ang nasabing patakaran. Nagsampa sila ng kaso sa Korte  Suprema. Hindi raw makatuwiran at labag sa Saligang  Batas ng Pilipinas ang batas na nagsasabing ituturing na resigned na sa kanyang trabaho ang isang empleyado ng gobyerno pagkahain niya ng COC.

Sa hindi inaasahang pangyayari, kinampihan ng Korte Suprema sina Eleazar. Sa desisyong inilabas nito noong Disyembre 1, 2009, sinabi ng Korte Suprema na ang batas na nagsasabing ituturing na resigned na sa kanyang katungkulan ang isang  appointive employee ng gobyerno sa oras na siya ay maghain ng kanyang COC sa anumang posisyon ay kumukontra sa equal protection of  laws na binabanggit ng ating Konstitusyon.

Pansinin natin, sabi  ng Korte Suprema na, walang ganitong limitasyon sa mga elective officials ng gobyerno. Ang mga elective officials ay hindi tinuturing na tanggal na o nagbitiw na sa kanilang mga pwesto kahit sila ay nakapaghain na ng kanilang COC. Ang ituturing na nagbitiw na ay iyong mga appointive officials lamang.

Kung gayon, sabi ng Korte Suprema, maliwanag na discriminatory ang nasabing batas. Kesahodang elected o appointed, parehas lang naman silang opisyal o nanunungkulan sa pamahalaaan. Ang isang kandidatong nanungkulan bilang cabinet secretary (isang appointive position) ay walang kaibahan sa isang kandidatong kasalukuyang senador o kongresista (isang elective position). Bakit kapag appointive employees ay ituturing na resigned upon filing of the certificate of candicacy at bakit kapag elective ay hindi? Ito ay maliwanag  na lumalabag  sa sinasabi ng Saligang Batas na lahat ng mamamayan ay may karapatan sa pare-parehas na proteksyon sa ilalim ng batas.

Gayundin, ang nasabing batas ay hinango ng ating mga mambabatas sa Estados Unidos kung saan ito nagsimula. Ngunit sa Estados Unidos ay nagkaroon na rin ng kaso kung saan idineklarang labag sa Konstitusyon ang nasabing  batas. Panahon na rin para gawin natin ito dito sa atin, sabi ng Korte Suprema.

Idineklara ng Korte Suprema na walang bisa ang nasabing probisyon dahil sa paglabag nito sa equal protection clause ng ating Konstitusyon.

Ngunit hindi lahat ng mahistrado ng Korte Suprema ay sumang-ayon sa desisyon nito. Ilan sa mga mahistrado ay kontra rito  tulad ni  Justice  Antonio Carpio na nagsulat ng kanyang dissenting opinion.

Ayon kay Justice  Carpio, nakasaad sa ating  Saligang Batas na bawal sa lahat  ng mga kawani  ng  serbisyo sibil ang magsagawa ng  “electioneering or partisan political activity”. Kung gayon, ang  batas na nagsasabing resigned na ang mga appointive public employee sa oras ng paghain ng kanilang COC ay alinsunod lamang sa probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa kanilang gumawa ng anumang “partisan political activity“.

Gayundin, ani Justice Carpio, may kaibahan ang appointive public official sa elective public official. Ang appointive public official ay pinipili ng kanyang appointing authority at hindi hinahalal  ng mamamayan. Wala ring limitasyon sa kanyang panunungkulan, di tulad ng elective official na tuwing halalan ay kailangang iharap ang sarili sa taumbayan. Kaya, makatuwiran lamang kung maging mahigpit ang batas  sa limitasyon sa mga appointive officials na ito.

Kung titingnan, mukhang mas tama ang katuwiran ni Justice Carpio. Paano kung isang heneral ng armed forces ang naghain ng kanyng kandidatura ? Hindi ba dapat siyang ituring na alis na sa kanyang puwesto?

Aba, baka naman gamitin niya ang kanilang mga armas para manalo sa puwestong tinatakbuhan. Tiyak, mas  madugo ang dati na nating madugong ating halalan.