Husgahan Natin

Partido sa halalan

Noong Linggong nagdaan ay dumalo ako sa lamay ng isang kamag-anak. Hindi maiwasan ng mga taong nandoon na pag-usapan ang samut-saring paksa upang labanan ang antok. Isa sa kanilang napag-usapan ay ang darating na eleksyon. “Totoo bang umalis si Chiz sa NPC ?” tanong ng isa. “Hindi ba dito siya naging kongresista at senador sa […]

Noong Linggong nagdaan ay dumalo ako sa lamay ng isang kamag-anak. Hindi maiwasan ng mga taong nandoon na pag-usapan ang samut-saring paksa upang labanan ang antok. Isa sa kanilang napag-usapan ay ang darating na eleksyon.

“Totoo bang umalis si Chiz sa NPC ?” tanong ng isa. “Hindi ba dito siya naging kongresista at senador sa partidong ito?”

“Paano,” sagot ng isang mukhang may alam, “hindi siya maligaya sa plataporma ng kanyang partido. May mga susing usapin na magkaiba sila ng pananaw. Kaya, minabuti niyang kumalas na sa kanyang partido.”

“Aba, ngayon lamang niya napagtanto yun?” sagot naman ng isa sabay higop ng kape. “Dapat ay noon pa.”

“Ngunit hindi lang naman kay Chiz nangyari ito,” pagtatanggol ng isa. “Tingnan nyo si Cesar Montano. Di ba noong nakaraang eleksyon ay tumakbo siyang senador sa ilalim ng Lakas-NUCD? Ngayon ay nagbitiw na siya sa partidong ito dahil may plano siyang kumandidatong gobernador sa ilalim ng Liberal Party.”

“At ito namang si Loren,” sabad naman ng isang meron, “bukas daw siya sa pagka Bise-Presidente. Yun nga lang, hindi pa matiyak kung anong partido ang kanyang sasamahan.”

“Dito ba sa atin ay puwedeng mangyari na pwedeng bale-walain ng isang nanunungkulan ang kanyang partido at lumipat sa ibang partido? Hindi ba bawal yun?” humirit ang nagkakape.

“Depende siguro sa panahon,” biglang sumagot mula sa hanay ng nagbabaraha. “Kung bawal ito sa ganitong panahon, hindi sana natin nababasa sa mga pahayagan ngayon ang pag-alis ng mga taga Lakas-NUCD para maging Nacionalista o Liberal o mula sa Liberal o Nacionalista para maging NPC o Lakas-NUCD.

“Totoo pa lang bale wala talaga ang mga partido.”, nakatingin silang lahat sa kanya.

“Iyan ay dahil siguro sa pagiging personality-oriented ng politika dito sa atin at sa kakulangan ng tunay na pagkakaiba sa mga plataporma ng mga partido. Maliban sa mga partido sa party-list, wala namang matingkad na pagkakaiba ang patakaran ng mga malalaking partido, di ba? Kaya nga, tama ang napupuna ng iba sa atin. Sa Pilipinas daw, totoong may two-party political system. Ibig sabihin , dalawang partido lamang ang nag-ooperate. Ang partidong nanalo o ang administration party at ang talunang partido o ang opposition party. Ngayon pagnatalo ang administration party, siya naman ang magiging opposition party at ang dating opposition party naman ang mag-aadministration party. Pero sa esensya, walang kaibahan ang mga partidong ito na pwede mong iwanan kung kailangan,” sagot ng nagbabaraha.

“Wala ba talaga silang kaibahan?”

“Eh, paano nga sila magkakaiba, eh parehas silang lahat na naniniwala sa pagpapatuloy sa umiiral sa sistema ? Halimbawa, alin sa mga malalaking partido ang naniniwala na mapang-api ang kasalukuyang pang-ekonomiyang sistema na nakabatay sa malayang pamilihan? Wala. Bilib silang lahat sa mantra ng “free market” economics. Alin sa mga malalaking partido ang naniniwala na mas matimbang ang lakas-paggawa kaysa kapital? Wala. Lahat sila ay nanininiwala na mas matimbang ang kapital at dapat itong pag-ukulan ng pansin kaysa mga manggagawa. Tutal, meron naman daw trickling down effects at madadamay din ang manggagagawa sa biyaya ng mga kapitalista. Alin sa kanila ang naniniwala sa tunay na reporma sa lupa at pagbibigay ng lupa sa talagang nagsasaka nito? Wala rin. Makakasira daw ito sa economy of scale na siyang kailangan ng ating bansa para umunlad. Kaya dahil sa kawalan ng kaibahan sa plataporma ng mga political parties na ito, madali sa kanilang mga kasapi ang umalis at magpalipat-lipat sa mga partidong ito.”

“Wow, mahaba ang paliwanag mo, pero umunlad ba ang ating bansa sa paniniwala nilang iyan?”

“Siyempre, hindi. Aha, tong-its ! Tong-its na ako!” napahiyaw ito sabay bagsak ng kanyang baraha.

Nilisan ko ang lamayan na nakangiti.