Pahaging sa responsableng blogging (Huli sa dalawang bahagi)

November 1, 2009

Walang problema sa intensiyon pero may malaking isyu sa implementasyon.

Hindi dapat pagdudahan ang motibasyon ni Ella noong Oktubre 21 na ipakalat sa pamamagitan ng kanyang blog ang diumanong pananatili ng relief goods sa warehouse ng Department of Social Work and Development (DSWD). Hangga’t walang ebidensiyang ginawa niya lang ito bilang taktikang search engine optimization (SEO), mainam na iwasan ng ilang bloggers ang pagbibigay ng walang batayang kuro-kuro.

Usapin kasi ito ng empirikal na datos. May limitado man akong kaalaman sa SEO (patunay nito ang mataas na Alexa traffic rank at Google PageRank ng dannyarao.com), wala akong karapatang husgahan si Ella na sinulat niya ang nasabing post para lang makakuha ng web traffic batay sa kanyang itinakdang search strings. Nasaan ang datos bilang pagpapatunay dito? Anong viral campaign ang diumanong nais na gawin ni Ella at ano ang kanyang layunin? Kasama ba siya sa diumanong destablizers na nais pabagsakin ang pamahalaan? Binayaran ba siya ng oposisyon para magpalaganap ng impormasyon laban sa DSWD? Kung oo ang sagot sa huling dalawang tanong, kailangang maglabas ng pruweba.

Walang lugar ang ispekulasyong isinasapubliko sa pagpapataas ng panlipunang diskurso. Iba ang obhetibong paglalahad ng pagsusuri sa subhetibong pagbibigay ng unang pumasok sa isip. Ang una’y malalim na pinag-iisipan, ang huli’y mabilis na pinapalaganap.

Ang pakikipag-unahan sa pagpapakalat ng hindi-beripikadong impormasyon ay tuksong dapat labanan sa panahon ng new media. Ang pikit-matang pagdedesisyon ay gawain lang ng isang indibidwal na madalas na ginagamit ang mga katagang “puwede na” at “bahala na.”

Maaaring maiugat ang pagpapadala sa “tukso” sa “angking kagandahan” ng teknolohiyang kontrolado ng maraming blogger. Alam nating lahat na malaking tulong ang convergence na hatid ng new media (na kung saan bahagi ang blogosphere) sa pagbibigay hindi lang ng teksto kundi ng mga larawan at streaming audio at video. Bukod sa pinagsamang katangian ng print at broadcast, kayang-kaya ng new media ang mabilisang pagpapakalat ng impormasyon. Dahil sa katangiang ito, nauunahan ng blogosphere at social media ang mga organisasyong pang-midya sa print, radyo at telebisyon sa pagbabalita, lalo na sa panahong mabilis ang mga pangyayari tulad ng bagyo o coup d’etat.

Sa aking pagsusuri ng maraming blog entry, minsa’y may nararamdamang tagumpay ang maraming blogger tuwing nauunahan nila sa pagbabalita ang tinatawag na tradisyunal na midya. Halimbawa, maraming blogger at social media user ang bumatikos sa mga organisasyong pang-midya nang may nagpalaganap ng balitang walang peryodistang nasa House of Representatives (HOR) noong gabi ng Hunyo 2 nang aprubahan ang House Resolution No. 1109 na naglalayong buuin ang constituent assembly para baguhin ang Saligang Batas. Pero lumabas na hindi pala totoo ang balita.

Puwedeng dala ito ng emosyon dahil kahit naman sinong nagmamahal sa bayan ay natural na magagalit sa gawi ng mga tiwali sa pamahalaan. Pero sa kabila ng galit, kailangan pa rin ang hinahon sa pagpapalaganap ng impormasyon. Ang isang emosyonal na blog entry, status update o tweet ay hindi nakakatulong sa paghuhubog ng opinyong pampubliko lalo na’t kung batay lang ito sa subhetibong pagtingin sa isang pangyayari.

sipin mo na lang: Ano ang magiging epekto sa iyo kung sakaling gumamit ako ng malulutong na mura sa aking pagsusuri ng anumang katiwalian sa lipunan? Paano na lang kung puro personal na atake lang ang gagawin ko sa aking mga katunggali? Kung sakali, makakatulong ba ang mabilis na nakuha pero maling impormasyong gagamitin ko sa aking mga artikulo? Bukod sa makakaapekto ang mga ito sa aking kredibilidad, hindi nito mapapataas ang antas ng diskurso na lubhang kinakailangan para mamulat ang mga mamamayan sa pamamagitan ng panulat.

Kung susuriin ang post ni Ella, wala kang pagdududa sa intensiyon niyang magbigay ng impormasyon sa publiko. Kahanga-hanga pa nga ang tapang niyang kunan ng litrato ang loob ng DSWD warehouse para patunayan ang napakaraming relief goods na sinabi niyang hindi naipapamigay sa mga nangangailangan.

Pero sa kabila ng malinis na intensiyon, ano ba ang nilalaman ng kanyang artikulo?

Sa unang talata pa lang, kapansin-pansin ang sensationalism sa paglalahad ng detalye. Halimbawa, dahil sa kahalagahang maipalaganap ang mahalagang impormasyon, sinulat niyang “I disabled a plugin so you can copy the photos of relief goods rotting in DSWD warehouses.” Kung ang relief goods ay tunay na nabubulok, ibig sabihin nito’y perishable items ang mga nasa warehouse ng DSWD. Pero ang kitang-kita sa mga larawan ay mga kaldero, tubig, banig, kumot, laruan, sabon at mga de-latang pagkain tulad ng sardinas at pork and beans (na hindi malinaw kung kailan ang expiration).

Malabo rin ang paglalahad ng importanteng datos. Sinulat niyang nakapanayam ng isang patnugot ng Philippine News si DSWD Sec. Esperanza Cabral pero lumalabas na ang sekretarya lang ng huli ang nakausap, batay sa sumunod na talata at sa hiwalay na pahayag ng nasabing patnugot (na kung naging maingat lang si Ella sa atribusyon ay sinulat sana niyang columnist at contributing editor ng Philippine News). Kahit na hindi niya alam ang kaibahan ng editor sa contributing editor, malaking tulong ang paglalahad ng tamang datos sa pagpapaliwanag ng mahahalagang punto.

Kailangan ding banggitin ang kanyang mga spekulasyong hindi nagpapalalim kundi nagpapababaw sa diskurso: “The relief goods are not moving. By the way things look, they are not going anywhere. Hindi maglalakad mag-isa ang mga donations na ito papunta sa mga evacuation centers.”

Walang lugar sa responsableng blogging ang huling pangungusap dahil mas mahalagang ipaliwanag nang malalim (at nang mahinahon) kung bakit sa tingin ni Ella ay mananatili sa loob ng DSWD warehouse ang relief goods, batay sa mga naobserbahan niya.

Tungkol na rin sa kanyang obserbasyon, nabanggit ni Ella na pinagbawalan silang kumuha ng litrato sa loob ng warehouse. Hindi sapat ang sinulat niyang “I wonder why.” Ang sinumang pinagbawalan ay pinagsabihan, at madali namang itanong kung bakit ganoon ang patakaran. At kung sakaling ayaw magbigay ng dahilan, ito ang puntong mahalagang isulat dahil ipinapakita nito ng kawalan ng transparency at accountability ng kasalukuyang administrasyon kahit sa panahon ng trahedya. Sa kontekstong ito, magkakaroon din ng malakas na batayan ang patagong pagkuha ni Ella ng mga larawan.

Kahit na sabihing personal na naratibo ang nasabing post ni Ella, hindi nakakatulong ang sumusunod na pahayag kaugnay ng isyung ang lokal na relief goods lang ang nire-repack ng grupo niya: “Mahiwagang mga kahon from Japan Aid…Hindi rin ito kasali, of course. Hindi namin alam kung ano ang laman nito. ‘Imported’ are not included, we have concluded.” Napakaseryoso ng mga ganitong alegasyon at lubhang kinakailangan ng sapat na datos bilang batayan ng nasabing konklusyon. Malinaw na hindi sinusuportahan ng mga larawan ang kanyang mga argumento.

Bukod sa pagtalon sa kongklusyon, halatang-halata ang kawalan ng hinahon sa paglalahad ng argumento. Sa puntong ito, hind ko tatanggalin ang mga nakasulat na mura at mga salitang inilagay sa malaking titik na nagsisilbing paliwanag sa litrato ng isang trak ng DSWD na may nakasulat na Do Not Delay: “YOU THINK?? WTF is the matter with these people? Mag-iisang buwan na mula nang masalanta ang mga kababayan natin. ISANG BUWAN!! Do you mean “do not delay ang dati nang delayed”?? Shet…Anong ginagawa ng mga donations na ito sa warehouse?? APAT na warehouse ang nasa loob ng compound na ‘yon! APAT na warehouse na punong-puno ng inaalikabok na relief goods! Relief goods na ayaw yata ibigay sa mga nasalanta. Halatang-halata.

Sa kabila ng mga kahinaan sa pagbibigay ng makabuluhang impormasyon, masasabing may positibong epekto ang sinulat ni Ella dahil napakilos nito ang DSWD sa pamimigay ng relief goods. At kung noon ay bawal diumanong kunan ng larawan ang loob ng warehouse, pinapasok na ang midya para siyasatin kung ginagawa nga ba ng DSWD ang trabaho nito.

Masasabi tuloy na nakamit ni Ella ang layunin niyang mapakilos ang DSWD at makatulong sa mga nasalanta ng mga bagyo. Bagama’t karapat-dapat siyang bigyan ng papuri, sa aking palagay ay kailangan pa rin siyang paalalahanang may kaakibat na responsibilidad ang pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng blog. Totoong limitado lang ang kasalukuyang naaabot ng Internet dahil 24 milyong Pilipino lang ang gumagamit nito. Pero nagiging batayan ng mga ulat ang anumang importanteng impormasyong nasa Internet, lalo na sa blogosphere at social media.

Sa kaso ni Ella, kailangan lang asahan ang paggamit ng nasabing post at pagsisiyasat ng midya sa mga alegasyon niya. At nang mapatunayang may ilang kamalian sa datos, karapatan ng midyang iulat ang mga ito hindi para pahiyain si Ella kundi para iwasto ang anumang kumakalat sa Internet. Tungkulin ng midyang suriin ang katotohanan at alamin ang konteksto sa kawalan ng kakayahan at kahandaan ng mga ahensiya ng gobyerno sa panahon ng trahedya.

Sa aking palagay, nararapat na ipagpatuloy ni Ella at ng mga blogger ang pag-uulat sa mga nangyayari sa ating lipunan. Pero ibayong pag-iingat ang kailangang gawin sa proseso ng blogging.

Hindi katulad noong dekada 90 na kailangan ng kaalaman sa web publishing, ngayon ay napaka-user friendly ng content management system (CMS) na ginagamit sa blogging tulad ng WordPress.

Dahil dito, kahit sino’y puwedeng magkaroon ng blog, mula sa mga responsableng peryodistang bukas na niyakap ang bagong teknolohiya hanggang sa mga may-edad nang tila walang pinagkatandaan (at patuloy na nagsusulat ng mga walang katuturan). At, siyempre pa, hindi natin dapat kalimutan ang kabataang tulad ni Ella.

Sana’y ang simpleng pahaging na ito sa responsableng blogging ay magmistulang bulong na parating maririnig sa proseso ng pagkakalap ng datos, pagsusulat ng post at pagpapakalat tungo sa pagmumulat.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.