Pag-aalala sa gitna ng pangungulila

November 8, 2009

DAEJEON, Timog Korea – Bigla ang pagbaba ng temperatura noong Linggo kasabay ng pag-init ng ulo ko. Ramdam na ramdam ko ang pangungulila, hindi lang sa usaping personal kundi sa usaping pulitikal.

Hindi na nga katanggap-tanggap ang panginginig ng katawan ko, nakakadagdag pa sa emosyonal na bagahe ang mga balitang nababasa’t napapanood ko tungkol sa Pilipinas. Sadyang nakakasira ng araw ang mga balitang ito lalo na’t sa umaga matutunghayan. At hindi naman puwedeng huwag na lang alamin ang mga nangyayari dahil lalo lang akong mag-aalala.

Sa biglang tingin, hindi na tayo dapat magulat dahil hindi na bago sa atin ang masasamang balita. Bahagi na ng Pilipinas, halimbawa, ang mga bagyo, pati na rin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Kahit na sabihin mong pinakamalala na ang kasalukuyang administrasyon, wala rin naman itong monopolyo sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi ba?

Consuelo de bobo ang ganitong argumento at hindi nito dapat mapagaan ang galit na nararamdaman ng mga tao. Wala man tayong kontrol sa pagdating ng bagyo, may magagawa tayo para maiwasan ang trahedyang dulot nito. Sa usapin naman ng korupsyon, hindi kasalanan ng diumanong ignoranteng masa ang pag-upo sa puwesto ng mga naproklamang panalo sa eleksiyon. Unang una, hindi porke’t sila ang mga nasa kapangyarihan ay sila ang nahalal ng taumbayan. Nagkataon lang na sila ang nakakuha ng pinakamataas na bilang, at alam nating lahat ang mga mapanlikhang paraan para mangyari ito.

Nakakagalit ang sitwasyong pinamumunuan tayo ng mga mandaraya’t magnanakaw. Hindi ito pagtuligsa nang walang malinaw na batayan, dahil marami nang pag-aaral mula sa loob at labas ng bansa ang nagpatunay sa malawakang korupsyon.

Kung susuriin, halimbawa, ang corruption perceptions index (CPI) ng Transparency International (TI) noong 2008, lumalabas na sa listahan ng 180 bansa, ika-141 lang ang Pilipinas sa usapin ng kalinisan sa pamahalaan. Batay sa metodolohiya ng TI, ang pinakamababang gradong 0.0 ay para sa mga highly corrupt samantalang ang pinakamataas na gradong 10.0 ay para sa mga highly clean. Alam mo bang ang gradong nakuha ng Pilipinas ay 2.3? (Nakatakdang ilabas ng TI ang 2009 CPI sa Nobyembre 17, at mainam na subaybayan kung may pagbabago sa pagtingin sa lawak ng korupsyon sa Pilipinas.)

Sa kontekstong ito, ang bawat “mabuting” ginagawa ng pamahalaan ay nagiging isa lamang pagkukunwari dahil sa kolektibong pagkamuhi sa lahat ng bagay na may kinalaman sa kasalukuyang administrasyon.

Ang pagbabawal sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng Executive Order No. 839 ay alam nating pansamantala lamang sa gitna ng trahedyang dulot ng mga bagyong nagdaan, ayon mismo sa pamahalaan. Oo nga’t pansamantalang binabangga ng pamahalaan ang interes ng mga kompanya ng langis, pero hindi nito binibigyan ng permanenteng solusyon ang problema sa deregulasyon. Bagama’t may pag-aaral na isinagawa ang administrasyong Macapagal-Arroyo tungkol sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, ginawa lang ito sa balangkas ng kung paano mas epektibong maipapatupad ang deregulasyon. Kahit kailan ay hindi ito naging bukas sa pagbabasura ng nasabing batas at pagsasabansa ng industriya ng langis.

Isang indikasyon ng sama-samang galit ng sambayanan ang net satisfaction rating na -38 ni Macapagal-Arroyo at pagiging huli ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa mga nakaraang survey ng mga nais tumakbong pangulo. Kahit sa ikalawang distrito ng Pampanga, lumalabas sa isang survey ng IBON Foundation noong Oktubre 2009 na alam ng 76 porsiyento ng mga residente ang plano ni Macapagal-Arroyo na tumakbo bilang kinatawan sa House of Representatives (HOR) kahit 17 porsiyento lang ang pabor sa kanyang diumanong plano.

May hatid na pampulitikal na kaguluhan ang mga eleksiyong nagdaan. At sa darating na eleksiyon sa Mayo 2010, maraming mawawala sa kasalukuyang administrasyon kung sakaling panghawakan ng oposisyon ang pinakamataas na puwesto (Pangulo) at makontrol ang Kongreso. Sa dinami-dami ng kasalanan ng administrasyong Macapagal-Arroyo, malaki ang posibilidad ng pagsasampa ng demanda laban sa maraming opisyal ng pamahalaan, at malamang na kasangkot pa ang pamilya nila.

Gagawin at gagawin ng mga nasa kapangyarihan ang lahat para mapanatili sa puwesto si Macapagal-Arroyo, kahit na nangangahulugan ito ng pagpapatakbo sa kanya sa mas mababang puwesto tulad ng miyembro ng HOR o kahit Pangalawang Pangulo. Tandaan nating may malalim na dahilan kung bakit umabot na sa 47 beses ang pagbisita ni Macapagal-Arroyo sa ikalawang distrito ng Pampanga mula noong Enero 2009.

Malayo man ako sa sariling bansa, nalalaman ko ang mahahalagang isyung tulad nito, salamat sa Internet at sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga kaibiga’t kakilalang nasa Pilipinas. Pero nararamdaman ko ang “pagkawala” ng aking sarili sa aking pag-iisa’t patuloy na pag-iisip kung ano na ang kahihinatnan ng bayang minamahal.

Sadyang kailangang labanan ang tendensiyang mabaliw sa kaiisip sa napakaraming panlipunang problema. Hindi talaga maiwasang maramdaman ang galit, lalo na’t ramdam na ramdam ko ang pisikal na layo sa bansang kinagisnan.

Hindi Pasko ang nararamdaman sa panahong malamig na ang simoy ng hangin sa Timog Korea. Sa gitna ng kaunlarang nakikita sa paligid, patuloy na naglalakbay ang aking utak at naaalala ang bansang aking iniwanan, ang Pilipinas na pinagsasamantalahan ng pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.