Masaker sa Maguindanao, atake sa demokrasya

November 23, 2009

Maguindanao Gov. Andal Ampatuan. Ang anak niyang si Andal Ampatuan Jr. Alyado ng Pangulong Arroyo ang mga Ampatuan sa Maguindanao. (Larawan mula sa lpp.gov.ph)

Maguindanao Gov. Andal Ampatuan. Anak niya si Andal Ampatuan Jr. na nabalitang tatakbo sa pagkagobernador kapalit ng kanyang ama. Alyado ng Pangulong Arroyo ang mga Ampatuan sa Maguindanao. (Larawan mula sa lpp.gov.ph)

Hindi lamang atake sa kalayaan sa pamamahayag, kundi atake mismo sa demokrasya ng bansa ang pamamaslang sa di bababa sa 36 katao, kabilang ang mga mamamahayag at abogado, sa Maguindanao.

Ito ang reaksiyon ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pamamaslang na ayon sa Armed Foces of the Philippines ay isinagawa ng mga tagasuporta ni Mayor Andal Ampatuan Jr. ng Shariff Aguak nitong Nobyembre 23.

This incident not only erases all doubts about the Philippines being the most dangerous country for journalists in the world, outside of Iraq, it could very well place the country on the map as a candidate for a failed democracy,” sabi ng NUJP.

Sinamahan ng mga mamamahayag at ng abogadong sina Atty. Concepcion Brinzuela at Atty. Cynthia Joquindo ang asawa, kaanak at mga tagasuporta ni Ismail Mangudadatu sa pagsampa ng huli ng kandidatura bilang gobernaor sa Maguindanao.

Sina Oquendo at Brinzuela ay kapwa miyembro ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Alas-10 ng umaga, nabalitaang hinarang sila sa daan papuntang tanggapan ng Commission on Elections sa Shariff Aguak, Maguindanao.

Alas-singko na ng hapon nang matagpuan ng mga elemento ng AFP ang mga labi ng mga biktima sa Masalay, Datu Abdullah Sangki sa Maguindanao.

May mga ulat na pinugutan ng ulo ang mga biktima. Natagpuan naman diumano ang mga babaing biktima na nakababa ang pantalon, posibleng biktima rin ng panggagahasa bago pinaslang.

Itinuturo ng AFP na suspek ang mga tagasuporta ni Ampatuan, na makakalaban diuamo ni Mangudadatu sa pagkagobernador sa Maguindanao.
Samantala, hiniling naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang impartial na imbestigasyon sa kaso.

“President Gloria Macapagal Arroyo must not let her political association with the Ampatuan family stand in the way of a speedy and impartial investigation into the incident,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Malapit na kaalyado ni Arroyo ang pamilyang Ampatuan. Naganap ang pamamaslang habang nasa nakikipagpulong diumano si Maguindanao Gov. Andal Ampatuan at Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Zaldy Ampatuan sa Presidential Adviser on Political Affairs na si Gabriel Claudio.

“The national government must step in and enforce the law since the local police is not likely capable of conducting an impartial probe or may be vulnerable to pressure by the powerful political families in the province,” sabi pa ni Reyes.

Sinabi naman ng NUJP na kung hindi agarang tutugunan ng pambansan gobyerno ang imbestigasyon, lalo lamang lalakas ang loob ng mga makapangyarihang mga tao para patahimikin ang mga mamamahayag.