Masaker, peryodismo at aktibismo

November 28, 2009

Normal ang magulat at magalit, ang tumangis at mainis, ang magduda’t mag-alala. Bahagi ang mga ito ng ating pagkatao at huwag mong isiping kailangang mawala ang ating pakiramdam para maging obhetibo sa pag-uulat.

Kung interesado kang maging peryodista, ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23 ay patunay sa klase ng pagpapahalaga ng mga nasa kapangyarihan sa peryodismo at kalayaan sa pamamahayag. Kung noon ay nagsisilbing hadlang sa anumang karahasan ang presensiya ng midya, ngayon ay kasama na sila sa estadistika.

Ang dapat ay ordinaryong araw ng pag-uulat – hinggil sa pagsumite sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Shariff Aguak ng certificate of candidacy ng isang lokal na pulitiko – ay naging malagim na kamatayan ng 57 katao, kabilang ang 28 peryodista’t manggagawa sa midya.

Kitang-kita ang trahedya hindi lang sa malaking bilang ng mga biktima kundi sa walang-pakundangang paraan ng pagpatay sa kanila. Hindi na kailangang ulitin ang mga naiulat na bakas ng pagpapahirap na ginawa sa 57 biktima, lalo na sa 22 kababaihan, bago sila walang-awang pinatay. Talagang hindi sapat ang mga salita para ilarawan ang pinagdaanan ng mga minasaker at ipaliwanag ang saloobin.

Ang simpleng pagtingin sa mga larawan ng masaker na nangyari sa Baranggay Salman, Ampatuan ay malaki nang hamon sa sensibilidad ng marami. Kahit ang isang walang pakialam ay makakaramdam ng poot at mapapatanong kung anong klaseng mga tao ang makakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Dagdag pa marahil ang tanong na ito: Anong klaseng pamahalaan ang patuloy na nakikipagkaibigan sa political warlord sa Maguindanao na pangunahing suspek sa masaker? Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na nananatili ang pagkakaibigan ng Pangulo sa pamilyang Ampatuan. “I don’t think the President’s friendship with the Ampatuans will be severed…Just because they’re in this situation doesn’t mean we will turn our backs on them.”

Sa madaling salita, walang iwanan sa panahon ng kagipitan! Malaki ang utang na loob ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga Ampatuan dahil malaki ang naging lamang niya sa Maguindanao sa eleksiyon noong 2004. Nakamit naman ng Team Unity (TU) ang 12-0 sa sumunod na eleksiyon para senador nong 2007.

Ngayong ang mga Ampatuan naman ang nangangailangan, makakaasa kaya sila ng tulong sa administrasyong tinulungan nilang mailuklok? Tulad ng pahayag ng suspek na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr, sasabihin din kaya sa bandang huli ng Malakanyang na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay may kinalaman sa masaker?

Paano na lang ang panawagan para sa hustisya ng pamilya’t kasama sa propesyon ng mga biktima? Maaari na ba tayong matulog nang mahimbing sa press release na ito ng Malakanyang noong Nobyembre 26? “Government security forces have established control over the capitol of Maguindanao and at least two municipal halls in the trouble (sic) province where the massacre of more than 50 civilians and media practitioners was committed last Monday, Philippine National Police (PNP) chief Director General Jesus Verzosa announced Thursday.”

Kung nais mong maging peryodista, kailangan mong suriin ang pagkakaugnay-ugnay ng mga isyu at ang mga maaaring mangyayari sa hinaharap batay sa malalim na pagsusuri sa nakaraan at kasalukuyan.

Ang pag-uulat ay higit pa sa simpleng pagkuha ng 5 Ws at 1 H (who, where, what, when, why at how) na maaaring itinuro sa iyo sa paaralan. Subukin mong alamin ang konteksto ng mga pangyayari. Suriin mo ang koneksiyon ng mga tila hiwa-hiwalay na pangyayari sa naratibong sinusundan.

Totoo mang kailangan ng hinahon sa responsableng pag-uulat, hindi ito nangangahulugang wala kang pagsusuring ilalahad. Bahagi ng iyong responsibilidad bilang peryodista ang paglalantad sa mga nais itago, gayundin ang pagbibigay-liwanag sa gitna ng kadiliman. Walang nakokomopromiso sa pagiging obhetibo kung nais ng isang peryodistang suriin ang mga pangyayari, bagama’t kailangan niyang kunin ang iba’t ibang panig ng isyu.

Walang lugar at imposible ang tinatawag na cold neutrality sa makabuluhan at responsableng pamamahayag. Sa paghuhubog kasi ng opinyong pampubliko, lubhang kailangan ang pagsusuri para itaguyod ang tama at kondenahin ang mali, at nasa publiko na ang desisyon kung tatanggapin ba o hindi ang inilahad na paninindigan ng peryodista.

Kung ating babalikan ang mga peryodistang pinatay sa Ampatuan, nararapat lang ang malawakang pagkondena ng iba’t ibang organisasyong pang-midya sa nangyari. Sa kasong ito ay dinig na dinig ang kolektibong sigaw hindi lang para sa pagkakamit ng hustisya kundi para sa pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag.

Hindi na bago ang paninindigang ito ng midya, at kung tutuusin nga’y nagsampa na ng kaso noon ang ilang peryodista (kasama na ako) sa korte dahil sa pagkompromiso ng administrasyong Macapagal-Arroyo sa kalayaan sa pamamahayag. Nagkaroon na rin ng maraming kilos-protesta ang maraming peryodista para ipaglaban ang kalayaang pilit na sinisikil ng mga nasa kapangyarihan.

Mahirap mang paniwalaan, kapansin-pansin ang diwa ng aktibismo sa bahagi ng mga responsableng peryodista hindi lang sa panulat kundi sa gawa!

Kailangan nating tandaang ang mga pinatay na peryodista kamakailan ay bahagi ng tinatawag na community press at nakabase silang lahat sa mga lungsod ng General Santos, Tacurong, Koronadal, Cotabato at Davao.

Para sa taong 2009, sinabi ng Center for Freedom and Responsibility (CMFR) na tatlo nang peryodista ang pinatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho (in the line of duty) bago pa man nangyari ang masaker. Nangangahulugan itong lumobo na sa 31 ang pinatay na peryodista ngayong taon pa lang!

Kung susuriin ang mga estadistika ng CMFR, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Committee to Protect Journalists (CPJ), karamihan sa mga pinatay mula pa noong 1986 (1992 sa kaso ng CPJ) ay bahagi ng community press at may malaking bilang na mula sa Mindanao.

Iba’t iba man ang konteksto ng pagpaslang sa mga nagdaang taon, lahat ng mga kasong ito ay nagpapakita ng kultura ng walang pakundangan sa bahagi ng mga nasa kapangyarihan. Sa panahong ito, hindi mo masisisi ang midya kung patuloy nitong kinokondena ang mga kahinaan at tiwaling gawi ng pamahalaan, lalo na ang kawalan ng kakayahan nitong bigyan ng hustisya ang mga pinatay na peryodista.

Gusto mong maging responsableng peryodista? Sa panahong ito, hindi mo maiiwasang maging aktibista!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.