312 biktima ng masaker sa ilalim ng gobyernong Arroyo –Karapatan

November 26, 2009

Masaker sa Kananga, Leyte noong 2003: isa sa ngayo'y 52 nang insidente ng masaker sa ilalim ng gobyernong Arroyo. (Contributed Photo)

Masaker sa Kananga, Leyte noong 2003: isa sa ngayo'y 52 nang insidente ng masaker sa ilalim ng gobyernong Arroyo. (Contributed Photo)

Umaabot na sa 312 ang naging biktima ng masaker sa ilalim ng gobyernong Arroyo, ayon sa datos ng grupong Karapatan, matapos dumagdag sa bilang ang 57 biktima ng makaser sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23.

Sa isang pahayag, sinabi ng Karapatan na isang “masaker na naghihintay na mangyari” ang insidenteng pinakahuli lamang sa mahabang listahan ng mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang simula noong 2001.

Naunang 255 biktima

Sa datos ng grupo na nakalap ng Pinoy Weekly, lumalabas na bago ang masaker sa Ampatuan, may 255 nang biktima ng masaker sa 51 magkakahiwalay na insidente mula Enero 1, 2001 hanggang Setyembre 30, 2009.

Depinisyon ng masaker ang pagpaslang sa tatlong katao o higit pa sa isang insidente.

Ayon sa datos ng Karapatan, kababaihan ang 42 sa mga biktima ng masaker habang 40 naman ang menor-de-edad.

Labas pa ito sa mga biktima sa Ampatuan, kung saan nasa 21 ang bilang ng kababaihang pinaslang, kabilang si Genalyn Mangudadatau, asawa ng bise-alkade ng Buluan, at mga abogadong sina Connie Brizuela at Cynthia Oquendo.

Pinakamarami naman sa 255 biktima ng masaker ay nagmula sa Autonomous Region of Muslim Mindanao na may 47 biktima; sumunod ang Southern Mindanao Region at Central Luzon na may tig-30 biktima; National Capital Region na may 29 biktima; Southern Tagalog na may 27 biktima; at Eastern Visayas na may 25 biktima.

Kalakhan o 70 sa 255 na mga biktima ng masaker ay mga magsasaka. May 40 naman sa mga ito ang mga Moro; at 21 ay mga manggagawa.

Arroyo, ‘pinakamalaking warlord sa bansa’

Sinisi ng Karapatan para sa masaker sa Ampatuan si Pangulong Arroyo, na umano’y “ang pinakamalaking warlord sa bansa” dahil sa pagpapatupad nito sa Oplan Bantay Laya (OBL), programang kontra-insurhensiya ng gobyerno, at kabiguan nitong parusahan ang mga nasa likod ng mga paglabag sa karapatang pantao.

Itinuturo ng grupo ang mga sundalong militar na nagpapatupad ng OBL na responsable sa kalakhan ng mga masaker na naitala simula 2001, at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao gaya ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot.

Pinakahuli sa mga masaker na naitala ng grupo bago ang insidente sa Ampatuan ang pagpaslang sa anim na miyembro ng pamilya Suarez noong Abril 9, 2009 sa Sitio Silangan, Brgy. Kanikan, Gingoong City, Misamis Oriental. Diumano’y kabilang ang isang dalawang-buwang sanggol sa pinagbabaril ng mga sundalo nang tumanggi ang pamilyang magsasaka na lumikas sa kanilang tahanan, na bahagi ng eryang isinasailalim sa operasyong militar.