Trahedya sa panahon ng Facebook

October 18, 2009

Maraming dapat ipagpasalamat sa Facebook (FB) bagama’t ito rin ang dahilan ng paminsan-minsang pagkaantala ng ilang gawain. Sa panahon ng trahedya’t malayo ako sa Pilipinas, malaking bagay ang social media tulad ng FB para malaman ang nangyayari sa mga mahal sa buhay. Mahalaga rin ito sa mabilis na pagkuha ng impormasyon.

Masasabing may magandang ugnayan ang social media at iba pang porma ng mass media. Kahit na limitado ang naaabot ng Internet sa Pilipinas, may malaking papel ang social media sa pagbibigay ng mga posibleng istorya sa mga publikasyong print at online at sa mga programa sa radyo’t telebisyon. Nakakatulong din ang social media sa pagpapakalat, lalo na sa labas ng Pilipinas, sa mga lumalabas na balita mula sa mga website ng mass media.

Dahil sa FB, nalalaman ko ang kalagayan ng mga kaibigan, lalo na’t maraming trahedya ngayong kinakaharap ang Pilipinas. Bukod sa iba pang social media tulad ng Twitter, malaking tulong ang FB sa pag-alam sa mga pangyayaring may kaugnayan sa bagyong Ondoy (Ketsana) at Pepeng (Param). Siguradong tututukan ko uli ang FB at iba pang social media sa pagpasok ng bagyong Ramil (Lupit) sa Pilipinas.

Totoo namang hindi basta-basta dapat paniwalaan ang impormasyong nakukuha sa social media dahil depende ito sa mga taong nagpo-post ng mga ito.

Marami sa mga kaibigan ko sa FB ay mga kapwa peryodistang nagpupunta mismo sa mga lugar na nangyayari ang mga balita. Dahil dito, may dahilan para paniwalaan ko ang kanilang ipinapalaganap na impormasyon. Para naman sa mga residente ng lugar na apektado, ang kanilang eyewitness account ay masasabing mapagkakatiwalaan lalo na’t kakilala ko sila’t alam kong wala silang dahilan para magsinungaling.

Pero ang teknolohiyang nagbibigay ng mabilis na impormasyon ay maaari ding pagmulan ng pang-aabuso ng ilang tao. Masasabing naging biktima ng nakalalasong impormasyon ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai dahil may gumamit ng FB account niya at nagpalaganap ng mapanirang status update sa kasagsagan ng bagyong Ondoy: “buti n lng am hir in dubai! maybe so many sinners bak der! so yeah deserving wat hapend.”

Maraming nagsulat ng galit na komento sa OFW na ito. Masyado ngang personal ang mga panlalait na ginawa sa kawawang OFW. Halimbawa, may nagsulat na hahanapin siya sa Dubai at ipapagahasa sa mga Arabo’t kamelyo. Sa pamamagitan ng image editing software tulad ng Photoshop, may ilan pang nag-edit ng kanyang mga larawan sa paraang hindi ko na ipapaliwanag dahil sa sobrang kabastusan.

Dahil madali lang mag-repost ng ganitong klaseng impormasyon, mabilis na kumalat ang mga mapanlait na mensahe’t larawan niya hindi lang sa FB kundi sa mga social media at blog. Pero makalipas ang ilang araw, narinig din ang panig niya: Hindi pala siya ang nag-post ng mapanirang status update dahil matagal nang na-hack ang kanyang FB account at sa katunayan nga’y inireklamo na niya ito sa pulisya ng Dubai.

Kung gagamitin ang termino ng mga peryodista, malinaw na “kuryente” ang istorya. Sa kabila nito, kapuri-puri ang ginawang paghingi ng paumanhin ng maraming blogger at FB user na mabilis na humusga sa kawawang OFW na biktima ng identity theft.

Marami pang isyung kinakaharap ang bansang Pilipinas at inaasahan ang mga gumagamit ng social media tulad ng FB na magbigay ng kanilang opinyon sa mga nangyayari. Pero malinaw na kailangang maging maingat dahil parating nariyan ang posibilidad ng pagpapalaganap ng kasinungalingan.

Sa konteksto ng FB, hindi lang simpleng repost ang nangyayari sa pag-click ng “Share.” Ang pagbabahagi ng kaalaman ay dapat na pinag-iingatan. Hindi lang ito usapin ng personal na reputasyon kundi ng pangkabuuang epekto ng pagpapakalat ng impormasyon. Hindi natin alam, halimbawa, kung ang ating mga kaibigan ay ipapalaganap din ang nasabing impormasyon sa kanilang sariling network sa FB at iba pang social media at blog.

Dahil sa malaking posibilidad ng pang-aabuso at malinaw na ebidensiya na nangyayari ang mga ito, may mga katulad ni Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo na nagnanais magkaroon ng regulasyon sa FB. Hindi na bago ang mga ganitong argumento. May ilang mambabatas nang nananawagan sa pagkokontrol ng impormasyong galing sa Internet sa iba’t ibang dahilan tulad ng pornograpiya.