Husgahan Natin

Na-trapik ang appeal bond

Sa isang labor case, kapag natalo ang manggagawa , maari siyang mag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC). Wala siyang babayaran sa gagawin niyang apela maliban lamang ang “appeal fee”  na nagkakahalaga ng   mahigit P500.00. Ngunit kung ang manedsment ang matalo, kailangan pa niyang maglagak ng “bond” na katumbas ng  napanalunang pera ng manggagagawa. Ang […]

Sa isang labor case, kapag natalo ang manggagawa , maari siyang mag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC). Wala siyang babayaran sa gagawin niyang apela maliban lamang ang “appeal fee”  na nagkakahalaga ng   mahigit P500.00. Ngunit kung ang manedsment ang matalo, kailangan pa niyang maglagak ng “bond” na katumbas ng  napanalunang pera ng manggagagawa.

Ang bond na ito ay kailangang ilagak niya sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagkatanggap niya ng desisyong kanyang inaapela. Kapag ang manedsment ay hindi nakapagbigay ng appeal bond sa sinasabing panahon, madi-dismiss ang kanyang apela.

Nangyari ito sa isang kilalang kompanya  sa kasong “Wallem Maritime Services, Inc. et. al.  vs. Eriberto S. Bultron”  (GR No.  185261) na hinatulan ng Korte Suprema nitong Oktobre 2, 2009.
Sa nasabing kaso, nagsampa  ng demanda itong si Eriberto,   isang seaman, laban  sa kanyang  kompanya. Nagkasakit  umano si Eriberto sa kanyang trabaho bunga ng kakulangan ng safety at protective  gear sa  barkong kanyang sinakyan. Dahil dito, humingi siya ng danyos at disability benefits sa kompanya.

Dininig ng Labor Arbiter ang kaso at napatunayang  nagkasala   nga ang  kompanya. Sa kanyang desisyon, inutusan ng Labor Arbiter ang  kompanya  na magbayad ng $60,000 dito kay Eriberto.

Natanggap ng abogado ng kompanya  ang desisyon ng Labor Arbiter noong Nobyembre 4.   Pagdating nang Nobyembre 14, araw ng Biyernes,  nagpadala ng kanyang apela ang  abogado sa NLRC  ng kompanya.

Sa kasamaang palad, walang kasamang appeal bond ang nasabing apela.

Noong sumunod na Lunes, Nobyembre 17, saka pa lamang nakapagbigay ng appeal bond ang kompanya. Nang malaman ito ni  Eriberto, kaagad  siyang nagsampa ng motion para ma-dismiss ang apela ng kompanya.

Simple lang ang  sagot ng kompanya. Natagalan daw ang  pag-process ng kanilang  appeal bond ng  insurance  company na pinagawa nila  nito.  Bandang alas-kuwatro na raw  nang hapon noong Nobyembre  14  nang matapos ito.  Agad naman daw itong dinala ng  abogado ng kompanya mula sa Makati papuntang Maynila, ngunit sobrang trapik daw noong araw na iyon.

Dahil dito, tinawagan na lang daw  ng abogado ang kanyang opisina at inutos na  i-file na lang ang apela ng kompanya kahit walang appeal bond. Kung baga, “to follow”   na lang ang  appeal bond.

Noong sumunod na Lunes, Nobyembre 17,  agad naman daw  na  ibinigay nila ang nasabing appeal bond.  Kaya, hindi araw totoong na-delay ang kompanya  sa pagsumite nito  ng appeal bond.

Naniwala sa paliwanag ng kompanya ang NLRC at hindi niya dinismiss ang apela ng kompanya. Matapos pag-aralan ang kaso, binaliktad ng NLRC ang desisyon at sinabing walang kasalanan ang kompanya at hindi ito dapat magbayad kay Eriberto.

Si Eriberto naman ngayon ang nagdala ng kaso sa Court of Appeals (CA). Dito, muling nabaliktad ang desisyon. Sinabi ng CA na tama ang Labor Arbiter at dapat ngang pagbayarin ang kompanya kay Eriberto.

Dinala naman ng kompanya sa Korte Suprema ang kaso.  Mali raw ang Court of Appeals sa ginawa nitong pagbalik sa desisyon ng Labor Arbiter. Dapat raw ang desisyon na lang ng NLRC ang sinunod.

Tama ang Court of Appeals , paliwanag ng Korte Suprema.

Sinasabi  ng  batas na kailangang  may kasamang appeal  bond  ang apela ng kompanya  para tiyakin na mabayaran ng kompanya ang anumang  babayarin  para  sa manggagagawa  na nakalagay  sa  desisyon ng Labor Arbiter. Ang appeal bond na ito ay dapat maibigay sa loob ng sampung (10) araw mula pagkatanggap ng desisyon. Kapag  ang apela ng kompanya ay walang kaukulang appeal bond,  walang karapatan ang NLRC para tanggapin ito.

Lumalabas na nang isampa ng kompanya ang kanyang apela noong Nobyembre 14, wala itong  kasamang appeal bond. May sampung araw ang kompanya para magbigay ng nasabing appeal bond pero hindi niya ito nagawa.

Ang pagbigay niya ng appeal bond noong Nobyembre 17 ay lampas na sa araw na tinakda ng batas. Dahil dito, hindi kumpleto ang nasabing apela at walang karapatan ang NLRC upang bigyang daan ito. Dapat lamang ipatupad  ng mahigpit ang patakaran tungkol sa pagsumite ng appeal bond, paliwanag ng Korte Suprema. Kung walang appeal bond, walang jurisdiction ang NLRC para tanggapin ang isang apela. Kaya mali ang ginawang pagtanggap ng NLRC sa apela ng kompanya  at tama ang desisyon ng Court of Appeals tungkol dito.

Kaya mga mambabasa, kapag nanalo na kayo sa inyong labor case at sakaling nag-apela pa ang kompanya, tingnan agad kung  may kasamang  appeal bond ang  apela nito. Kung wala, tapos  na ang kaso at tiyak na ang inyong panalo.