Hinggil sa planong paglilikas sa mga nakatira sa riverbanks at mga tinaguriang ‘danger zones

October 2, 2009

Mahigpit ang aming panawagan sa pamahalaan, partikular kay Pangulong Arroyo at kay NDCC Chair Gilbert Teodoro, na gamitin ang pagkakataong ito hindi upang simpleng alisin ang mga maralitang naninirahan sa mga ‘danger zones’ gaya ng mga riverbank, estero at waterways, kundi bigyan din ng kaukulang pag-iisip ang pangmatagalang kapakanan ng mga ito.

Hindi natin ikinakaila na ang hakbang na ito ay para sa kagyat na kaligtasan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga maralita na unang mapipinsala sa muling banta ng matinding bagyo at pagbaha. Subali’t sana’y hindi ito magdulot ng paglilipat lamang sa kanila sa mga masahol sa ‘staging area’ o relocation sites at muling pag-aabandona na naman sa kanila ng pamahalaan.

Alalahanin natin na ang paninirahan ng libu-libong maralita sa ganitong delikadong mga lugar ay dulot lamang ng matinding kahirapan, bunsod ng malawakang disempleyo, kawalan ng sapat na kabuhayan at kita, at kakulangan ng makabuluhang serbisyo. Ang mga ito ay pawang pananagutan din ng pamahalaan, kaya’t hindi wasto, gaya ng ihinahayag ng ilang opisyal ng gubyerno, na simpleng sisihin ang mga ito bilang sanhi sa pagbaha.

Alam nating ang kalakhan sa atensiyon at rekurso ng gobyerno ay nakatuon sa disaster-relief efforts at paghahanda para sa posibleng delubyo at pagbaha hatid ng bagyong ‘Pepeng’. Subalit panahon na rin upang iwaksi ng gobyernong ito ang ‘short-term’ na pag-iisip at pagtanaw, na siya rin namang dahilan sa matinding trahedya na inabot ng bayan sa pagdaan ni ‘Ondoy’.

Ang aming posisyon: ilikas ang mga maralitang nasa direktang panganib at pansamantalang ihatid sa mas ligtas na mga lugar. Subalit paglipas ng ‘clear and present danger’ na hatid ni ‘Pepeng’, agad na ilatag ang mga kaukulang plano para sa pagtatayo ng libre, disente at tiyak na paninirahan para sa mga ito, sa mga lugar na hindi na silang muli haharap sa panganib. Tiyakin din ang kanilang kabuhayan at ang paglalaan ng sapat na serbisyong panlipunan.

Sa ganitong paraan lamang tunay na mareresolba ang suliraning ito. Kapag kaya itong seryosong ipangako ng pamahalaan, hindi rin sila mahihirapan sa pagkumbinsi sa mga maralita na permanente nang iwan ang kanilang mga tahanan sa ‘danger zones’. Ang paninirahan naman nila dito, kung tutuusin, ay bunga din ng mga pangakong napako ng pamahalaan sa kanila, kaya’t nasa gubyerno ang pasanin upang makuha muli ang kanilang tiwala.

Jon Vincent Marin

Public Information Officer
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
12-A Kasiyahan St, Don Antonio Hts., Brgy. Holy Spirit, Quezon City
427.4315 | kadamay_national@yahoo.com | kadamay-natl.blogspot.com