Husgahan Natin

Iba ang nag-punch in

Matatanggal ba sa kanyang trabaho ang isang manggagawang nagpa-punch in ng kanyang time card sa ibang manggagawa ? Ang tanong na ito ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Eats-Cetera Food Services Outlet, et. al. vs. Myrna Letran and Mary Grace Espadero (G.R. No. 179507) na binigyan ng desisyon ng Korte Suprema nito lamang Oktobre […]

Matatanggal ba sa kanyang trabaho ang isang manggagawang nagpa-punch in ng kanyang time card sa ibang manggagawa ?

Ang tanong na ito ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Eats-Cetera Food Services Outlet, et. al. vs. Myrna Letran and Mary Grace Espadero (G.R. No. 179507) na binigyan ng desisyon ng Korte Suprema nito lamang Oktobre 2, 2009.

Nagtatrabaho bilang cashier sa isang restawran itong si Mary Grace. Kahit na kainan lamang ang kanilang pinagtatrabahuan, meron silang time card kung saan, lahat ng empleyado ay kailangang mag time-in bago magsimulang magtrabaho.

Isang raw, pagdating ni Mary Grace sa kanyang trabaho, ay natuklasan na lamang daw niya na naka punch-in na ang kanyang time card. Nagtanong-tanong daw siya at nalaman na ang gumawa nito ay isang kasama sa trabaho na ang pangalan ay si Joselito. Ganun pa man, hindi niya sinabi ang bagay na ito sa kanyang supervisor. Nang malaman ito ng kanyang supervisor, agad itong iniulat sa kanilang personnel manager.

Hiningan ng paliwanag ng personnel manager si Mary Grace kung bakit hindi siya dapat matanggal sa trabaho at nagpaliwanag naman ang huli. Gumawa ng imbestigasyon ang manedsment at lumabas na nakipagsabwatan si Mary Grace sa empleyadong nag-punch-in sa kanyang time card. Dahil dito, tinanggal siya ng manedsment sa kanyang trabaho.

Nagdemanda ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter si Mary Grace. Masyadong mabigat , ayon sa kanya, parusang binigay ng manedsment sa kanyang umano’y kasalanan. Nakaligtaan lang naman niyang sabihin sa manedsment na ibang empleyado ang nag-punch in ng kanyang time card pero dismissal na kaagad ang kanyang natamo. Aba, hindi ito makatarungan, sigaw ni Mary Grace.

Naantig ang puso ng Labor Arbiter at pinanalo si Mary Grace. Sa desisyon ng Labor Arbiter, walang batayan ang pagkatanggal sa kanya at dapat siyang ibalik sa trabaho. Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang manedsment at nabago ang desisyon. Tama daw ang manedsment sa pagtanggal kay Mary Grace sabi ng NLRC.

Dinala ni Mary Grace sa Court of Appeals ang kaso at muling nabaliktad ang desisyon. Inutos ng Court of Appeals na ibalik ang desisyon ng Labor Arbiter dahil ito raw ang tama. Dinala naman ng manedsment ang kaso sa Supreme Court sa pag-asang mabaliktad pa ang desisyon.

At tama nga ang manedsment. Sa naging hatol ng Korte Suprema, pinagpasyahan nitong tama ang ginawang pagtanggal ng manedsment kay Mary Grace sa kanyang trabaho.

Isipin natin, sabi ng Korte Suprema, na si Mary Grace ay isang cashier. Ang kanyang posisyon ay nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng manedsment. Sa ginawa ni Mary Grace, nawala ang pagtitiwalang ito. Kaya maari siyang tanggalin ng manedsment sa dahilang nawalan na ito ng tiwala sa kanya (loss of trust and confidence).

Hindi na mahalaga kung nakipagsabwatan man sa ibang empleyado si Mary Grace o hindi, sabi ng Korte Suprema. Ang ginawa niyang hindi pag-uulat sa kanyang supervisor tungkol sa pangyayari ay sapat na para mawalan ng tiwala ang manedsment sa kanya. Kung hindi pa nalaman ng supervisor ang pangyayari, maaring manatili itong lihim sa manedsment at hindi nagawan ng kaukulang hakbang. Maliwanag na nagkulang sa katapatan itong si Mary Grace . Kung nagawa niyang hindi maging matapat pagdating sa time card, lalo na siyang hindi maasahan pagdating sa pera ng kompanya.

Kaya may sapat na batayan ang manedsment para mawalan ng tiwala sa kanya at naaayon sa batas ang ginawang pagtanggal sa kanya, paliwanag ng Korte Suprema.

Kaya kayong mga cashier diyan o iyong mga manggagawa na may katulad na tungkulin, mag-ingat sa pag-punch in ng inyong mga time card. Tandaan natin na ang ating posisyon ay nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng ating kompanya. Huwag tayong gumawa ng anumang bagay na makakasira sa pagtitiwalang ito upang huwag matanggal sa ating trabaho.