Pasintabi

Butas sa kisame


Ito ang aking Moby Dick, kahit hindi naman ganoong kalaki. Higante pa rin itong black hole na nakadungaw sa akin sa tuwing pumapasok ako sa banyo sa ikalawang palapag ng bahay. Kung sa manunulat na si Ernest Hemmingway, ito ang isdang hindi rin niya mahuli-huli. Ito ang kanyang obsesyon, ang parating sumusunggab sa kanya pagpalaot […]

Ito ang aking Moby Dick, kahit hindi naman ganoong kalaki. Higante pa rin itong black hole na nakadungaw sa akin sa tuwing pumapasok ako sa banyo sa ikalawang palapag ng bahay. Kung sa manunulat na si Ernest Hemmingway, ito ang isdang hindi rin niya mahuli-huli. Ito ang kanyang obsesyon, ang parating sumusunggab sa kanya pagpalaot sa dagat.

May sarili itong buhay. Unti ay tigatik na nahuhulog sa dingding na walang pintura. Mas dumidilim ang bahaging naapektuhan sa abong dingding. Sa kalaunan, lumukso na ito sa may harap ng sampayan ng twalya. Lumakas ang tulo na kailangan nang tanggalin ang rug dahil baka mas makadulas.

Nang lumaon, pati ang puting pinturang kisame ay nagkaroon na ng bilu-bilugang mantsa. Para itong amag sa tinapay, kumakalat habang nagtagal. Mas lalong tumitingkad ang mantsa.

Gypsum board ang materyales ng kisame. Siksik lang itong papel. Ang positibo rito, ayon sa kontratista, hindi aanayin. Nang ipinapagawa ang bahay, nagkalat ang ilang punso ng anay, kaya iwas sa gamit ng kahoy, pati plywood. Pero ang hindi sinabi, kapag umuulan, tulad ng anumang papel, bumibigat ang gypsum board. Humihina ang kapit sa aluminyong frame ng kisame. At nahuhulog.

Noong una, natuklap lang ang kisame. Parang sapatos, sa kalumaan ay nagkaroon ng bibig kapag bumuka.  Ipinapasilip nito ang ilang pinanggalingan ng tagas. Kapag araw, pumapasok ang diretsong ilaw mula sa butas na yero sa loob ng bubong.  Ito ang mga salarin. Pero kahit ito kalat na pala. Kaya may taning na rin ang iba pang bahagi ng kisame.

Matapos lumugo, bumigay na ang malaking bahagi ng kisame sa banyo. Pati hindi basa ay nahatak nitong pababa.Kaya ito ang pinagmumulang black hole ng agam-agam ko, lalo na kapag umuulan.

Nang Setyembre 2009, tatlong bagyo ang dumating. Para lang itong mikrobyong lumalaki hanggang naging higante. Naunawaan kong wala akong laban dito.Hindi ko pwedeng ipaayos dahil para lang akong nag-flush ng pera sa kubeta.  Hindi matutuyo, hindi matatapos ang anumang trabaho sa bubong at kisame. Hindi magpapatalo itong nagpapabigat na higante.

At nang magtagumpay na nga sa araw na humasik ng pinakamalakas na pagdanas ng ulan sa bagyong si Ondoy, malinaw ang mortalidad ko bilang gitnang uring mamamayan. Sa kawalan-magawa, naisip kong ganito naman talaga ang buhay. Wala akong masisi, wala namang may gusto nito. Napatiklop ako.

Kinailangan kong magpaubaya, mag-zen na lamang sa mga bagay na hindi ko mababago.  Ordinaryo ay natutuwa ako sa ulan. Nalilinis ang paligid. Nadidilig ang halaman sa hardin. Lumalamig ang klima. Masarap matulog at manginin sa kama.

Wala akong laban dahil hindi naman ito labanan.  Kahit pa paratihan ipinapaalaala sa aking pag-upo uma-umaga ang aking pagkatalo.  Kahit pa nanganak na ang higanteng mikrobyo.  Nanganganib na rin ang tagas sa tabi ng kama.  At bumagsak na nga ang isang bahagi ng kisame sa terrace.

Magpapasalamat pa dahil ligtas pa rin ako. Na kahit papaano ay may bahay pa rin na hindi nilubog ng baha ni Ondoy o inalon sa ilang ulit na pagbubukas ng mga dam sa karatig-lugar ng East Metro Manila at Rizal. Magpapasalamat ako dahil hindi ako tulad ng ibang napapanood ko sa telebisyon na mas tinalo ng higanteng delubyo.

Hindi ko kinailangang umakyat ng bubong. Mabasa at maramdaman ang mas malaking panganib sa buhay. At unti-unting paramdaman ang kawalan-magawa sa pwersa ng kalikasan at diyos. Hindi ko kailangang magalit sa gobyerno ni Gloria Arroyo dahil sa kapabayaan sa kahandaan sa disaster at ang administrasyon ng pagsagip at tulong matapos nito.

Pero nagagalit ako sa gobyerno dahil ito ang lumikha ng kondisyon ng pagkatalo. At sa maraming mas nasalanta, kung bakit kailangang madanas ang dinanas sa kapabayaan at kakulangan ng gobyerno.  Nagagalit ako sa negosyo dahil brinand ang pagtulong para sa higit na pangmatagalang kita.

Gusto kong sabihin, halimbawa, sa ABS-CBN na hindi nakakalimutan ang trahedyang pumaslang sa daan-daang namatay sa Wowowee stampede. O sa mga kompanya ng mamahaling sports shoes, briefs, at doughnut na hindi ganitong tulong ang kailangan.  Hindi basta lamang makatulong. May rason at lohika ang pagtulong sa mga nasalanta.

Sa tuwing mapapatingin ako sa mga butas at tagas sa kisame, kasing bigat ng tubig sa malakas na ulan ang nararamdaman sa ipinundar ko. Pero ang galit ko ay hinihigop ng mas malaking galit sa estadong nagdulot ng isa na namang pabigat na pasakit sa ngalan ng lahat ng namatay, nalagay sa peligro at nasalanta ng nakaraang bagyo.