Pasintabi

Talunan sa sariling tensyon


Lampas ng dalawang buwan akong nagtagumpay sa aking trabaho.  Hindi ko ito nauuwi sa bahay.  Pagkatapos umalis sa opisina ay sarado na ang mundong ito.  Maliban sa pahabol na text sa kalagitnaan ng gabi o kapag Sabado’t Linggo, wala namang malakas na aninag na bitbit pa sa bahay. Sa pagsasara ng ikatlong buwan, natalo ako.  […]

Lampas ng dalawang buwan akong nagtagumpay sa aking trabaho.  Hindi ko ito nauuwi sa bahay.  Pagkatapos umalis sa opisina ay sarado na ang mundong ito.  Maliban sa pahabol na text sa kalagitnaan ng gabi o kapag Sabado’t Linggo, wala namang malakas na aninag na bitbit pa sa bahay.

Sa pagsasara ng ikatlong buwan, natalo ako.  Hindi ako nakasabay sa tensyon ng gawain.  Iniyakan ako ng isang kaopisina, at nagkakandaumapaw ang masamang naunang usapan namin sa telepono.  Nag-aalumpihit na ako sa mga meeting ng pagbabakasakaling makalikom ng pondo para sa opisina.

Sumasakit na ang ulo ko, pati ang lalamunan.  Giniginaw kahit walang aircon.  Pero kailangan pa ring pumasok kahit umabot ang meeting nang nakaraang gabi.  Nagklase pa sa module para sa isang kurso.  Tatlong klaseng tig-singkwentang estudyante.

Hindi pwedeng lumiban.  Isang semestreng plinano ang klase.  Mahirap iurong ang mga pulong dahil hindi lang naman ako ang kasama rito.  Natatagpuan ko ang sarili na plantsado na ang buhay sa susunod na tatlong linggo.  Pulong kete pulong, paulit-ulit lang naman pero ganito talaga ang buhay sa opisina.

Mahirap sabihing hindi ko naman pinili ito.  At sumasagi palang sa utak kong tatlong taon itong kontrata ay para na akong nananamlay.  Ilang ulit pa akong matatalo? Ito ang panahong makatitig lang ako sa harap ng computer nang matagal ay bigla nang sumasakit ang mata ko, pumipintig ang ugat sa ulo.  Iidlip ako, at natuto na akong umidlip ang ulo sa ibabaw ng mesa kapag tanghalian.  At kahit papaano ay naibsan ang sakit ng ulo.

Pero matapos ng ilang oras, balik na naman ang sakit ng ulo.  Nanamlay at hindi kumportable ang pagpasok sa opisina pero kailangan nandito ang katawan ko.  Kahit hindi naman guguho ang mundo, kailangan nandito ako kung sakaling mangyari ito.  Ako rin ang babalingan para magpaliwanag kung bakit, kung sakaling mangyari nga ito.

Mahirap matalo sa sariling tensyon.  Dahil inako ito, ang sarili ang kailangang magpaliwanag at paliwanagan ng pag-ako.  Bakit nga ba?  Marami tayong inaako sa buhay, marami ay temporal lang, tagapagpadaloy ng mga responsibilidad sa mga partikular na yugto ng buhay ng opisina at kilusan.

Kaya mahirap sabihing iwan ang ako dahil hindi naman pala ito switch ng ilaw na kontrolado ang patay-sindi ng liwanag at kuryente.  Sabi ng isang katuwang sa opisina, paalala raw ng kanyang cardiologist—siya ay survivor ng quadruple heart bypass—hindi naman maiiwasan ang tensyon, piliin na lamang ang tensyon na gustong pagtuunan ng pansin.

Hindi naman digmaan ang pag-oopisina.  Ito ay trabaho na ang kalikasan ay magtrafiko ng tensyon.  Marami ang talaga namang pinapadaan lang sa opisina, ipinagbibigay-alam.  At kailangan nakabukas ang pinto para makalabas ito.  Hindi ito dapat naiiwan.  Matapos pagkapehin, o pakinggan, tapikin sa balikat, umunggol ng pagsang-ayon, ituro ang pinto palabas.

Banggit naman ni Choy kagabi, mula sa kwento raw ni Edgar Allan Poe na pinagdududahan ko pa rin kung ito nga ba ay tunay, kailangan ay parang tauhan lang sa isang absurdong naratibo nito.  Mapapadaan ang tauhan, marami itong makakatagpo.  Bawat makatagpo ay babatiin at matapos ay uusad na sa paglalakad.  Walang ibabaong sama ng loob, walang tutunghayang pabigat na hindi na makakausad.

Sa tensyon din kasi nanggagaling ang kondisyon ng posibilidad, kung paano makakausad at magkakaroon ng solusyon, kundi man reponsableng tugon, sa mga bagay.  Ikinakahon ng tensyon ang trabaho sa isang banda, at ang trabaho ang nakakapagkahon sa tensyon.  Para saan ka pa nagkaroon ng responsableng posisyon?

Uusad ang mundo, bawat araw sa opisina ay hakbang para sa pagpapalapit o pagpapalayo sa mga obhetibo.  Magtatagumpay, pero hindi parati.  Hindi ngayon.  At ngayon ko lang natutunan ito.  Na pati ang pagkatalo sa sariling tensyon ay isang maliit na tagumpay.  Kung paano ang trabaho ay dapat lang manatiling trabaho sa loob ng opisina.

Sa labas nito, ang mas malaking mundo na higit pang dapat pagtagumpayan.