Paano magdasal ang mga nasa kapangyarihan?

September 6, 2009

Sa ngalan ng ama, ng anak, at iba pang kamag-anak. Pareho kaya ang paraan ng pagdarasal at pagkakamal ng mga nasa kapangyarihan?

Para sa pamahalaan, ang Setyembre 12 (Sabado) ay National Day of Prayer for Peace and Sanctification of Spiritual Leaders. Hinihikayat ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang lahat na sama-samang magdasal. Sabi ni Macapagal-Arroyo sa wikang Ingles, “There is need to pray for grace for the sanctification of our spiritual leaders to enable them to inspire and set a compassionate and moral leadership among our people.”

Halos kasabay ng panawagang ito ay ang pagpunta ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa isang spiritual retreat sa Zamboanga City para magnilay-nilay at magdasal hinggil sa desisyon niya kung tatakbo nga ba siyang Pangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo 2010.

Muli na namang pumasok ang isyu ng pagdarasal nang sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na ito ang ginagawa ni Macapagal-Arroyo kung siya ay nalulungkot dahil sa kanyang mababang performance and trust ratings.

Sa ginawa kasing sarbey ng Pulse Asia mula Hulyo 28 hanggang Agosto 10, 23 porsiyento lang ng respondent ang aprubado sa ginagawa ng Pangulo samantalang 43 porsiyento ang hindi aprubado. Kung masama ang kanyang performance rating, ganito rin ang kaso sa kanyang trust ratings: 21 porsiyento lang ang nagtitiwala sa Pangulo at 42 porsiyento ang may maliit o walang tiwala sa kanya.

Hindi ko alam kung maniniwala ako sa pahayag ni Remonde sa midya tungkol kay Macapagal-Arroyo: “She finds strength and solace in her very strong faith as a person. As we all know, the President is a very prayerful person. She attends Mass and makes confession every day.”

Dahil nag-aral ako sa isang Katolikong eskuwelahan mula elementarya hanggang hayskul, naranasan ko ang araw-araw na pagpunta sa misa tuwing umaga. Sa katunayan nga’y naging sakristan ako at miyembro ng choir ng simbahan sa mahabang panahon ng aking kabataan. Naikintal sa utak namin ang pangangailangang magsimba (kahit hindi araw ng Linggo) para hindi makalimutan ang mga turo ng simbahan.

Pero ibang usapin ang pagkukumpisal. Sa aking pagkakaalala, ang mga pari sa aming eskuwelahan noon ay nagsasagawa ng kumpisalan ngunit hindi nila araw-araw na ginagawa ito. Wala naman kasing praktikal na pangangailangan para gawing araw-araw ang pangungumpisal namin. Unang una, maeengganyo lang kaming lahat na magkaroon ng mabigat na kasalanan (tulad ng pananakit ng kapwa) para may maikumpisal kinabukasan.

At sa puntong ito, nais kong tanungin ang mga nasa kapangyarihan: Anong klaseng tao ang kailangang mangumpisal araw-araw? Bakit tila napakaraming kasalanang kailangang idulog sa kinikilalang diyos? Nauubos kaya ang buong umaga ng Pangulo sa pagpepenitensiya? Dahil ang bilang ng kailangang dasalin ay depende sa bigat ng mga kasalanan, ilang beses kaya siyang pinagsabihan ng pari na magdasal ng ”Ama Namin” at ”Aba Ginoong Maria”?

Kung gusto mong alamin kung bakit sadlak sa anomalya, iskandalo at maraming kontrobersiya ang ating pamahalaan, posible yatang maiuugat ang mga ito sa araw-araw na pangungumpisal ng Pangulo. Patuloy na nililinis kasi ang kanyang konsensiya dahil sa araw-araw na pag-amin ng kasalanan sa paring nakikinig sa kanya.

Mainam sanang bukas na aminin ng Pangulo ang kanyang kasalanan hindi lang sa isang pari kundi sa buong sambayanan. Pero sobra-sobra naman ang ating inaasahan sa kanya.

Imposibleng mangyari ito dahil ang pagtingin ng mga nasa kapangyarihan ay sila lang ang tama. Nasa kanila ang karapatang magkasala at may pagtingin silang nasa panig nila ang diyos sa kabila ng tiwali nilang gawain.

Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ni Deputy National Security Adviser Luis “Chavit” Singson na amining sinaktan niya ang kanyang dating kinakasama at ang kasalukuyang kasintahan nito. Dagdag pa niya, “Mabait tayo, hindi ko sila pinatay. Huling-huli ko nga.”