Eleksiyon at pagbabago

September 14, 2009

Gusto mo ng pagbabago? Ganoon din ako.

May plano ka bang bumoto ngayong Mayo 2010? Kung ang sagot mo’y oo, mainam dahil pareho tayo.

Alam nating isa lang ang boto natin kaya hindi dapat masayang ito. Kailangan ang maingat na pagpili sa mga kandidatong tatakbo sa darating na eleksiyon, lalo na sa posisyon ng Pangulo.

Pero paano na lang kung magpapatuloy ang kasalukuyang sitwasyon? Marami ngang gustong tumakbo bilang Pangulo, pero sa kabila ng unti-unting pag-ikli ng listahan ng mga interesado, wala ka pa ring mapili kahit isa.

Nasa administrasyon man o oposisyon, kapansin-pansin ang pagkakapareho ng kanilang pang-ekonomiyang katayuan sa buhay. Ito ay pangunahing indikasyon ng maka-uring interes na handa nilang itaguyod at ipaglaban. Ano kaya ang mangyayari kung isa sa kanila ay maging Pangulo?

Puwede mong sabihing mabango sa kasalukuyan ang pangalang Sen. Noynoy Aquino (Liberal Party), pero hindi naman tayo bumoboto batay sa apelyido o mayamang angkang pinanggalingan. Kung gusto mong malaman, ang kanyang net worth ay P14 Milyon. Mahal man ng maraming Pilipino ang kanyang magulang, ano ba ang kanyang nagawa sa kanyang 11 taon sa Kamara de Representante at sa Senado?

Oo nga’t walang bahid ng anomalya sa kanyang panunungkulan bilang opisyal, pero hindi ba’t malaking lamat sa mga pamilyang Cojuangco at Aquino ang hindi pagpapailalim ng Hacienda Luisita sa Tarlac sa repormang agraryo, gayundin ang patuloy na eksploytasyon sa mga magsasaka’t manggagawang bukid doon?

Gayundin ang kaso ng bilyonaryong si Sen. Manny Villar (Nacionalista Party) na kasalukuyang nangunguna sa mga survey. Hindi pa natin alam kung totoo ngang nakinabang siya sa kontrobersiyal na C-5 extension road project dahil sa dalawang beses na paglalagay ng halagang P200 Milyon sa pambansang badyet. Sa kabila ng kanyang paliwanag na ramdam niya ang kalagayan ng mahihirap dahil nanggaling siya rito, may dahilan pa rin para pagdudahan ang kanyang intensiyon. Unang una, siya ang pinakamayamang miyembro ng Kamara (1992-2001) at Senado (2001-2008) dahil ang kanyang net worth na P1.05 Bilyon.

Sabi ni Villar, ang kanyang pagyaman ay bunga ng kanyang sipag at tiyaga, dalawang salitang matagumpay niyang ginamit sa kanyang mga elektoral na kampanya. Anong klaseng “sipag at tiyaga” kaya ang ginawa niya nang ang kanyang net worth ay tumalon mula P355,852,367.62 noong 2001 papuntang P1,046,651,683 noong 2008? Aba, nangangahulugan ito ng 194 porsiyentong pagtaas sa loob lamang ng walong taon. Saan kaya niya nakuha ang average na taunang kitang P86,349,914.42 mula 2001 hanggang 2008? Katwiran niya sa isang pahayag sa midya noong Mayo 2009, wala na raw negosyo ang karamihan sa mga opisyal ng gobyerno, hindi tulad niya. Hindi ba’t kailangan ang divestment sa anumang negosyo kapag ikaw ay nanunungkulan para maiwasan ang anumang nagtutunggaling interes? Paano kaya siya yumaman kung ipinasa niya sa iba ang pamamahala ng kanyang mga negosyo, lalo na sa real estate? Paano niya maipapaliwanag ang katotohanang naging bilyonaryo siya habang siya ay nasa kapangyarihan? Ano pa kaya ang mangyayari sa net worth ni Villar kung siya ay maging Pangulo?

Sa bahagi naman ng partidong Nationalist People’s Coalition (NPC), hindi pa malinaw kung ang magiging standard bearer ay si Sen. Chiz Escudero o Loren Legarda. Si Escudero ay may net worth na P7.68 Milyon samantalang ang kay Legarda ay P45.59 Milyon. Hindi man sila kasing-yaman ni Villar, malinaw pa rin ang uring kinabibilangan at malamang na unang-unang itataguyod at ipaglalaban. Sa kabila ng kanilang mga pahayag na sila ay para sa mahirap, mainam na pag-aralan kung ano ang mga aktwal na nagawa nila sa Senado (at maging sa Kamara [1998-2007], sa kaso ni Escudero) bukod sa madalas na pagsasalita tungkol sa mga isyu sa harap ng kamera.

Ayon sa opisyal na website ng Senado, si Legarda – sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan – ay naging awtor o kasamang awtor ng 291 panukalang batas at 124 resolusyon. Batay naman sa datos na nasa kanyang website, si Escudero ay awtor ng 195 panukalang batas at 13 resolusyon sa Senado mula 2007 hanggang sa kasalukuyan. Alam nating hindi lang ito usapin ng bilang ng mga inihaing panukalang batas at resolusyon. Mainam na suriin kung sila ba ay naghain ng mga panukalang batas na pinoprotektahan ang mahihirap kahit na ang mga ito’y sumasagasa sa kanilang pang-ekonomiyang interes.

Kung ang usapin ng pagtataguyod ng pansarili’t maka-uring interes ay tinatanong kina Aquino, Villar, Escudero at Legarda, dapat ding itanong ito kay Sen. Jamby Madrigal na ikalawang pinakamayaman sa Senado bunga ng kanyang net worth na P145.62 Milyon. Marami rin siyang inihaing panukalang batas, at dalawa sa mga ito ay kapuri-puri’t progresibo sa aking palagay – ang pagbabasura ng dalawang mapanupil na batas: Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 (Senate Bill No. 21) at Human Security Act of 2007 (SBN 23).

Pero bago natin ibato ang ating suporta sa kanya, hindi ba’t nararapat lang na busisiin ang iba pang panukalang batas na inihain niya at ang paggamit niya ng kanyang kapangyarihan para mapabuti ang kalagayan ng mahihirap? Halimbawa, ang kanyang napakaraming pakikipag-away sa iba pang senador at opisyal ng pamahalaan ay bunga ba ng kanyang sinserong pagkilos para sa pagbabago o para lang magpabango sa masa? Maaasahan ba natin ang kanyang patuloy na paninindigan laban sa iba pang kontra-mamamayang kasunduan tulad ng RP-US Visiting Forces Agreement (VFA) at Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA)? Magiging malinaw lang ang sagot sa pagsusuri sa kanyang mga nagawa noon at sa kanyang plataporma ng gobyerno na malalaman natin sa hinaharap.

Si dating Pangulong Joseph Estrada ay sinabing may planong tumakbong muli dahil hindi niya natapos ang kanyang termino. Matatandaang pinatalsik na siya noon pang 2001 dahil sa alegasyon ng korupsyon at iba pang porma ng pang-aabuso sa puwesto. Walang dahilan ang mga kritikal na mamamayang suportahan siyang muli.

Sa bahagi ng mga maka-administrasyong kandidato para Pangulo (sa ilalim ng pinagsamang Lakas-Kampi-CMD), hindi na rin kailangan ang mahabang paliwanag kung bakit hindi sila dapat suportahan. Ang tatlong posibleng kandidato – Bise Presidente Noli de Castro, Defense Secretary Gilbert Teodoro at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chair Bayani Fernando – ay inaasahang ipagpapatuloy ang mga programa’t polisiya ni Gloria Macapagal-Arroyo. Bukod pa rito, malaki ang posibilidad na magiging protektado ang pamilyang Arroyo at ang mga kasabwat sa anumang litigasyong mangyayari bunga ng siyam na taong panunungkulan ni Macapagal-Arroyo na sadlak sa anomalya at iskandalo.

Tulad ng mga kandidato sa oposisyon, sina De Castro, Teodoro at Fernando ay nabibilang sa mayayamang angkan sa Pilipinas. Ang net worth ni De Castro ay P54 Milyon. Ang net worth nina Teodoro at Fernando mismo ay wala pa sa Internet, pero ang net worth ng kanilang asawa ay P232.4 Milyon (Rep. Monica Prieto-Teodoro) at P178.5 Milyon (Marikina Mayor Ma. Lourdes Fernando).

Anong klaseng pagbabago ang inaasahan natin sa sitwasyong maka-administrasyon man o maka-oposisyon, pare-parehong mukha ang nakikita natin, at paulit-ulit lang ang mga apelyidong sinusulat sa balota? Ayon sa mga eksperto, hindi na nakakagulat na ang mga tumatakbo sa eleksyon ay mula sa mayayamang angkan dahil mahal magpatakbo ng kampanya. Halimbawa, tinatayang kinakailangan ng P1 Bilyon ang isang kandidato para Pangulo para makapagkampanya sa buong bansa, at siyempre’y walang garantiya ng pagkapanalo.

Pilit na isinasakonteksto ang korupsiyon sa kagustuhan ng mga nasa kapangyarihang mabawi ang anumang ginastos nila sa kampanya. Dahil sa ganitong kalakaran, tinitingnang “matino” ang isang nanalong kandidato kung ang hangarin lang niya ay mabawi ang ginastos at hindi magpayaman. Sa madaling salita, sinusuri ang mga kandidato hindi dahil sa kanilang busilak na hangarin kundi sa kung sino ang magiging “mas matinong magnanakaw” ng kaban ng bayan.

Hindi po tayo naghahanap ng perpektong kandidato, at alam nating lahat sila’y may kalakasan at kahinaan. Pero hindi nararapat na pababain natin ang ating pamantayan sa pagpili ng mga kandidato.

Ano ang mangyayari kung sa pagsusuri ng kanilang mga nagawa’t plataporma ay walang umabot sa ating mataas na pamantayan? Tandaan nating nasa atin ang desisyon kung hindi tayo pipili ng sinumang magiging Pangulo sa ating balota (isang bagay na aaminin kong ilang beses ko nang ginawa ko sa ilang nagdaang halalan).

Kung sakaling may mapili tayong karapat-dapat ng ating boto, kailangan ding isa-isip na hindi ito nangangahulugan ng todo-suportang pagsang-ayon sa lahat ng mga polisiya’t programa kung sakaling ang ating kandidato ay manalo.

Ang pagbabantay sa kanyang pag-upo sa puwesto ay kailangang mangyari para masigurong hindi sayang ang ating boto. Ang paniningil sa anumang mga ipinangako niya noong kampanya ay magpapatuloy hangga’t hindi niya naibibigay ang mga ito.

At kung sakaling maging tiwali ang kanyang gawi, hindi tayo dapat magdalawang-isip na muling manawagan ng kanyang pagpapatalsik tulad sa kaso nina Estrada at Macapagal-Arroyo.

Sinasabing ang pagbabago ay nagmumula sa ating sarili. May bahid ng katotohanan ito, dahil kailangan nating iwaksi ang ating maling pagtinging ang eleksyon ay magiging solusyon sa mga problema ng ating bayan. Tandaan nating walang garantiya ng makabuluhang pagbabago sa simpleng pagpapalit lang ng liderato.

Mahalaga ang eleksyon sa 2010, pero ang ating pagkilos para sa pagbabago ay kailangang magpatuloy sa pagpapalit ng administrasyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.