SONA: Hudyat ng mas maigting na paglaban


Maaaninag na hindi banayad kundi hitik sa labanan ang daan patungo sa pagpapalit ng lider ng bansa. Ngunit hindi mga pulitikong nag-aambisyong maging pangulo ang pangunahing nagtutunggali. Ang pangunahing tunggalian ay sa pagitan ng kapit-tuko sa puwestong si Gloria Arroyo at namumuhing sambayanan.

sona-editorial-cartoon

Maaaninag, ngayon pa lang, na hindi banayad kundi hitik sa labanan ang daan patungo sa pagpapalit ng lider ng bansa.

Kakaiba ang panahong ito. Napipinto ang pagtatapos ng termino ng isang pangulo at pagsapit ng pambansang halalan. Ngunit hindi ang mga pulitikong nag-aambisyong maging pangulo ang pangunahing nagtutunggali. Ang pangunahing tunggalian ay sa pagitan ng kapit-tuko sa puwestong si Gloria Arroyo at ng namumuhing sambayanang Pilipino.

Mahigit walong taong namuno si Arroyo sa pamamagitan ng pandaraya, pangungurakot, at panunupil. Mahigit walong taon siyang nagpatupad ng mga polisiyang lalong ikinahirap ng mga mamamayan, naglingkod sa mga negosyante’t dayuhan, at nag-angat sa pribilehiyo ng sariling pamilya’t alipores sa gobyerno. Patung-patong na, simula 2001, ang mga kasalanan niya – matitinding krimen kung ituturing. Pero sa halip na mapatalsik at makalaboso, heto siya’t magbibigay ng State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27.

May malinaw na kahulugan ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso at Senado: Ito ang hudyat para maisakatuparan, sa isang pangmalakasang paraan, ang disenyong inilatag ni Arroyo, simula 2005, para manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagbago sa Konstitusyon. Nakaumang ang pagpapatawag ng isang Constituent Assembly (Con-Ass) dahil sa House Resolution 1109 na ipinasa ng taksil na mga kongresista noong Hunyo at hindi pa rin iniaatras. Sa Con-Ass, posible ang lahat, maging ang desperadong taktika ni Arroyo na tumakbong kongresista at mahalal na punong ministro sa ilalim ng bagong anyo ng gobyerno.

Pero lumilitaw na may mas desperado pang disenyo si Arroyo: Higit kailanman ngayon siya pinakanatutuksong magdeklara ng batas militar.

Noon pa man, umiiral na ang mala-diktadura. Mula sa sistematikong pagpuntirya sa mga aktibista (Oplan Bantay Laya) hanggang sa pagwawasiwas ng emergency rule (Presidential Proclamation 1017), hindi kailanman nakatikim ng totoong demokrasya ang mga mamamayan sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Ngayon, patapos na ang mandato ng pangulo – opisyal o peke man itong matatawag. Paubos nang paubos ang mga barahang natitira sa kanya.

Kung hindi maipupuwersa ang Con-Ass dahil sa popular na pagtutol at legal na mga balakid, hindi malayong pumaimbulog ang totoong mukha ng puwersa’t kapangyarihan na sinasandigan ng isang Estado: ang puwersa at kapangyarihang militar.

Masasabing trahedya para sa mga mamamayan na umabot pa sa ika-siyam na SONA ang Pangulo. Pero sa kabila nito, maraming tagumpay na ang nakamit ng mahabang pakikibakang anti-Arroyo.

Sa kabila ng lahat ng panlilinlang, paninindak, at tahasang pandarahas ng gobyerno, mahigit walong taong nagmulat, nag-organisa, at nagpakilos ang mga api at maralita para itaguyod ang interes ng kani-kanyang sektor at ng bayan. Kung paanong sistematikong kumumpas si Arroyo – at ang kasabwat niyang mga pulitiko, negosyante, at dayuhang kapangyarihan – para patindihin ang kawalan ng hustiya’t pagkakapantay-pantay sa lipunan, ganoon din naman ito kolektibong nilabanan ng mga mamamayan.

Sila – ang mga mamamayan – lang ang may sapat na lawak, lakas, at paninindigan na biguin ang isang pangulo na sariling kaligtasan ang tanging iniisip. Sila lang ang makakapagpatalsik sa puwesto ng isang pangulo na siya ngayong pinakamalaking balakid sa pangarap na pambansang kalayaan at demokrasya, o kahit man lang sa pagkakataong makalaya sa labis na pagpapahirap at kahihiyang bunsod ng kanyang panunungkulan.

Sila lang ang makakapagtiyak na ang darating na SONA ang pinakahuli ni Arroyo – at mapagtatagumpayan ang inaasahang pag-igting ng mga labanan para sa kinabukasan ng bayan pagkatapos na pagkatapos nito.