Pasintabi

Pagkain bilang diskursong estado


Alanganin naman raw pakainin ang presidente ng republika sa isang hotdog stand sa New York City?  Ito ang isa sa mga sagot ng spin doctors ni Gloria Arroyo hinggil sa kaso ng $20,000 hapunan ng kanyang grupo sa mamahaling Le Cirque.  Rasyonal ang paliwanag.  Kahit pa nga bagong yabang naman ni Joseph Estrada ay sa […]

Alanganin naman raw pakainin ang presidente ng republika sa isang hotdog stand sa New York City?  Ito ang isa sa mga sagot ng spin doctors ni Gloria Arroyo hinggil sa kaso ng $20,000 hapunan ng kanyang grupo sa mamahaling Le Cirque.  Rasyonal ang paliwanag.  Kahit pa nga bagong yabang naman ni Joseph Estrada ay sa McDonald’s lang sila kumain nang sila naman ang nagbiyahe sa U.S.

Matapos magmaan-maangan ng pinagpasahan nina Arroyo ng pag-ako sa bill, mabilis namang inako ng isa pang tauhan ang pagbabayad ng sumunod pang $15,000 na steak dinner sa Washington, D.C.  At hanggang ngayon ay hindi pa rin nagso-sorry ang Malacanang, tulad ng paghingi ng paumanhin ni Arroyo sa pagtawag kay Garci.  Perfect sana ang rason na “It was an error in judgment.”

Pero hindi nanghihingi ng paumanhin ang mga nasa poder ng kapangyarihan para sa kanilang pagkain.  Habang unti-unting bumabagsak ang diktadurya, sina Marcos ay nag-party, kasama ng kanilang dayuhang bisita, Blue Ladies ni Imelda, at cronies ni Ferdinand, na parang walang katapusan ang mundo.  Habang peligroso pa rin ang kondisyon ng unang republika, fine French cuisine ang inihapag ni Emilio Aguinaldo sa kanyang mga bisita.

Sa katunayan, tunay na nasa ivory tower ang pagkalasing ng nasa kapangyarihan.  Hindi nga ba’t walang muwang si Marie Antoinette nang nagtataka ito sa kaguluhan ng mga tao sa gate ng palasyo Versailles?  Na ang tangi nitong naiutos sa kanyang ministro ay “Let them eat cake.”  Yon lang naman pala ang rason, ang kawalan ng makain, kaya ipakain ang tira-tira ng palasyo.

Ang hindi isinasaad ng “kabusugan” at “karangyaan sa pagkain” ang hindi nito ganap na panunumbas sa “kagutuman.”  Ano ang kabaligtaran ng kabusugan, na may makauring katangian?  Wala akong maisip kundi “kabundatan,” “kaimpatsohan” at “masuka-sukang pakiramdam sa tiyan.”  Pero hindi nga ito sapat.  Na maaring magpahiwatig na sa kosmolohiya ng ating wikang Filipino, wala dapat nakararanas ng lampas sa kasalatan ng iba, pagdating sa pagkain.

Kaya nga ang mitolohiya ng pagkain sa U.S. na lahat ay malalaki ang servings—na ginamit pa ni Arroyo bilang paliwanag na nag-share naman daw ang mga kababaihan ng partido nila dahil sa kalakihan ng food servings—ay tunay na kasindakan sa mga Filipino na nakatungo na roon.  Masayang karangyaan para sa kondisyon ng paratihang kasalatan.

Na ang ginagawa nina Arroyo ay hindi naman talaga hindi ginagawa ng iba pang mamamayang napadpad sa U.S.  Kung ang iba ay sa TGIF at Chili’s, o iba pang mas murang fastfood nagpapabutod at naisasabuhay ang American dream, sina Arroyo ay sa mamahaling restaurant.  Dahil siya ang presidente ng kasalukuyang estado.  Dahil nasanay na niyang hindi magpaliwanag sa kanyang walang patlang na pagdaloy ng skandalo at kontrobersya.
Kung mayroon mang problema, ito ay ang simpleng lack of coordination ng presidente at kanyang spin doctors.  Hindi dahil imoral at iligal na masama ang kanilang aksyon at pamamayani sa kapangyarihan.  Sa orihinaryong akto ng pagkaluklok at pananatili ni Arroyo sa kapangyarihan, walang masama rito, walang ginawang masama kahit puro astang kasamaan, at sumama na ang relasyon nito sa mismong mamamayan.

Ito ang senaryong “having your cake and eating it, too,” na pahiwatig sa tila nagagawa ni Arroyo ang kalakhan ng gusto niyang gawin—mangurakot, mandarambong, magtagumpay sa mga alingasngas, at muli’t muling makapaghari.  “Arroyo fatigue” o kapaguran ang tugon ng marami:  patapusin na lamang, at mapapalitan lang naman ito.  Kaya naman nakakapagbalak pa ng extensyon sa kanyang termino ng panunungkulan.

Ang pagkain ay hindi lang naman simpleng akto ng pagkain.  Kasama rin dito ang kasarian sa paghahanda ng pagkain, uri ng pagkaing maihahapag sa mesa, uri ng pamatid-gutom, at iba pa.  Na payo nina Arroyo, mag-fasting nang maramdaman ang kagutuman ng higit na nakararami.  Na pantukoy sa akto ng relasyong pang-administrasyon nito:  hanggang afekto at dating lang ang ugnayan sa mamamayan ng estado, nakikigutom kahit bundat naman sa pagkain at kapangyarihan.

Maraming una si Arroyo—unang may Ph.D. na presidente, unang nagpa-breast implant na pangulo sa panahong di pa uso sina Belo at Calayan, unang natunghayan ng mamamayan ang mga inorder na pagkaing nagpabondat sa kanyang tiyan.  At ang politika ng pagkain ang isa na naman sa mahabang listahan ng skandalo na tumitiktik sa poder ng kapangyarihan ni Arroyo.

Kaya napakahalagang magkaroon ng kalampag-gutom na pagkilos sa panahong ito.  Kalampagin ang mga walang laman ng kaldero at pantakip ng mga kutsara at sandok, na ang tunog ay magpaalaala sa napakatingkad ng kaibahan ng estadong nagpaparaya sa steak at alak, samantalang ang mayorya ng mamamayan ay gutom, kundi man hirap na makakain ng normal kada araw.