Pasintabi

Nawawala nga ba ang umaalis na mga kasama?


Kamakailan ay tatlong mga guro at kasama ang nagbiyahe sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Matagal silang mawawala, mula walong buwan hanggang ilang taon. Pawang pag-aaral at pananaliksik ang kanilang pagtutuunan ng pansin sa ibang bansa. May nagtanong kung di ba ako nalulungkot sa pag-alis ng mga kaibigan. At mabilis akong sumagot na hindi. Ito […]

Kamakailan ay tatlong mga guro at kasama ang nagbiyahe sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Matagal silang mawawala, mula walong buwan hanggang ilang taon. Pawang pag-aaral at pananaliksik ang kanilang pagtutuunan ng pansin sa ibang bansa.

May nagtanong kung di ba ako nalulungkot sa pag-alis ng mga kaibigan. At mabilis akong sumagot na hindi. Ito naman ang siklo ng buhay bilang guro, na paratihan ang pag-alis. At kung gayon, paratihan din ang pagbabalik. Ito ang madalas ding mabanggit na impresyon ng mga skeptikong tao sa mga skolar—na sa mga umalis na hindi bumalik, na may kabawasan sa kakayahang makapaglingkod sa bayan.

Natitiyak kong hindi kabilang dito ang tatlong kaguro. Matagal na silang pinanday ng pakikibaka, at tunay na kabit na ng kanilang bituka ang pakikibaka. Ngayon lahat na sila ay nakaalis, para ngang may kabawasan sa dating samahan. Nawala na si Nerve, ang pinakabago kong kakilala. Si Johnatan ay hindi pa nagpaparamdam sa kanyang lugar sa Compostela sa Espana. At si Bomen ay humayo na patungong Indonesia.

May kabawasan dahil tatlo silang haligi na temporal na nawala, nagpapatibay sa ibang lugar. Na tulad nga ng sinabi, ang mga kasama ay parang buto na magbibinhi sa kahit saang lugar; parang binhi na yayabong sa ibang lugar. Si Nerve ay sinalo ng solidarity group sa Bay Area. At kung may Migrante lamang at iba pang grupo sa mga pinuntahan ni Johnatan at Bomen, tiyak kong magiging bahagi sila nito.

Napaisip akong mainam din itong break, hindi sa pagkilos, kundi sa partikular na paligid na kinalakhan. Kahit sumahol pa sa hypochondriac si Johnatan, tumaas ang anxiedad ng pag-alis; kahit pa si Nerve ay kumatok sa kung saan-saang pinto sa paglilikom ng pondo para sa kanyang biyahe; o si Bomen na pinag-pingpong sa pagbabalik sa embahada ng Indonesia, may kagalakan din sa paglisan.

Hindi naman talaga umaalis ang mga kasama. Hindi sila nawawala kapag lumisan. Kung tunay silang kasama, may mahalaga na silang naambag sa kilusan. Napayaman na ng kanilang paglahok ang kanilang kinasapian. Napayaman na sila ng pakikisangkot. Na kahit nasaan man sila, hindi na mabubura ang kilusan sa kanilang buhay, at ang kanilang buhay sa kilusan.

Kagabi, nagkatotoo ang pinaghihinalaan kong mangyari. Matapos mapaayos ang fuel pump at compressor noong Huwebes, nang ginagamit ko ito ay biglang may pagkakataong kumakalog ang makina kapag nahinto o nag-aabang. Kahapon ay nagpunta ako sa GMA, Cavite, na tunay namang biyahe mula sa kasagsagan ng Fairview, ang aking tirahan.

Masaya ang buong araw dahil may effort na hindi mambwisit ang mga kapamilya sa isa’t isa. Dumating ang asawang nurse ng isa kong kapatid, at naging daan para muling mag-usap ang nagkasamaan ng loob na kapatid kong lalake at panganay niyang bagong-lipat sa unit na malapit sa call center na pinagtratrabahuan. Birthday nitong panganay, kasama ng sumunod na lalake. Parehong nurse ang dalawa.

Yung isa pang may kaarawan sa buwan ng Agosto ay ang bayaw ko, ang host ng okasyon. Potluck pero sobra-sobra ang handang dala. At matapos ng ilang basong gin at lemonade juice, at matapos ay washing ng beer, nagpahinga lang sandali bago humangos na sa trafik pabalik ng Maynila.

Sa South Expressway, sa kasagsagan ng trafik pabawas ng lanes sa ginagawang ikalawang yugto ng Skyway, biglang wala nang kasa ang tapak ko sa gas. Kumaway ako sa nakadikit na sasakyan sa likod, at nang tangkain ko muling tapakan ay nakita ko ang dalawang pahinante ng truck sa likod na tinutulungan nang itulak ang sasakyan ko sa gilid.

Pero maging ang pinakakanang lane na para sa nasirang sasakyan ay ginagamit na rin. Tinulungan din ako ng dalawa pang lalakeng huminto ang sasakyan para maibalik sa kalsada ang kotse. Dumating ang tow na truck, at matapos takdaan ng presyo, hindi nagpatawad, ay binatak na ang kotse palabas sa Alabang exit. Kung dadalhin sa Fairview para ibalik sa talyer, sinisingil ako ng 10 libo.

Tinulungan din ako ng pamilya ko. Yung host ay handang magmaneho patungong expressway para tumulong. Yung panganay ay nasa likod ko buong biyahe ng towing, at matapos ay inihatid ako sa Crossing para makasakay pauwi ng Fairview.

Sa panahon ng matinding anxiedad at aktwal na personal na kalamidad, mga pamilya at kasama lang ang tunay na makakapiling. Sa hiwaga ng texting at teknolohiya, nandiyan pa rin sila, kahit araw-araw man ay wala. Kapiling kahit hindi naman. Kaisa sa buhay at kilusan. Kasama ang pamilya, kapamilya ang kasama. Kaya ang pag-iisa ay pinipiling estado ng individual. Dahil nga ang anino ng kolektibo ng pamilya at kasama ay nariyan din, kahit sa piniling pag-iisa.