Hinahamon kita, Carlo J. Caparas!

August 30, 2009

Hinirang ka ng mga nasa kapangyarihan, pero hinarang ka ng maraming galit na mamamayan.

Mas pinili kong hamunin kaysa batiin ka sa pagkakasingit ng pangalan mo sa listahan ng mga tatanghaling Pambansang Alagad ng Sining (National Artist). Huwag ka na ring magulat kung isa ako sa maraming natuwa nang magbigay ng status quo order ang Korte Supreme na pumigil sa paggawad ng titulo sa iyo, kasama ang tatlo pang indibidwal (Cecile Guidote-Alvarez, Francisco ”Bobby” Mañosa at Jose ”Pitoy” Moreno) na pinili lang ng Malakanyang na gawaran ng pinakamataas na karangalan ng bansa.

Sa loob ng napakahabang panahon, inisip kong kailangan mong maging dalubhasa sa iyong larangan para tanghalin kang Pambansang Alagad ng Sining. Ito ay pagkilala sa iyong kontribusyon sa pagpapaunlad ng kultura ng bansa. Dahil dito, inakala kong kailangang may mataas na kalidad ang lahat ng mga obra para pumasa sa mataas na pamantayan ng iba pang respetadong kasamahan sa napili mong larangan.

Mali pala ako. Sabi mo kasi, Ginoong Carlo J. Caparas (hinirang ng Malakanyang na National Artist for Visual Arts and Film), may pagkakaiba ang “national artist” sa “sectoral artist.” Ayon sa iyo, mayroon daw mga nahirang na National Artist noon na hindi kasing-sikat mo at kilala lang sa maliit na sirkulo ng mga tao. Angat ka raw sa iba dahil kilala ka sa buong Pilipinas.

Sa ganitong konteksto mo ipinaliwanag kung bakit hindi ka pumasa nang dalawang beses sa masusing proseso ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Puro elitista raw kasi sila. Para sa iyo, ang mahalaga’y nakuha mo ang suporta ng Malakanyang, lalo na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ikinampanya mo noong 2004 at nagbigay sa iyo ng Presidential Medal of Merit noong 2007.

Wala namang debate sa kasikatan mo, at aaminin kong lumaki akong binabasa ang ilan sa 800 nobelang pangkomiks na sinulat mo. Bago pa man isinapelikula ang Totoy Bato at Ang Panday, sinubaybayan ko na ang mga ito sa komiks. Noong nasa elementarya pa ako, napabilib ako noong nabasa ko sa isang interbyu mo na kaya mong magsulat ng mahigit 20 iskrip sa isang upuan lang.

Pero nang maranasan kong magsulat para sa komiks (na isa sa maraming gawain noong nasa IBON Foundation pa ako), napansin kong makakaya ngang gawin ang maramihang pagsusulat sa loob ng isang araw (o kahit sa isang upuan). Mga lima o anim na frames lang kasi ang normal na nilalaman ng isang pahina, at ang mga dayalogo sa bawat frame ay kailangang gumamit lang ng kakaunting salita. Basta’t malinaw ang iyong paksa, kaya mong ipaliwanag ang dapat na idrowing ng dibuhista sa mga frame at alam mo ang takbo ng istorya sa loob ng tatlo o limang pahina, kayang-kaya ng isang matiyagang manunulat ang pagsusulat sa komiks.

Sa kabila ng mahalagang puntong ito, nakakabilib pa rin ang 800 naisulat mong nobelang pangkomiks at walang debate sa iyong sipag sa pagsusulat. Oo, ikaw nga ang nagsulat, pero ang isyung ilang ulit na ibinato sa iyo ay kung ikaw ba ang nagdibuho ng karamihan sa mga ito.

Lumalabas na ang sagot ay hindi. Ayon sa manunulat at ilustrador ng komiks na si Gerry Alanguilan, ang mga sumusunod ay nagdibuho sa mga akdang nakilala ka: Steve Gan (Ang Panday at Pieta), Nestor Malgapo (Anak ng Lupa), Mar Santana (Bakekang), Hal Santiago (Kroko) at Tor Infante (Totoy Bato).

Ang karangalang nais ibigay sa iyo ay para sa sining biswal (visual arts), hindi para sa literatura (literature) na kung saan maaaring isama ang pagsusulat para sa komiks. Hindi ko maubos-maisip kung bakit sinasabi mong karapat-dapat sa iyo ang parangal samantalang malinaw ang ebidensiyang wala kang dinibuho sa mga akdang nakilala ka.

Masyadong mababaw ang katwiran mong marunong kang magdrowing, at walang saysay ang ilang beses mong mabilisang pagdidibuho sa harap ng kamera para patunayan ang galing mo. Unang una, hindi ka naman binibigyan ng parangal sa kung anumang mabilis mong maidrowing sa harap ng kamera. Ang usapin dito ay ang kagalingan mo sa sining biswal batay sa mga nadibuho mo sa mga nakalipas na taon.

Ang katwiran mo, sobra-sobra naman ang hinihingi sa iyo kung aasahan ka pang magdibuho ng mga nobelang sinulat mo. Mas matagal magdibuho kaysa magsulat, at pinili mo raw ang huli. Simple lang ang argumento mo: Ang maramihang produksyon ng iskrip ay nangangahulugan ng mas malaking kita.

Ang isang Pambansang Alagad ng Sining ay dapat na nagbibigay ng positibong impluwensiya sa kabataan, lalo na sa mga nais maging artista ng bayan. Gusto mo bang ikintal sa isip ng mamamayan na ang pangunahing motibasyon sa pagsusulat ay kumita ng pera? Nasaan na ang paghuhubog at pagmumulat ng isipan?