Gusto mong kumain sa Le Cirque at Bobby Van’s?

August 14, 2009

Siguro’y pareho tayo ng naiisip tuwing natutunghayan natin sa midya ang mga pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng administrasyong Arroyo na sadyang nakakasira sa ating mapayapang hapunan (o kahit almusal at tanghalian, kung may pambili ka pa).

Sa bahagi ng mga nasa kapangyarihan, bakit kaya ipinagpipilitan nilang walang iregularidad sa mga bagay na ikinagagalit ng mamamayan?

Kahit na sabihing mataas ang antas ng pamumuhay sa mauunlad na bansa, maling-mali para sa Pangulo ng isang naghihirap na bansa na magpakabusog sa mga mamahaling kainan sa Estados Unidos, hindi lang isa kundi dalawang beses pa. Ayon sa mga nalathalang balita, ang kabuuang gastos sa pagkain ng delegasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Le Cirque (New York) at Bobby Van’s Steakhouse (Washington) ay umabot sa $35,000 o P1.7 milyon.

Kung pagbabatayan ang kanilang pahayag, walang kasalanan ang Pangulo dahil hindi naman niya ginastos ang pera ng gobyerno. Nilibre daw siya nina Leyte Rep. Martin Romualdez sa New York (bagama’t hindi pa malinaw kung siya nga ba talaga o ang arkitekto niyang kapatid) at Quezon Rep. Danilo Suarez sa Washington.

Para mapahupa ang pampublikong galit, sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na ang nangyari sa Le Cirque ay ”simpleng hapunan” lang. Ayon sa kanyang pahayag na inilabas ng midya noong Agosto 10, “What we had in New York was a simple, late night dinner because it was already late at night when we arrived there from Washington DC and, of course, we were all hungry.”

Sinuri ko ang menu ng Le Cirque na nakuha ko sa website nito (http://www.lecirque.com/pdf/dinner.pdf). Sa pamantayan ni Remonde,”simple” pala ang lugar na ang pinakamurang main course tuwing hapunan (chicken breast) ay nagkakahalaga ng $39 o P1,872. Ano kaya ang kinain niya? Kung dover sole, ito po ang pinakamahal na main course sa Le Cirque – $75 o P3,600.

Gusto mo bang matikman ang wild golden osetra caviar sa Le Cirque? Ang order na 1 oz. nito ay $280 o P13,440. Kung ganito ang kailangan mong bayaran, kaya mo pa kayang kunin ng ”Chef’s Tasting Menu” na $120 o P5,760 bawat tao? Ito ay binubuo ng kumamoto oyster, torchon of foie gras, wild burgundy escargot, black sea bass, duck breast, at gianduja chocolate ganache. Pumasa kaya ang mga ito sa pihikang panlasa ng mga nasa kapangyarihan?

Halos pareho rin ang sitwasyon sa Bobby Van’s (http://issuu.com/mairtin/docs/1201_ala_carte_dinner_menu; external link sa opisyal na website nitong http://www.bobbyvans.com). Alam mo bang ang ”Bobby Van’s Steakhouse Classics” ay may presyong mula $37.50 (Prime Filet Mignon) hanggang $42.50 (American Lamb Chops)? Baka magka-alta presyon ka kapag kinompyut mo ito sa piso – P1,800 hanggang P2,040 bawat order!

Sige na nga, simple lang pala ang mga pagkaing ito, kung paniniwalaan si Remonde. Habang ninanamnam ang sarap ng kanilang kinakain sa Estados Unidos, hindi kaya naisip nina Arroyo, Remonde at iba pang kasama nila na ang halagang nagastos nila ay puwedeng mapakinabangan sana ng libo-libong Pilipino?

Para sa mahihirap, puwede na ang kahit kanin at tuyo. Masasabi na ngang luho kung sasamahan pa ng maraming kamatis at toyo. Tama na ang tubig bilang panulak sa kakaunting kinain dahil ito lang ang libreng inumin sa mga karinderya’t turo-turo.

Tulad mo, napapailing na lang ako sa katwiran ni Deputy Presidential Spokesperson Anthony Golez: ”In their frenzy to score media points at the President’s expense, these critics will go so far as to demean and debase the office of the Presidency itself, not just its current occupant…They would now have us believe that the leader of our nation is somehow not good enough to be hosted in the best hotels, or chauffeured around town, whenever he or she travels abroad as the representative of one of the fifteen largest countries in the world.”

Matanong lang natin: Ano kaya ang nakakahiya kung makita ang isang opisyal ng gobyerno sa isang mumurahing kainan, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa? Kailangang isakonteksto ang isyu sa dalawang bagay. Una, hindi magandang tingnan na na ang Pangulo ng isang naghihirap na bansa ay nagpapakita ng luho. Ikalawa, kahit na sabihing walang ginastos na pondo ng gobyerno, hindi pa rin maiiwasang manghinayang ang isang responsable’t makataong lider sa sobra-sobrang perang itinapon.