Dukot: Pelikulang nakatali ang pusod sa hustisya


Pinaksa ng isang pelikula ang penomenon na pamilyar kung laman ng balita pero salat sa representasyon sa popular na kultura. Para dito pa lamang, dapat nang papurihan ang Dukot.

Allen Dizon bilang Junix, dinukot na kabataang aktibista (Dennis Evangelista)
Allen Dizon bilang Junix, dinukot na kabataang aktibista (Dennis Evangelista)

Pinaksa ng isang pelikula ang penomenon na pamilyar kung laman ng balita pero salat sa representasyon sa popular na kultura. Para dito pa lamang, dapat nang papurihan ang Dukot.

Kung tutuusin, matagal na itong inaabangan ng mga aktibista. Kailan nga ba huling nagkaroon ng isang pelikulang nangahas patingkarin sa mainstream ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at ang panunupil ng estado, ang nakakabit na dramatikong aspekto ng pakikibakang ito?

Dalawang dekada o mahigit na ang nakalipas simula noong itinanghal ang ngayo’y klasikong mga obra gaya ng Orapronobis ni Lino Brocka at Sister Stella L. ni Mike de Leon. Matagal-tagal na ring hindi nahahanapan ng lagusan sa industriya ng paggawa’t distribusyon ng pelikula ang istorya ng maliliit, inaapi, at lumalaban.

Batay sa reyalidad

Pangarap ng direktor na si Joel Lamangan na isapelikula ang karanasan ng mga desaparecido gaya nina Jonas Burgos, Karen Empeno, at Sherlyn Cadapan—mga mukha at pangalang naging malapit sa loob ng publiko dahil, puwede nating ipagpalagay, nakapupukaw ng imahinasyon at nakasisindi ng galit ang kapwa mga alam at hindi alam sa kanilang istorya ng pagkawala.

Talagang papangarapin ng sinumang kumikilala sa kapangyarihan ng pelikula ang posibleng dulot nitong magnipikasyon ng nananalatay nang simpatiya para sa mga biktima, at higit pa rito, na mas mataas na kamalayan sa dinadala nilang laban.

Kaisa sa layuning ito, mahigpit na kinatuwang ni Lamangan at ng manunulat na si Bonifacio Ilagan sa paggawa ng pelikula ang mga grupong aktibista na siyang balon ng mga kuwento’t karanasan sa pakikibaka. Bukod pa rito ang karanasan ng dalawang beteranong aktibista, partikular si Ilagan na ang sariling kapatid ay dinukot noong Martial Law.

Masasabing dito nagmumula ang pangunahing kalakasan ng pelikula. Walang nangyayari na malayo sa reyalidad, sa puntong gusto sanang ilagay ni Ilagan sa bungad na “nakabatay sa aktuwal na mga kaganapan ang istoryang ito.”

Matagal nang pangarap ng direktor na si Joel Lamangan na gumawa ng pelikula gaya ng Dukot. (Dennis Evangelista)
Matagal nang pangarap ng direktor na si Joel Lamangan na gumawa ng pelikula gaya ng Dukot. (Dennis Evangelista)

Dalawang magkasintahang aktibista sina Junix (Allen Dizon) at Maricel (Iza Calzado). Kagyat ang dating ng aksiyon, ng sentrong kaganapan ng istorya: ang pagdukot sa kanila ng armadong kalalakihan habang nakasakay sa isang pampasaherong dyip. Pagkatapos ay pagtatahi-tahiin na ng naratibo ang nakaraan (ang pinagmulan ng aktibismo ng bawat isa at ang pag-usbong ng kanilang pag-iibigan) at ang kasalukuyan (tampok ang paghahanap kina Junix at Maricel ng kanilang mga magulang at ang sasapitin nila sa kamay ng mga dumukot sa kanila).

Dahil sa ganitong pagkakaayos ng naratibo, natitimpla ang mabibigat at magagaang na punto ng istorya. Halimbawa, mula sa maaliwalas na eksena ng pakikipamuhay ni Junix sa mga magsasakang Aeta (may ikonikong kuha sa binata na mariing ipinapaliwanag ang pamilyar na tatsulok o ang hugis ng lipunang Pilipinong walang pagkakapantay-pantay) ay dadalhin ang manonood sa eksenang problemang malubha ng mga magulang ni Junix ang paghahanap sa kanya.

Kung uminog ang istorya ng naunang progresibong naratibong pelikula sa laban ng mga manggagawa at magsasaka, sa Dukot, mga kabataang estudyante ang bida. At bakit hindi? Mga kabataan din naman ang naghasik ng punla ng pambansa demokratikong pakikibaka noong dekada ’60, at nangunguna sa pinakamapangahas na mga kilos-protesta ngayon, sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Simple, epektibo

Sa buong pelikula, malinaw na relasyon ng ugat at bunga (cause and effect), gayundin ang linyang gumuguhit sa bida at kontrabida. Ang pagpapasakit na daraanan ng dalawang bida ay walang ibang inuugatan kundi ang kagustuhang pumanig sa mga inaapi at pinagsasamantalahan sa lipunan. Bunga nito, pipigilan ng tumatayong ahente ng mga nang-aapi at nagsasamantala ang pagpanig na ito.

Ito ang pinakasimple, pinakatotoo, at marahil pinakaepektibo para sa ordinaryong manonood na pagsasalarawan o pagbubuod sa usapin ng mga paglabag sa karapatang pantao. Nariyan din ang mga pampalito na inihahasik ng Estado—ang pamilyar na paratang, halimbawa, na miyembro ang isang aktibista ng New People’s Army (NPA). Pero inilalantad ito mismo ng Dukot bilang pampalito, at lagi’t laging ibinabalik ang atensiyon ng manonood sa kuwento ng dalawang bida, na isang kuwento ng kagitingan at pagkadalisay ng intensiyon sa gitna ng karahasan.

Nag-shooting sa Zambales para sa mga eksena ng pakikisalamuha ni Junix sa mga Aeta na magsasaka. (Dennis Evangelista)
Nag-shooting sa Zambales para sa mga eksena ng pakikisalamuha ni Junix sa mga Aeta na magsasaka. (Dennis Evangelista)

Malinis at halos walang komplikasyon ang karakter ni Junix na tila poster boy na aktibista. Minamahal siya ng kanyang mga kasamahan at ng kanyang pamilya, na nakabig niya ang suporta para sa mahirap na buhay na pinili. Masasabing malapit din naman sa totoo ang karakterisasyong ito dahil sa prosesong pinagdaanan ng isang aktibista, lalo ng mga peti-burges gaya ni Junix.

“Pagpapanibagong-hubog” ang termino nila rito. Hindi man naipakita sa pelikula ang transisyong ito na karaniwan para sa mga nagmula sa panggitnang-uri, nabanggit ng ina ni Junix na naging mabait at pasensyoso ang kanyang anak simula nang maging aktibista.

Kay Maricel nagmumula ang komplikasyon. Namulat dahil sa pagkakapatay ng kanyang ama sa isang welga, may angking mga sandali ng dedikasyon si Maricel sa kilusang estudyante, pero hindi ito nagtagal. Nagpasya siyang maglie-low para maitaguyod ang kanyang pamilya, at sinubok makipaghiwalay. Hindi siya nagtagumpay dahil sa ipinagsigawan ni Junix sa kalye na “habambuhay” na pagmamahal. (Malinaw na ipinakete bilang isang “nakakakilig” na sandali na kung hahanapin ng manonood na sanay sa komersiyal na pelikula ay hindi mabibigo)

Karaniwan din naman ang ganitong dilemma sa magkasintahang aktibista. Hindi lang maiwasang magtanong, bakit kaya ang babaeng karakter ang nagparaya? Maipagpapatawad ito kung ikokonsidera na kailangang may conflict para mas maging interesante ang istorya; na kung mayroong “hindi handa” sa sitwasyong kasasadlakan ng magkasintahan, mas katanggap-tanggap sa panlasa ng mainstream na manonood na ito ang babae kaysa sa lalaki; at minsa’y nagkakataon talagang nasa sitwasyong mas gipit ang aktibistang babae at wala pa sa sapat na kamulatan para mapangibabawan ito.