Husgahan Natin

Boluntaryong pagkilala sa unyon

Ang  boluntaryong  pagkilala ng manedsment sa isang union ay malaking tulong sa mga manggagawa. Hindi na nila kailangang  dumaan  sa masalimuot na proseso ng certification election upang makuha ang pagkilala ng manedsment.Maari na kaagad silang makipag-collective bargaining sa manedsment kapag boluntaryong kinilala nito  ang kanilang unyon. Ngunit may mga pagkakataon din na ang karapatang boluntaryong […]

Ang  boluntaryong  pagkilala ng manedsment sa isang union ay malaking tulong sa mga manggagawa. Hindi na nila kailangang  dumaan  sa masalimuot na proseso ng certification election upang makuha ang pagkilala ng manedsment.Maari na kaagad silang makipag-collective bargaining sa manedsment kapag boluntaryong kinilala nito  ang kanilang unyon.

Ngunit may mga pagkakataon din na ang karapatang boluntaryong kumilala  sa isang unyon ay maaring gamitin ng manedsment  upang biguin ang tinig  ng mga manggagawa. Nangyayari ito kapag ang  unyon na ginawaran ng voluntary recognition ng manedsment  ay hindi suportado ng mga manggagawa.

Ganito ang nangyari sa kasong  “Sta. Lucia East Commercial Corporation vs. Honorable Secretary of Labor and Employment, et. al” (G.R. No. 162355) na dinisisyunan ng Korte Suprema nitong Agosto 14, 2009. Dito, boluntaryong kumilala ng ibang unyon ang manedsment kahit na may nakabinbin na petition for certification election ang isang unyon.

Sa nasabing kaso, nagbuo ng unyon ang mga rank-and file- employee ng Sta. Lucia East Commercial Corporation. Ang unyong itinatag ay nasa ilalim ng Conferederation of Labor Union of the Philippnes (CLUP) at kasama sa mga kasapi nito pati mga manggagawa ng mga affiliate companies ng Sta. Lucia. Ibig sabihin, hindi lamang mga manggagawa ng Sta. Lucia East ang miyembro ng kanilang unyon, kundi pati na rin mga manggagawa na nagtatrabaho sa mga affiliate companies nito.

Agad silang nagsampa ng petition for certification election sa tanggapan ng Med-Arbiter  ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa kasamaang palad, na-dismiss ang kanilang petisyon sa dahilang hindi lahat ng kanilang miyembro ay empleyado ng Sta. Lucia East. Inapela nila ang nasabing desisyon sa kalihim ng DOLE pero sa kalagitnaan ng kanilang apela, inurong  nila ito. Napagkasunduan ng mga kasapi ng unyon na baguhin na lang ang unyon at magsampa na lang ulit ng panibagong petition for certification election.

Sa kanilang binuong bagong unyon, tanging manggagawa ng Sta. Lucia East lamang ang mga kasapi nila. Hindi na kasama ang mga affiliate company nito. Nagsampa ulit sila ng bagong petisyon na humihingi ng isang certification election sa kompanya sa tanggapan ng Med-Arbiter.

Laking gulat ng unyon nang maghain ng kanyang pagtutol sa certification election ang manedsment ng Sta. Lucia East. Sinabi ng manedsment na may unyon na silang boluntaryong kinilala sa kompanya. Sa katunayan, may collective bargaining agreement (CBA) na sila sa bagong unyon na ito at ang nasabing CBA ay registrado na sa DOLE. Nagsampa ng motion to dismiss ang manedsment laban sa petition for certification election ng unyon.

Dinismiss ng Med-Arbiter ang petisyon para sa certification election. Ayon sa kanya, dahil may CBA na ang unyong kusang kinilala ng manedsment, hindi na puwedeng magkaroon ng certification election sa kompanya. Hihintayin na lamang kung kailan magtatapos ang nasabing CBA saka uli maaring nagkaroon ng certification election sa kompanya.

Inapela  ng uyon ang desisyon ng Med-Arbiter sa DOLE. Binaliktad naman nito ang hatol at sinabing dapat magkaroon ng certification election para malaman ang tunay na tinig ng mga manggagawa. Sinabi nito na hindi tama at maanomalya ang ginawang boluntaryong pagkilalala ng manedsment sa ibang unyon .

Hindi nasiyahan sa hatol ang manedsment at inakyat sa Court of Appeals ang kaso. Talo pa rin ang manedsment. Dinala nito sa Korte Suprema ang kaso sa pag-asang mabago pa ang desisyon.

Pinaliwanag ng Korte Suprema na ang karapatang kusang kumilala sa isang unyon ay binibigay sa manedsment kung wala pang ibang unyon sa kompanya. Sa madaling sabi, kung may iba pang unyon sa kompanya, hindi puwedeng magbigay ng voluntary recognition o kusang pagkilala sa isang unyon ng manedsment.

Malinaw na dati ang may unyon sa kompanya. Ito ang unyon na affiliated sa CLUP na nagsampa pa nga ng unang petisyon para magkaroon ng  certification election. Habang nakabinbin ang petisyon na ito, kusang kumilala ng ibang unyon ang manedsment at nakipag-CBA pa rito. Hindi ito maari dahil may isa pang unyon na gustong humingi ng pagkilala ng manedsment sa pamagitan ng certification election, paliwanag ng Korte Suprema.

Bagama’t sinasabi ng manedsment na may depekto ang naunang unyon sapagkat may mga kasapi ito na hindi manggagawa ng Sta. Lucia East, hindi ito katuwiran para boluntaryong kumilala na ng ibang unyon ang manedsment. Dapat ay nagsampa muna ang manedsment para makansela ang rehistro ng naunang unyon. Hangga’t hindi nakakansela ang rehistro nito, nananatili itong legitimate labor organization na nagiging hadlang sa anumang boluntaryong pagkilala ng manedsment sa ibang unyon.

Isa pa, banggit ng Korte Suprema, walang karapatan ang manedsment para kontrahin ang petition for certification election ng unyon. Ayon sa batas, ang papel ng manedsment sa mga ganitong proseso ay bilang tagapagmasid lamang. Hindi siya maaaring makilahok dito para kontrahin ang petisyon ng unyon.

Binasura ng Korte Suprema ang kaso ng manedsment at inutos ang agarang pagsagawa ng certification election sa kompanya.