Babaing pinaslang sa brutal na video, isang Filipina?

August 12, 2009

Nanawagan ang Migrante International sa administrasyong Arroyo na agad na kilalanin kung ang babaeng brutal na pinatay sa pamamagitan ng pambabato sa isang video ay isang overseas Filipino workers.

“Nakakabahala ang video. Kung ang naturang babae sa video ay isang Filipina, dapat agad na umaksiyon ang embahada ng Pilipinas sa Jordan at imbestigahan kung bakit nangyari ang insidente,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Ang naturang video na may pamagat na “Pinay sa Jordan (Brutally killed)” ay in-upload sa youtube.com noong Hunyo 25, 2009 nang isang nagngangalang hotjc2009.

Sa isang komento ni hotjc2009, inamin niyang hindi niya rin kilala ang babae at ipinasa lamang sa kanya ng isang kaibigan ang naturang video. Sinabi rin umano ng nagpasa sa kanya na ang insidente ay nangyari sa Jordan.

“Walang sinuman ang maaaring magwalang-bahala sa brutalidad na ipinakita sa video. Walang puso ang opisyal ng gobyerno na masisikmurang palampasin ang kaseryosohan ng naturang insidente,” ani Martinez.

Nagsimula ang naturang video sa pagbibigay ng babala sa mga OFW na huwag magtataksil (sa relasyon) sa Middle East. Sumunod na ipinakita ang grupo ng mga tao na sinisipa ang isang babaeng puno ng dugo ang ulo. Nagtapos ang video sa eksenang pinukpok ng bato ng isang lalaki ang naturang babae.

Hinamon ng Migrante ang Department of Foreign Affairs at Department of Labor na agad na tawagan ang kanilang mga kinatawan sa labas ng bansa para kumpirmahin kung isang Filipina nga ang sangkot sa naturang video.

“Nananawagan kami sa ating mga kababayan sa ibang bansa na magbigay ng anumang impormasyon para makumpirma ang naturang video,” sabi ni Martinez.

“Sinumang may impormasyon tungkol sa insidente ay maaaring makipag-ugnayan sa Migrante sa 421-0768 o kaya’y sa migrantecampaign@gmail.com. Nangako silang hindi ibubunyag ang anumang pagkakakilanlan sa sinumang magnanais tumulong.

Lumalabas na tinanggal na ng YouTube sa website nito ang naturang video dahil sa paglabag umano ng terms nito. Kabilang marahil sa nilabag ng video ang pagpapakita ng brutalidad at karahasan.