Ang yumaong pangulo at ang kanyang pangarap sa bayan


Naihatid na sa huling hantungan si dating pangulong Corazon Aquino. Marami ang nagnanais na ialay sa kanya ang iba’t ibang titulo’t pagkilala. Ngunit marahil, ang pinakamahalagang pagkilala ay ang pagpapatuloy ng pakikibakang kanyang sinimulan kasama ang taumbayan.

Noong nakaraang linggo, ika-5 ng Agosto, hinatid na sa kanyang huling hantungan si Corazon Aquino. Sa kabila ng malupit na ulan at hagupit ng hangin, nagmartsa pa rin ang daan-daang mamamayan, kasama ang naiwang mga supling, kaanak at kaibigan ng dating pangulo.

Sa isang saglit, tila nagbalik ang larawan ng lansangan sa Kamaynilaan noong panahong dinudurog ang diktadurya ng bigwas ng taumbayan: Libong mamamayan na nakataas ang kamay at nakasenyas ng letrang “L”, kasabay ang pagbigkas ng “Tuloy ang laban”; confetti na lumilipad sa hangin mula sa bintana ng nagtatayugang mga gusali; mga pamilyar na himig na nagpapaalala ng makasaysayang paglaban ng bayan.

Ilan nang araw matapos ito, may mga nag-aalay pa rin ng bulaklak at kandila sa harap bahay ni Aquino sa Times Street, sa lunsod ng Quezon. Laman pa rin siya ng bawat sulok ng mga pahayagan. May balitaktakan pa rin sa radyo at telebisyon hinggil sa kanyang malaong pagpanaw at makabuluhang buhay.

At tila mananatili pang kulay dilaw ang kapaligiran sa susunod pang mga araw.

Samantala, kabi-kabila ang mungkahi kaugnay ng pagpapatimo sa bayan ng pamana ng dating pangulo.

May nagsasabing maaring gawing santo si Aquino ng Simbahang Katoliko. Kung sakali, susundan niya San Lorenzo Ruiz, ang tanging Pilipino na idineklarang santo ng Vatican noong 1987, na tumangging itakwil ang kanyang pananampalataya sa kabila ng pangtotortyur sa kanya ng mga Hapon noong 1800s.

Mayroon ding panukala na isama ang kanyang larawan sa P500. Kung sakali, magkakasama ang larawan niya’t ng kanyang kabiyak, na pangunahin ring simbolo ng paglaban sa diktadurya. Mismong ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay sumasang-ayon dito at siya mismong nag-uudyok sa numismatic committee nito na ito’y isakatuparan.

Ang iba naman, nagsasabing maaaring ideklara ng Kongreso ang dating pangulo bilang Pambansang Bayani. Kung sakali, siya ang unang magiging bayaning maidedeklara sa pamamagitan ng lehislatura.

Kung titingnan, may iba’t ibang dahilan para ipanukala ng iba’t ibang personahe na ialay sa dating pangulo ang mga pagkilalang ito. Pero ang hindi tiyak ay kung nanaisin ito ng mismong dating pangulo.

Madalas noong sabihin ni Aquino na hindi niya ninais na pamunuan ang bansa. Aniya, tinulak lamang siya ng pagkakataon na pamunuan ang laban sa diktadurya matapos paslangin ang kanyang kabiyak na pangunahing pigura mula sa burukrasya na tutol sa pamumuno ni Ferdinand Marcos. Sa pagkakaluklok sa kapangyarihan matapos ang pag-aalsa ng mamamayan, alam niyang marami siyang hindi nalalaman kaugnay ng pagpapatakbo ng pamahalaan. May pagkakataong ding sinabi niyang kinasasabikan niya ang pagtatapos ng kanyang termino.

Kaya’t maari ngang sabihin na hindi naghangad ang dating pangulo ng kahit anong titulo na maaaring ikakabit sa kanyang pangalan, maging ang pagkapangulo.

Mayroon lamang siyang ninais ipaglaban: ang pagbabagong sa tingin niya’y matagal nang kailangan ng bansa.

Hanggang sa huling sandali, ipinaglaban niya ang pagbabagong ito. Sa kabila ng pagkakaratay, nagawa pa nitong sumulat ng pahayag at ipabasa sa kanyang apo sa harap ng libong mamamayan na nagsama-sama sa Ayala noong Hunyo 10 laban sa Constituent Assembly ng administrasyong Arroyo.

Matatandaang isa rin siya sa pangunahing pigura sa pagpapatalsik kay dating pangulong si Joseph Estrada noong 2001.

Ito nga lamang marahil ang pangarap ng dating pangulo: Muling buhayin ang lakas ng taumbayan para sa iisang layunin. Mahalagang aral mula sa kasaysayan na ang pagbabago ay nasa kamay ng mamamayang sama-samang kumikilos. At sa kanyang libing, muling naipakita ng taumbayan na kaya nito na muling tipunin ang sariling lakas.

Para nga sa marami, nakakapangilabot ang kapal ng nagsidalo para ihatid ang labi ng dating pangulo mula sa Manila Cathedral hanggang Manila Memorial Park.

Ayon naman sa Malakanyang, hindi nakikita ni Pangulong Arroyo na banta sa kanyang pamumuno ang laksa ng mga taong nagsidalo.

Pero malinaw na mali ang hinuha ng pangulo. Ayon sa mga kritiko ng pamahalaan, nasadlak pang lalo ang pangulo dahil sa kaganapan kaugnay ng dating pangulong sumakabilang-buhay na lumalaban para maaalis siya sa kapangyarihan, bago siya makapagmaniobra at makapanatili sa pwesto sa pamamagitan ng pagbabago sa konstitusyon.

Mali ang hinuha ng Arroyo dahil mapagpasyang tutupdin ng taumbayan ang pangarap ni Aquino na hindi naiiba sa kanilang sariling pangarap.