Pasintabi

Xeroxing ng Manila


May intra-subgenre ang “city films.” Maaring pumaloob sa social melodrama (Maynila sa Kuko ng Liwanag, ang kinikilalang opening film ng second golden age, ni Lino Brocka), komedi (Tisoy ni Ishmael Bernal), aksyon (Gangland ni Peque Gallaga), at iba pa. Mahalaga ang hitsura ng syudad sa pagsusubstansya ng pelikulang ang pangunahing ethos ay ang dialektika ng […]

May intra-subgenre ang “city films.” Maaring pumaloob sa social melodrama (Maynila sa Kuko ng Liwanag, ang kinikilalang opening film ng second golden age, ni Lino Brocka), komedi (Tisoy ni Ishmael Bernal), aksyon (Gangland ni Peque Gallaga), at iba pa. Mahalaga ang hitsura ng syudad sa pagsusubstansya ng pelikulang ang pangunahing ethos ay ang dialektika ng kalabisan at kakulangan ng Manila bilang pangunahing sentro ng bansa.

Pangunahin kaya pangunahin din sa problema, gayong salat pa rin sa tampok na marka ng global na modernidad. Ang afinidad ng city films ng Third World, tulad ng City of God (Brazil) at Tribu (Pilipinas) ay ang formasyon ng isang axis ng alternatibong modernidad—kung saan ang panlipunang kahirapan at karahasan ay magkasalikop na dinadanas ng pinakaaba sa mga abang mamamayan ng syudad. Binabandera ang alternatibong kosmopolitanismo, kung saan ang pambansang batas at kaayusan ay hindi lubos na nakakatagos.

Manila (2009) ang titulo ng back-to-back na pelikula nina Raya Martin at Adolfo Alix, Jr., ilan sa mga pinakaprolifikong filmmakers ng kasalukuyang Philippine indie cinema. At ito ang isa pang pelikulang nagtatangkang i-xerox ang ethos ng city film, gayong malinaw rin ang orihinal na kopya na pinaghahalawan nito.

Ang kay Martin ay ang take-off sa umaga ng karakter na lalaki sa City After Dark/Manila After Dark (1980) ni Bernal. Ni-reyd ang tinatangkilik na sauna ng dating William Martinez na karakter (naging taxi driver sa bersyon ni Martin), ngayon ay isinabuhay ni Piolo Pascual, ang producer ng xerox copy. Isang araw lamang ang unang bahagi, ang paghahanap ng tauhan sa kanyang sariling paglubog at pagka-solve, sa pagbatak ng shabu kinagabihan.

Sa segment ni Alix, muling isinapelikula ang kanyang bersyon ng Jaguar (1979) ni Brocka. Isang gabi lang ang segment na ito. Wanna-be bosing ang karakter ni Piolo, isang bodyguard ng batang politiko. Sa pagtatanggol sa kanyang amo, at ang parusa sa pagnanais makaangat nang lampas sa itinakdang antas panlipunan, nakapatay siya ng karibal ng amo. Pinabayaan siyang mag-isa ng kanyang amo. Nagpaalam siya sa kanyang ina (Anita Linda noon at ngayon).

Tumungo sa kakilala (Mengie Cobarubias, ang gumanap ding dating amo sa orihinal) sa tambakan ng basura. Sa sona na ginanap sa lugar, tumakas ang tauhan. Nahuli sa tuktok ng basura. At ito ang inobasyon ng bersyon ni Alix—sinalvage ang tauhan. Nakulong ito sa orihinal na parang hayop, pinagsindi-patay ang lighter na bigay ng amo.

Magduda sa anumang pelikula na nakatago sa “homage” o “remake,” lalo na ng mga klasikong akda. Hindi lubos na nagtagumpay si Carlitos Siguion Reyna sa kanyang adaptasyon ng mga klasikal na nobela sa exotikong lokal na tagpuan. Ang pinakarumal-dumal dito ay ang total remake ng parehong shots ng Psycho ni Gus Van Sant mula sa orihinal na klasiko ni Alfred Hitchcock. Sa bansa, ang sukdulang problematikong remake ay ang mga remake ng klasikal na gawa ni Celso Ad Castillo na siya mismo ang nag-remake.

Hindi magandang hudyat din ito sa napakabatang Philippine indie cinema. Nauubusan na ng kwento ang kasalukuyang henerasyon ng filmmakers na kailangan na nitong manghiram sa naunang mga pelikula—mga kanonikal at nananatiling cutting-edge pa rin. Saan nanggagaling ang confidence ng mga batang filmmaker? Nag-aalumpihit marahil sa kanilang libingan ang matataray na direktor na sina Bernal at Brocka.

Nananatiling cutting-edge ang mga pelikula nila dahil sa dalawang historikal na dialog na ginawa ng mga ito: una, ang kapasidad ng kanilang pelikula na magbigay komentaryo sa historikal na panahon na pinagmulan ng kanilang mga obra, ang diktadurya ni Marcos (at hindi ito reproduceable); at ikalawa, dahil grounded sa kasaysayan ang kanilang akda, at dahil hindi naman lubhang naglaho ang mga isyung kanilang piniling talakayin, operasyonal pa rin ang lohika ng sining sa kasalukuyan.

At ito kakulangan ng pelikulang sumi-xerox sa Manila. Ano ba ang piniling talakayin, maliban sa link sa nakaraang obra? Ano ang kanilang komentaryo sa kasalukuyan, na tanging sa kasalukuyang kaayusan lamang maaring mangyari ang nangyari sa pelikula? Kaya ang hitsura ng syudad sa Manila ay backdrop lamang ng mga nakita na natin.