Wikang Filipino bilang puhunan?

July 15, 2009

Ingles para sa matalino, Filipino para sa bobo.

Pasensiya na po sa elitistang diskurso. Pero ganito na ang pagtingin ng isang pamahalaang pilit na itinutulak ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Sa panahon daw kasi ng globalisasyon, magiging susi raw ito ng pag-unlad ng Pilipinas. Kung marunong ka raw mag-Ingles, lahat ng oportunidad ay mapapasaiyo.

Anong klaseng oportunidad naman ang naghihintay sa iyo? Basta’t kaya mong gayahin ang accent ng mga Amerikano, puwedeng-puwede kang makapasok sa call center na mataas ang suweldo. Kung mangingibang-bansa ka naman, mas madali kang makukuha sa anumang trabahong kaya mong gawin dahil alam mo ang wika ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong daigdig. Hindi bale nang magkaroon ng reputasyon ang Pilipino bilang dakilang domestic helper o caregiver. Ang mahalaga sa gobyerno’y siguraduhing matuto tayong mag-Ingles para makalabas ng bansa at makapagpadala ng dolyar. Lubhang kailangan ang huli para maisalba ang ating ekonomiya.

Kaya huwag ka nang magulat kung umabot na sa 8,726,520 ang bilang ng mga Pilipinong nasa ibang bansa, ayon sa datos ng Commission on Filipinos Overseas noong Disyembre 2007. At kung interesado kang malaman kung saan may pinakamaraming Pilipino, ito ay walang iba kundi sa Estados Unidos (EU). Alam mo bang may 2,802,586 na Pilipinong nasa EU, at 90 porsiyento sa kanila ay permanente nang naninirahan doon?

May mahalagang papel ang wikang Ingles sa ekonomiyang outward-looking, export-oriented at foreign investment-led tulad ng Pilipinas. Ang anumang pangkaunlarang plano ng gobyerno’y depende sa kung anong mabenta sa pandaigdigang pamilihan, hindi sa kung ano ang lokal na pangangailangan. Layunin din ng pamahalaang maengganyo ang mga dayuhang mamumuhunan (foreign investor), kaya nga gusto ng mga katulad ni House Speaker Prospero Nograles na baguhin ang Saligang Batas para hayaang magmay-ari ng lupa ang mga dayuhan. Pansinin ding ang iba’t ibang polisiyang nakatutok sa liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ay naaayon sa pagtrato sa mga dayuhan hindi bilang bisita kundi mistulang may-ari ng bansa. Biro nga ng iba, tila kulang na lang ay bigyan ng karapatang bumoto ang mga dayuhan!

Susing bahagi ng anumang programang pangkaunlaran ang komunikasyon, at mapapansing mas binibigyang-diin sa kasalukuyan ang pakikipagtalastasan sa mga dayuhan kaysa mga kababayan. Kung hindi raw kasi gagawin ito, mawawalan tayo ng oportunidad na makuha ang minimithing dolyar.

Totoong tagasalba ng ekonomiya ang overseas Filipino workers (OFWs). Kung noong 1998 ay malaki na ang $7.37 bilyong ipinadala nila sa Pilipinas, aba’y nagkaroon ng 123 porsiyentong paglago ito nang umabot sa $16.43 bilyon noong 2008, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Lalong kinakailangan ngayon ang maramihang pagpapadala ng mga Pilipino sa ibang bansa. Lumiliit na kasi ang dayuhang pamumuhunan dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya. Noong 2008, batay pa rin sa datos ng BSP, ang portfolio investments ay nagtala ng depisitong $3.58 bilyon dahil mas maraming inilabas kaysa ipinasok na dolyar ang mga dayuhan. Kahit na ang net foreign direct investments ay umabot sa $1.35 bilyon noong 2008, maliit ito kumpara sa $1.95 bilyong naitala noong 2007.

Kaya huwag ka nang magulat kung sa kasalukuyan ay mas binibigyang-pansin ang pagpapahusay sa kakayahan sa wikang Ingles (English proficiency) kaysa wikang Filipino. Kung tutuusin nga, hindi na pinapansin kung nagkakaroon na ng kahinaan ang maraming kabataan sa paggamit ng sariling wika.

Hindi bale nang tuluyang makalimutan ang wikang Filipino basta’t nakakayang makipagdiskurso sa wikang Ingles. At ano naman ang laman ng diskurso? Muli, hindi bale nang mababaw ang pagsusuri basta’t ”tunog Amerikano” ang paraan ng pakikipagtalastasan. Sa madaling salita, gamitin natin ang wikang Ingles kahit walang sustansiya basta’t maganda ang porma!