Husgahan Natin

Pakawala ng tiwala

Maari bang gamitin ng kompanya ang pagkawala ng tiwala sa isang empleyado upang tanggalin ito sa kanyang trabaho? Paano kung na-abswelto ang empleyado sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya ? Ang kasong “Renita del Rosario, et. al. vs. Makati Cinema Square Corporation”, ( G.R. No. 170014, July 3, 2009 ) ay makapagpapaliwanag sa […]

Maari bang gamitin ng kompanya ang pagkawala ng tiwala sa isang empleyado upang tanggalin ito sa kanyang trabaho? Paano kung na-abswelto ang empleyado sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya ?

Ang kasong “Renita del Rosario, et. al. vs. Makati Cinema Square Corporation”, ( G.R. No. 170014, July 3, 2009 ) ay makapagpapaliwanag sa atin sa bagay na ito.

Regular na mga empleyado sina Renita sa Makati Cinema Square. Takilyera sila sa mga sinehan doon at kasapi ng isang unyon.

Isang araw ay hiningi ng kompanya sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang nababalitang anomalya sa pagbibenta ng tiket sa mga sinehang pag-aari nito.

Agad namang tumalima ang NBI. Sa ginawa nilang imbestigasyon, napag-alaman nila na may anomalya ngang nagaganap sa pagitinda ng tiket doon. Lumalabas na ang tiket ng isang kustomer na binibili nito sa takilyera at binibigay sa porter para makapasok sa sinehan ay hindi pinupunit ng porter kundi binabalik sa takilyera para muling ibenta. Hati-hati sila sa kita rito. Ayon sa imbestigasyon ng NBI, sangkot sa ganitong anomalya si Renita .

Nagsampa ng demandang “qualified theft ang kompanya laban kina Renita sa Prosecutor’s Office. Na-iangat sa Regional Trial Court ang kaso laban sa kanila at doon na bibistahan. Nilagay din ng kompanya sa preventive suspension” sina Renita kasabay sa paghingi sa kanila ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat matanggal sa kanilang trabaho. Pagkatapos ng imbestigasyon, tinanggal na ng kompanya sa trabaho sina Renita.

Nagsampa ng kasong “illegal dismissal” sina Renita laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Napatunayan ng Labor Arbiter na walang kinalaman sa anomalya sina Relita at mali ang kompanya sa ginawang pagtanggal sa kanila. Pinanalo niya sina Renita.

Nag-apela ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Dito nabaliktad ang desisyon. Napatunayan ng NLRC na may batayan ang kompanya para tanggalin sina Renita at tama ang ginawa ng ompanyang pagtanggal sa kanila.

Dinala nina Renita ang kaso sa Court of Appeals pero hindi na nabago ang desisyon. Bilang huling hirit, dinala nila ito sa Korte Suprema.

Samantala, pinawalang sala sina Renita sa kasong “qualified theft” na isinampa sa kanila sa Regional Trial Court ng kompanya. Nakita ng nasabing korte na hindi sapat ang ebidensya laban sa kanila. Gamit ang pagka-dismiss ng kasong kriminal, sinabi nina Renita sa Korte Suprema na dagdag itong batayan na wala nga silang kasalanan.

Sinabi ng Korte Suprema na ang kawalan ng tiwala ng isang kompanya sa kanyang empleyado ay sapat na dahilan upang matanggal ang nasabing empleyado. Matatagpuan ito sa 282 ( c ) ng Labor Code na ito ang sinasaad :

ARTICLE 282. Termination by employer. — An employer may terminate an employment for any of the following causes:

(c) Fraud or willful breach by the employee of the trust reposed in him by his employer or duly authorized representative;

Magagamit ang batayang ito, ayon sa Korte Suprema, kaugnay ng mga empleyado na ang katungkulang ginagampanan ay nangangailangan ng pagtitiwala ng kompanya, tulad halimbawa ng mga empleyadong humahawak ng pera katulad ng “cashier” o mga empleyadong mataas ang katungkulan sa kompanya katulad ng “manager”.

Nilinaw din ng Korte Suprema na hindi kailangang mapatunayang nagkasala sa isang “criminal case” ang isang empleyado para matanggal sa kanyang trabaho. Tama nang may sapat na batayan ang kompanya para mawalan ng tiwala sa empleyado. Kaya kahit na naabswelto siya sa “criminal case”, maari pa ring tanggalin ang empleyado basta’t may sapat na batayan ang kompanya.

Sa kaso nina Renita, walang duda na ang posisyon nila bilang takilyera ay nangangailangan ng mahigpit na pagtitiwala ng kompanya. Wala ring duda na sinira nila ang pagtitiwalang ito. Sinabi ng tatlo sa kasamahan nilang empleyado na sangkot sa katiwaliang naganap na may kinalaman dito sina Relita. Dinetalye pa ng mga ito kung ano ang naging partisipasyon nina Relita. Hindi nila ito sinagot at sila ay tumahimik lamang. Hindi rin nila naipaliwanag kung bakit dinadamay sila ng mga kapwa empleyado. Ito ay sapat nang batayan para mawalan ng tiwala sa kanila ang kompanya. Kaya kahit na abswelto sila sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanila, maari pa rin silang tanggalin sa kanilang trabaho, paliwanag ng Korte Suprema.