Husgahan Natin

Nagbitiw sa kompanya: may separation pay bang makukuha?

Ang isang empleyado bang nagbitiw sa kanyang trabaho ay may makukuhang benepisyo mula sa kompanya? Ang bagay na ito ay madalas itanong sa atin. Mabuti na lamang at sa kasong “J” Corporation vs. Cesar Taran (G.R. No. 163924; June 18, 2009) ay muling tinalakay ng Korte Suprema ang isyung ito. Empleyado si Cesar ng isang […]

Ang isang empleyado bang nagbitiw sa kanyang trabaho ay may makukuhang benepisyo mula sa kompanya? Ang bagay na ito ay madalas itanong sa atin. Mabuti na lamang at sa kasong “J” Corporation vs. Cesar Taran (G.R. No. 163924; June 18, 2009) ay muling tinalakay ng Korte Suprema ang isyung ito.

Empleyado si Cesar ng isang kompanya. Pagkatapos ng 12 taon, bigla siyang nagbitiw sa kanyang trabaho. Pagkalipas ng limang buwan, nagsampa ng kaso laban sa kompanya si Cesar. Nangako raw sa kanya ang regional manager ng kompanya na babayaran siya ng separation pay basta’t magbitiw lamang siya sa kanyang tungkulin. Ngunit hindi raw ito tinupad ng kompanya. Kaya’t hiniling niya sa labor arbiter na pagbayarin ang kompanya ng kanyang separation pay.

Itinanggi naman ito lahat ng kompanya. Hindi na raw naaabot ni Cesar ang kanyang quota bilang salesman sa kompanya . Marami rin daw siyang nagawang paglabag sa mga patakaran nito. Ito raw ang tunay na mga dahilan kung bakit nagpasya siyang mag-resign.

Pinanalo si Cesar ng labor arbiter at inutusan nito ang kompanya na bayaran ang separation pay ni Cesar. Inapela ng kompanya ang kaso sa National Labor Relation Commission ngunit talo pa rin ito. Dinala nito ang kaso sa Court of Appeals pero talo pa rin. Napilitan itong dalhin ang kaso sa Korte Suprema bilang huling hirit.

Nilinaw ng Korte Suprema na walang probisyon sa Labor Code na nagbibigay sa isang empleyado ng separation pay kung sakaling boluntaryo siyang magbitiw sa kanyang tungkulin. Sa madaling sabi, kung sakaling magre-resign ang isang empleyado sa kanyang trabaho, wala siyang makukuhang benepisyo sa kompanya, maliban lamang kung may patakaran ang kompanya na nagbibigay ng separation pay sa mga manggagawa nito na magbibitiw sa kanilang trabaho o di kaya ay nakalagay ito sa collective bargaining agreement (CBA) sa kompanya.

Sa kaso ni Cesar, walang patakaran ang kompanya tungkol sa pagbabayad ng separation pay sa mga empleyadong kusang nag-resign. Wala rin itong CBA tungkol dito. Ang ibig sabihin ba nito ay walang matatanggap si Cesar sa kanyang pagbibitiw?

Wala sana kung boluntaryo ang kanyang pagbibitiw, sabi ng Korte Suprema. Ngunit ayon sa ebidensya, malinaw na hindi ito boluntaryo. Makikita sa mga dokumento na nagbitiw siya sa kanyang 12 taong trabaho dito dahil sa pangako ng regional manager nito na babayaran siya ng kanyang separation pay.

Dahil dito, makatarungan lamang na magbayad ang kompanya ng separation pay nitong si Cesar. Hindi nito iiwanan ang labing-dalawang taon nitong trabaho kung hindi dahil sa pangako ng kompanyang babayaran siya ng separation pay. Dapat lamang totohanin ng kompanya ang pangako nito kay Cesar.

Kaya kung may plano kayong magbitiw sa inyong trabaho at gusto ninyong mabayaran ng separation pay, tiyaking may company policy na nagbibigay ng ganitong benepisyo. O di kaya ay dapat nakalagay ito sa CBA.

Kung wala, gawan ninyo ng paraan na mangako ang kompanya na magbibigay ng separation pay. Ito lamang ang paraan para makuha ito kahit kayo ay nagre-resign.