Imbitasyon sa protesta

July 26, 2009

Ayaw mong mag-martsa laban sa katiwalian? Maraming dahilan para huwag sumali sa mga kilos-protesta, kaya huwag kang mag-alala’t hindi ka mauubusan ng paliwanag.

Sa isang banda, puwede mo namang sabihing hindi mo kailangang ipaliwanag kahit kanino ang anumang desisyon mo. Tulad ng iba, alam mong may sarili kang pag-iisip kaya alam mo ang tama at mali. Baka nga mas mataas pa ang pinag-aralan mo kumpara sa mga magsasaka’t manggagawa na tila napapadalas ang pagwawagayway ng mga pulang bandila sa mga kalyeng madalas mong daanan.

Pero maaaring binabagabag ka ng iyong konsensiya tuwing may nakikita kang kilos-protesta habang ikaw ay papunta sa iyong eskuwelahan o pinagtatrabahuan. Sabihin mang wala kang pakialam sa pulitika, paminsan-minsa’y naiisip mong baka may bahid ng katotohanan ang mga islogang sinusulat sa mga pader at sinisigaw sa mga lansangan.

“Presyo, ibaba! Sahod, itaas!” Alam mong praktikal na panawagan ito ng lahat ng mamamayan, lalo na ng mahihirap. Sino ba naman ang ayaw sa mataas na suweldo’t mababang presyo ng mga produkto’t serbisyo? Kung mangyayari ito, kahit ikaw ay may malaking pakinabang.

Oo, kahit ang mayayaman ay nais ang pagtaas ng suweldo’t pagbaba ng presyo pero iba ang kanilang dahilan. Ang kanilang paghahangad ay sa konteksto ng lalo pang pagpapalakas ng kanilang kapangyarihan at impluwensiya sa lipunan.

Kahit hindi ka eksperto sa ekonomiks, alam mong iba ang konteksto sa kaso ng mahihirap. Nais lamang nilang makakain nang tatlong beses isang araw at mabuhay nang disente. Sadyang mababaw lang ang kanilang kaligayahan dahil wala naman silang ilusyong makapantay ang katayuan ng mga Ayala’t Zobel ng Pilipinas.

Makapag-uwi lang ng pansit o anumang paboritong pagkain para sa kanyang pinakamamahal na pamilya, hindi na masukat ang ligaya ng isang ordinaryong manggagawa kahit kakaunti lang ang pagsasaluhan. Hindi kailangan ng mamahaling regalo sa mga espesyal na okasyon tulad ng kaarawan o Kapaskuhan. Ang simpleng pag-alala sa pamamagitan ng paghalik at pagbati ay sapat na para magpangiti sa mga mahal sa buhay.

Oo, puwede mong sabihing ang kahirapan ay maiuugat sa simpleng katamaran. Kung magsusumikap lang ang mahihirap, makukuha rin nila ang kanilang hinahangad. Ang tanong naman sa puntong ito: Lahat ba ng mamamayan ay nabibigyan ng oportunidad na umunlad?

Sadyang limitado ang oportunidad kaya kung anu-anong ginagawa ng mahihirap para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya. Oo, ang ating ”Pambansang Kamao” ay yumaman dahil sa kanyang pagsusumikap, at hindi natin minamaliit ang kanyang kakayahan bilang pinakamahusay na boksingero hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Pero ang kanyang personal na tagumpay na makaahon sa kahirapan ay mainam na suriin sa konteksto ng kakulangan ng pamahalaan. Anong klaseng sistema ang umiiral sa ating lipunan kung kailangang makipagbasagan ng mukha ang isang tao at itaya ang kanyang buhay sa bawat laban para lang makamit ang disenteng pamumuhay?

Para sa milyun-milyong Pilipinong nangingibang-bansa, may mga pamilyang yumayaman kahit na malaki ang tsansa ng permanenteng paghihiwalay ng mag-asawa at pagpapariwara ng mga anak. Totoo namang marami ring kaso ng pagyaman ng mga nagsusumikap na migranteng Pilipino. Pero muli, kailangang itanong natin sa ating sarili kung makatao ba ang sistemang napipilitang mangibang-bansa ang maraming Pilipino para lang guminhawa ang kanilang buhay.

Simpleng kaligayahan lang naman ang hinihiling ng marami, pero kahit ito’y ipinagkakait ng isang pamahalaang kilala hindi sa pagsisilbi sa interes ng mamamayan kundi sa walang humpay na pagpapayaman. Oo, may dahilan para magprotesta ang milyun-milyong Pilipino sa sistemang umiiral sa ating lipunan – isang sistemang patuloy na ipinapatupad ng mga nasa kapangyarihan dahil sila ang pangunahing nakikinabang.

Ang mga protesta’y umabot na sa panawagang patalsikin ang Pangulo ng ating bansa at tutulan ang anumang hakbang para patagalin ang kanyang panunungkulan. Nasa iyo ang desisyon kung nais mong makiisa sa kilusan para sa makabuluhang pagbabago. Puwede mong sabihing wala kang panahon sa mga pagkilos dahil ang iniisip mo ay ang kapakanan ng iyong sarili’t pamilya.

Anuman ang iyong desisyon, sana’y isaisip mo na ang mga protesta’y isinasagawa para ipahayag ang saloobin ng mga pinagkakaitan. Ang mga nakasulat sa plakard at mga sinisigaw sa lansangan ay hindi walang-lamang retorika kundi pagsusuma ng mga nais na ipatupad sa isang makataong lipunang kayang pagbigyan ang mga simple’t mabababaw na kaligayahan ng nakararaming mamamayan.

Mainam sanang sumama ka sa mga pagkilos na mangyayari sa susunod na hinaharap. Ang pagmartsa ay simbolikong pakikiisa lang sa hangarin ng nakararami, pero ang mas mahalaga’y pakinggan at suriin ang mga sinasabi sa isang kilos-protesta. Tama ba ang mga ipinaglalaban? Kalabisan ba ang mga panawagan? Bakit ba masyadong matapang ang mga pananalita?

Hindi pa po huli ang lahat para makiisa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.